Ganyan ang buhay ng isang dakilang basketball fan tulad ko. Matalo, manalo at abutan man ng dilim, at kung mamalasin, ng bagyo --- nakatanghod sa South Gate ng Araneta. Marami nang taon ang nagdaan, marami nang players ang umakyat sa PBA o nag-iba ng landas na tinahak; marami nang players ang naggraduate at may mga bagong recruit. Nagpalit na ng coach, nagbago na ng managers, nabawasan na rin ako ng timbang --- nandun pa rin ako sa South Gate. Naghihintay, nagbabakasakali ng kaunting kaway at sana may kasamang ngiti. Pero ang importante, masilayan man lang ang mga paboritong Green Archers. Yung matiyak lang na okay sila, yung malaman ko lang na nakalabas sila ng mahusay pagkatapos ng laro. Yun lang masaya na ako.
Pero ngayong taon, wala nang South Gate. Nagpapatayo ang Araneta ng bagong hotel at ang dating parking area patungo sa South Gate ang location. Sa West Gate na pumapasok at lumalabas ang mga players at iba pang may kinalaman sa UAAP. Ewan ko ba kung bakit o dahil nga siguro may sentimental attachment ako sa South Gate, ni minsan ay hindi ako nag-abang sa West Gate. Iniisip ko nga mahigit sampung taon akong tumatayo sa South Gate at ni isang sandali di ko napagtyagaan ang West Gate.
Pero iba noong Linggo. Pinilit ko ang aking kaibigan na samahan ako sa West Gate. Para matiyak na okay lang ang aking mga paboritong Green Archers. Para makita ko lamang sila sa huling sandali, sa kanilang huling laro ngayong season.
Nauna kong nakita si Maui Villanueva; huling laro na ni Maui, huling taon nya na ito sa UAAP. Niyakap ko si Maui nang mahigpit at sinabihang ‘good luck.’ Nagpasalamat siya.
Nakita ko na rin yung iba pa, Jovet, Joshua, LA… pero yung pinakahihintay ko ay tumambad na mula sa West Gate.
Simon Atkins. No. 7 noon, No. 19 ngayon. Tulad ni Maui, huling laro niya na sa UAAP.
Hinayaan ko munang dumugin siya ng ibang fans, picture dito, picture doon, may nanghihingi pa ng pamasahe. Dumaan siya sa harap ko at kinamayan niya ako. Ayos na ako dun. Pinigilan ko ang sarili kong yakapin siya. Pinigilan ko ang sarili kong umiyak uli. Kakatapos ko lang humagulgol sa loob ng Araneta. Kakatapos lang namin mag-iyakan nina Tita Ellen, mommy ni Simon; Tita Bar, mommy-mommyhan ni Simon; pati ng mommy ng Maui at iba pang kaibigang solid sa Green Archers.
Pagkatapos magpapicture at bumati sa iba. Umalis na si Simon. Nandun lang ako likod niya. Safe distance sa pagsunod. May mga humarang pa rin along the way, nagpapaalam, nagpapapicture. Noong malapit na siya sa entrance ng Gateway, humarap siya sa akin.
‘Simon, mamimiss kita…’ pabulong kong sambit sa kanya.
‘Magkikita pa tayo, Tonichi, magkikita pa tayo…’
Mayroon pa siyang sinabi at tapos kumaway na para magpaalaam. Pagtalikod niya, hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Sa harap ng maraming tao, iniyakan kong muli si Simon Atkins.
Mawawala na ng tuluyan ang South Gate, pero si Simon Atkins, mananatili sa aking puso.
No, I am not just an ordinary fan. I am a Simon Atkins fan ---- and that makes me extra-ordinary.
Thank you Cyn Icasas for the pics.
No comments:
Post a Comment