Sa panahon ngayon na punumpuno ng alinlangan, tila kailangan natin ang anghel para tayo gabayan sa araw-araw nating pamumuhay. Yung ilan sa atin ay lumaki na dinarasal ang panalangin sa kaniyang Guardian Angel. Pero may ilan din na napaglipasan na ang paniniwala na may anghel nga.
Kung susuriin, totoong nagpapadala ang Panginoon ng mga anghel sa ating buhay; mga magulang, kaibigan, mga anak, kasintahan, mga kasamahan sa trabaho, at iba pa. Kapag masaya tayo at natutuwa sa kanilang ginawa, tawag natin sa kanila, anghel ka ng buhay ko, you're such an angel! Pero kapag ginabi ng uwi si Mister, nagbabago ito, Demonyo ka talaga, bakit ngayon ka lang?
Sa aming Parokya ay mga anghel. Hindi sila santo, hindi sila perpekto, hindi sila 'ganap na mabuting' tao, ika nga, flawed. Pero sa kabila ng kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, nagsisilbing angehl pa rin sila para sa iba. Sa kanilang pamamaraan ay nagiging anghel sila sa kanilang magnatutulungan o pinaglilingkuran.
Si Reynan ay parang si Miguel na nagbibigay ng lakas sa mga katutubo ng Porac. Kung dati ay bahagi lamang ng outreach program ng aming parochial school ang pakikipamuhay sa mga Aeta ng Porac, naging 'career' na ito kay Reynan. Hindi lamang siya nakisawsaw, sadyang nilubog niya na ang kaniyang sarili. Tinulungan niya ang mga ito na na makapagtayo ng chapel at paaralan sa tutok ng bundok. Tinuruan niya ang mga katutubo, pati ang mga kababaihan duon, ng dagdag kaalaman sa kabuhayan. At higit sa lahat, dinala niya ang Salita ng Diyos sa puso't isipan ng mga 'kulot'.
Niloloko nga namin minsan si Reynan, sabi namin, baka siya na ang tinuturing na anito o dinidiyos na siya ng mga katutubo ng Porac. Pero noong sumama kami rito, doon namin nakita na buhay na buhay si Hesus sa piling ng mga Aeta. Nagpapasalamat nga sila dahil hindi lamang mga pagkain, damit, gamit, kaalaman at kasanayan ang dinadala namin (sa pamumuno ni Reynan). Kasama namin lagi si Hesus at binabahagi. Sa pamamagitan ni Reynan, isang taong batbat ng mga pagsubok at mga maling desisyon sa buhay, natikman ng mga Aeta ang langit. Kung aakyat ka sa tuktok ng Porac, munting Kaharian ni Hesus na nakaugat sa mga puso ng Aeta ang matatagpuan mo doon, salamat kay Reynan.
Si Benjie ay parang si Gabriel, nagpapahayag ng Mabuting Balita. Sa kanyang malikhaing pamamaraan ay nagagawa ni Benjie na maintindihan ng mga batang paslit sa Balic-Balic ang Bibliya. Mula Lunes hanggang Biyernes, isa siyang taxi driver. Pero kahit pagod sa gabi ay gumagawa ito ng module, pinaghahandaan niya ang bawa't katesismo na ibigay tuwing Dsabao't Linggo. Titiyakin niyang magagagap ng murang kaisipan ng mga batang nakatira sa tabi ng riles, sa ilalim ng tulay, sa madidilim na iskinita, sa pasikot-sikot na condominium (yun tawag ng mga ilang squatter sa kanilang tirahan). Titiyakin ni Benjie na higit na makikila ng mga batang Sampaloc si Hesus.
Mahirap ang pinasok ni Benjie. Minsan, yung mga magulang ng mga bata mismo ang nakakabangga niya. Istorbo raw. Kasi ilan sa mga bata, kahit anim na taon lamang, ay nagsasalok na ng tubig, naglalako ng bibingka, namumulot ng kalakal tulad ng plastik at bote. Hindi nga raw pumpasok sa paaralan, tuturuan pa ng Bibliya. Hindi nga raw marunong bumasa at sumulat, babanatan pa ng pag-ibig at pag-asa ni Hesus. Pero hindi susmusuko si Hesus. Dinagdag ni Benjie sa kaniyang module ang pagtuturo ng Basic R's. Gumawa siya ng paraan na matanggap ng mga bata si Hesus habang sila ay nakikilahok sa laban ng buhay. Si Benjie na siya mismo ay maraming struggles, si Benjie na marami ring butas sa pagkatao ay isang anghel sa paningin ng mga bata.
Si Mar ay maingay, mapapel, maeksena, madaldal, makulit, mayabang minsan. Maraming inis sa kanya (dati-rati, ako mismo ay naaalibadbaran sa kanya). Pero tulad ni Arkanghel Rafael, may paraan si Mar para makapaghilom o makatulong na malunsana ang anumang karamdaman ng ilang tao sa aming Parokya.
Volunteer si Mar sa aming Parish Medical Clinic. Walang bayad dito kaya puro mahihirap ang mga pasyente. Dati, taga-ayos lang si Mar ng paligid. Tagasigaw sa pasyente kapag sila na ang susunod na titingnan ng doktor. Taga-walis. taga-buhat. Taga-bili ng tubig. Tagasaway sa mga batang malikot. Tagasupil sa mga sumisingit sa pila, tagasita sa mga mayayaman na gustong magpatingin sa aming duktor (sasabihin niya, para sa mahihirap lang dito, may pambayad naman kayo). Madalas napapaaway, nirereklamo siya sa amin.
Sa katagalan, may mga nang ginagawa si Mar. Nag-aral ito ng acupressure (mula sa health professionals na nagbigay ng seminar sa amin) kaya nagmamasahe na rin ng ilang pasyente. Tumuutulong na rin sa pag-aayos ng record at gamay na gamay na niya ang pagpaptakbo ng clinic. Ang dating kinaiinisang Mar ay kilala na sa pagiging maasahan. Makulit, madldal, maingay at minsan ay mayabang pa rin si Mar, pero sa kaniyang muting kontirbusyon, may mga katawang gumiginhawa, may mga sakit na gumagaling, may mga sugat na nahihilom.
Si Reynan, si Benjie, si Mar. Hindi sila mga anghel, malayong-malayo maging anghel. Pero maaari silang maging mga santo. Dahil sa kabila ng kanilang mga kahinaan, tumugon sila sa panawagan ng Diyos upang maglingkod at magbuo ng mga munting langit dito sa lupa.