Minsan hindi laging ok lang ang ok lang. Hindi naman sa nagpapanggap pero minsan ok lang ako on the surface pero deep inside, nasasaktan. Minsan gusto kong sabihin yun sa mga taong tinuturing kong kaibigan - na marunong din akong masaktan. Akala ng tao, ang pagkakilala sa akin ay matapang at matatag. OO naman. Pero minsan, bumibigay din ako. At minsan gusto ko ring sumalag, gusto ko ring ipangtanggol ang sarili ko. Minsan gusto ring ako naman ang pakinggan ng aking mga kaibigang pari. At hindi lamng yung mga tsismosang nagbabait-baitan o yung mga taong mahilig magpa-awa at magpabida.
Minsan nakakapagod nang maging scapegoat sa mga shortcomings ng iba. Sa mga taong may hang-ups. Sa mga taong sobrang bigat ng excess baggage sa buhay. Wala naman akong problema o pakialam sa kanila. Iniintindi ko na lang. Pero minsan ako pa ang lumalabas ng masama. Kadalasan ako ang ginagamit sa kanilang mga hinaing sa buhay kahit wala naman akong kinalaman. Sa akin binubuhos, ako ang sinisisi sa mga problema o isyung gawa-gawa lamang ng kanilang mga malilikot na imahinasyon o ng mga makakating dila.
Minsan gusto ko nang pumatol. Pero kadalasan ako pa rin ang kontrabida. Ako pa rin si Rubi at si Clara in one. Ako lagi ang Bella Flores-Crerie Gil-Gladys Reyes. Ako pa rin ang talo dahil pinatulan ko raw ang matanda. Ako pa rin ang lugi dahil ako raw ang nagkuwento sa kumbento. Ako raw ang nagsabi. Ako raw ang may ayaw, o ang nagbabawal. Ako raw ang hindi nang-imbita. Ako raw ang nagsumbong, ako raw ang nagtaray. Ako raw tumalak. Ako raw ang nang-away. Ako raw ang nanugod. Ako raw ang tagabulong sa pari. Ako pa rin ang mali, dahil ako ay naging ako.
Minsan parang gusto ko nang bumigay at sumuko. Mahirap nga talaga para sa isang bading na maglingkod sa Simbahan. Para kang nasa aquarium na laging pinapanood ang kinikilos at inaabangan ang sinasabi. Laging misquoted, misunderstood, mismo. Nakakapagod ding magpaliwanag. Nakakapagod na ring mag-adjust. At nakakapagod na ring magpasensya at manahimik na lang lagi.
Minsan gusto ko nang tumalikod. Minsan inisip ko, sana Born Again na lang ako o walang relihiyon. Minsan mas gusto ko na lang na simpleng mananampalataya. Yung simpleng nagsisimba lang, nananalangin at nagsusumamo, nagpapasalamat at humihingi ng awa at patawad, nagnonovena at namamanata, pumupunta sa adoration chapel...Yung simple lamang na tagasunod ni Kristo. Walang isyu at hindi nagiging pabigat kanino man, yung hindi na kailangang ipagtanggol o ipaglaban. Yung hindi laman ng usapan at ng bible sharing. Minsan kasi, maski sa bible sharing, ako pa rin ang pulutan.
Pero siguro nga ang pagsunod kay Kristo ay may katumbas na pagbubuhat din ng krus. Ito siguro ang aking krus sa buhay, ang pagiging bading na tagapaglingkod.
Pero minsan, parang ako ay sasabog. Minsan gusto ko lang umiyak. Tulad ngayon.