Ang kamatayan ay hindi natatakasan.
Nagising ako kaninang 3AM; sabi-sabi, ito raw ang tinatawag na witching hour. Nakiramdam ako, naghintay ng multo o anuman. Wala. Pero biglang sumagi sa aking isipan ang konsepto ng kamatayan. Paano nga kaya kung yung oras na iyon ang tinakda?
Tumayo ako at kinuha ang aking journal. Napagpasyahan kong gumawa ng mga habilin kung saka-sakali ngang ito na ang oras.
Una, ang ilalagay sa aking lapida ay ito: Tonichi B. Fernandez. Born Gay. Died Happy.
Pangalawa, i-donate ang lahat ng organ ko na maaaring pakinabangan ng iba, mula sa retina hanggang sa kidney pati bone marrow.
Pangatlo, anuman ang malabi sa akin, di ko tiyak kung gusto kong pa-cremate. Bahala na ang aking pamilya kung ano ang mas convenient sa kanila. Kung i-cremate man, sana ilagak ang aking mga abo sa ossuary ng simbahan ng Holy Trinity. Malaking bahagi ng buhay ko ang aking Parokya at paaralan, kaya nararapat lamang na doon pa rin ako sa aking kamatayan.
Pang-apat, ayoko sana ng mahabang burol dahil ayokong mapuyat kayo. Pwede namang patagalin basta may viewing hour lamang. Ibig sabihin, may schedule ang pagpunta. Pero may ilang kaibigan akong nais ko sana ay gabi-gabi ay nandun. [kapag naka-tag ka sa facebook link nito, ibig sabihin kasama ka sa hiling ko]. Ayoko nang may sugal, lalo na ng Bingo.
Pang-lima, ayoko ng black. Kung pwede, green and white ang suot ng lahat, mula sa burol hanggang sa libing. Malaking bahagi ng buhay ko ang pagkahumaling ko sa LaSalle Green Archers, kaya hanggang sa huli ay nais kong humiyaw ng 'Animo!' Official photographer ko ang mag-asawang Icasas, Vic at Cyn, kasama sina Les at Karen.
Pang-anim, kung kaya, sana no make-up make-up. Meaning, hindi halata na ako'y naka-makeup. Ayoko namang bawa't titingin ay sasabihin na ' si Tonichi hanggang sa ataul, oily pa rin'. Ang isususot sa akin ay ang aking barong na may burda ng mapa ng Pilipinas.
Pang-pito, hindi kailangang magmisa gabi-gabi. Ayoko naman mang-obliga ng mga kaibigan kong pari. Pero kung sila may gusto, ayos lang. Hiling ko lamang ay gabi-gabi ay may umaawit. Tulad ng ginagawa ng KSH. Nais ko sana na awitin nila yung Hesus, Hilumin Mo, Awit ng Paghahangad, Saan Ka Man Naroroon at Sa'yo Lamang.
Pang-walo, karugtong ng pang-pito, nais ko talaga na parang concert ang bawa' t gabi. Sana may kumanta ng Minsan at With a Smile ng Eraserheads. IIsa Pa Lamang ni Joey Albert. Kung Ako na lang Sana ni Bituin Escalante, Hagkan ni Sharon Cuneta, Hanggang ni Wency Cornejo, Gaya ng Dati ni Gary V. at Hiram ni Zsazsa Padilla. Isama na rin sa repertoire ang What I Did For Love, One Hello, Falling, Alone Again Naturally, You made me feel like a natural woman, Bridge over troubled water, Alone, Every Now and Then, I Turn To You, I just don't want to be lonely tonight, at One Last Cry.
Pang-siyam, sana magbigay ng eulogy ang aking mga kapatid, kamag-anak at kaibigan. Sa mga kaibigan, aasahan ko sina Fr. Erik, Fr. Jek, Fr. Edmund, CJ, Reynan, Baby Arcilla, Chu at Martin Gaerlan. Aasahan ko rin sina Bro. Jun, Tatay Nards, Nanay Glecy, Ate Carmen, Nanay Becka, Nanay Beng, Pareng Alex Villamar, Mareng Loida Malubago, Macmac, Emy Garcia, Liz, Dyz, Edna dela Cruz, Divino at Naida [ pwede ring isama si Nanay Lita kaya lang baka abutin ng tatlong oras ang kanyang sharing]. Sana rin ay may magbigay mula sa Tgroup, sina Gov et al pati ang dalawa kong prinsesa na sina Bea at Camille. Sana may kumatawan ng Green Archers, kung pwede sana si Simon. Aasahan ko rin sina Gale, Tin, BJ Manalo, Mike Gavino at Jvee Casio. Syempre, dapat magsalita sina Gap Marquez, Dre Villar at si Asyong. Dapat nanadun din sa listahan sina Cecille Santos, Malou Macarubbo, Nandy Ilagan. Mapet Aquino, Tenten Noguera at Atoy Ramirez. Pati na rin sina Che Arandela, Mafeth, Marix, Ryan at Kaye Rivera.
Pang-sampu, ang mga pallbearers ko ay ang mga taong naging malapit sa aking puso mamon at ilang mga naging paborito. Arnold Van Opstal. Simon Atkins. Macmac Cardona. Mike Cortez. Samuel Joseph Marata. Junjun Cabatu. Joseph Yeo. Ty Tang. Cholo Villanueva. Kasama sina Milan, Wesley at Melvin. Di rin dapat mawala si Anthony Cruz.
Panghuli, hiling ko lamang sa lahat ay isang halik. Kahit sa salamin lamang ng aking ataul. Babaunin ko ang inyong halik sa kabilang buhay bilang pagpapatunay na may nagmahal sa akin.
Panginoon, salamat sa buhay, salamat sa kamatayan.
No comments:
Post a Comment