Galit ako, paumanhin po sa lahat ng aking mambabasa,
pero nagmumura ako sa galit. Sinulat ko ito sa aking diwa noong Linggo ng gabing
di ako makatulog. Pinilit kong iwaksi ang galit kaya ipinagliban ang pagbahagi
ng aking nararamdaman; subali’t kailangan ko nga sigurong ipahayag ang galit na
ito.
Galit ako sa mga baklang pumapatol, gumagamit,
nang-aabuso, nangmomolestiya ng bata. Maski hindi bakla, kahit anong kasarian o
katayuan sa buhay; basta nakakatanda o matanda na nang-aabuso ng bata. Doon sa
mga taong ginagamit ang kalagayan sa buhay upang yurakan ang pagkatao at
dignidad ng iba. Pero sa pagkakataong ito, isesentro ko ang galit sa mga baklang
gumagamit ng bata.
Galit ako sa sarili ko noong minsang muntik na akong
mabitag sa ganito. Kung tutuusin ay hindi na naman siya bata sa gulang na
labing-anim(16). Pero kahit na, menor de edad pa rin, kahit anong anggulo
tingnan, mali pa rin. Nauduyukan siya ng mga barkada niya, ako naman, nauto
rin. Buti na lang nakita ko sa mukha
niyang napipilitan lang. Buti na lang nakita ko ang mukha ko ang sarili ko sa
salamin, demonyo ang aking nakita. Hindi ito natuloy. [Hindi sa paglilinis,
iyon ang una at huli, dahil noon pa man at hanggang ngayon ay ‘takot’ ako sa
bata.] Ganunpaman, ilang taon ko rin itong dinala. At alam ko, dahil tuwing
makakasalubong ko yung bata (graduate na ng college) ay matalim pa rin ang tingin sa
akin, siya rin dala-dala pa rin niya ang karanasang ito.
Galit ako ng Linggo noong pumutok ang balita tungkol sa
isang guro na nanggahasa ng batang mag-aaral. Lalaki yung guro, lalaki rin yung
bata. 27 na yung guro, 13 years old yung bata. Putang ina. Maaring lagi na nating
nababalitaan ang ganito, sanay na tayo. Pero iba ito. Kilala ko yung guro,
kilala ko yung bata at pamilya nito.
Galit ako dahil noon pa man ay duda na ako sa pagkatao
nitong guro. Noon pa man ay sinasabi ko nang bakla siya pero walang naniwala.
Hindi naman ako nagduda sa kanya dahil bakla siya at karapatan niyang itago o
ilihim ito. Pero ang duda ko ay dun mismo sa pagtago niya. Sa aking palagay, yung pagtatago niya
ay hindi dahil takot siyang husgahan o talikdan ng pamilya at lipunan, kundi nagtatago
siya dahil may masama siyang hangarin. Hindi ko alam, ayoko naman siyang
husgahan noon, pero ang lakas talaga ng duda ko na ganun nga siya.
Galit ako dahil noon ko pa sila nakikita noong bata,
madalas sa disoras ng gabi. Estudyante niya yung bata, pero sa tingin ko iba
yung closeness nila. Parang sunud-sunuran yung bata. Nakita ko noon kung paano
sila mag-usap, halos magkadikit ang mukha. Nakita ko rin noon kung paano sa
aking palagay ay may control siya sa bata. Noon ko pa gusto makialam. Noon ko
pa gustong sabihin kay Father. Noon ko pa gustong mang-usisa sa principal. Noon
ko pa gustong magtanong sa lolo noong bata (kaibigan ko sa Simbahan yung
lolo niya). Pero hindi ko ginawa, maaaring wala kasi naman akong pakialam. O
hindi rin naman ako paniniwalaan. Duda lang naman.
Galit ako dahil totoo yung duda. Pumutok ng Linggo ng
umaga ang balita na hinuli ng pulis ang magaling na guro. Ginahasa niya yung bata,
inabuso, minolestiya, ginawan o pinagawan ng kung anu-ano na parang sex slave niya yung
bata. Hindi pa nagkasya, may video pa. At yung ang ginamit niyang panakot sa
bata.
Galit ako dahil hindi lamang ako ang maaaring may duda o may nalalaman. Pilit lang tayong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Pilit lang nating
winawalis sa ilalim ng makapal na basahan ang duming ayaw nating makita’t malaman
ng iba.
Galit ako. Galit na galit.
abangan ang pangalawang silakbo ng galit (part 2)
No comments:
Post a Comment