Tuesday, April 26, 2011

Walang Pag-ibig

walang hangganan
walang katapusan
walang wakas
walang humpay na bukas

walang pasakit
walang hapis
walang pait
walang hambing ang tamis

walang kapalit
walang makahihigit
walang kapantay
walang kasing tunay

ganyan ang pag-ibig na
tanging si Hesus ang may bigay

ganyan ang pag-ibig na
tanging hinahangad sa aking buhay.

wala nang iba.
wala nang hahanapin pa.

Wednesday, April 13, 2011

Nang umiyak si Hesus

Tama. Pati si Hesus ay nalulungkot, nalulumbay, umiiyak at nananangis. Sa Kanyang pagiging Tao, siya rin ay nasaktan, siya rin ay iniwan, siya rin ay tinanggihan --- at may ilang tagpo sa Kanyang Buhay na mga ito'y Kanyang ininda at sadyang napaluha. Tulad ng Ebanghelyo noong Linggo [John 11:1-45.] , siya ay nanangis para sa kanyang kaibigang si Lazarus.

Tayo, kailan ba tayo huling umiyak? Kailan ba tayo lumuha para o dahil sa ating kaibigan o mga mahal sa buhay? Kailan ba tayo nagpa-iyak ng kapwa?

Inisip ko rin, karapat-dapat ba akong iyakan ni Hesus?

Habang pinagninilayan ko ito noong Linggo, inisip ko, nakakahiya sa Panginoon. Ako pa mismo atang aking mga kasalanan ang dahilan ng kanyang pagluha. Ako pa ang pabigat at pasakit kaya siya ay tumatangis.

Tumatangis din ang Panginoon kapag ako ay nasasaktan. Pero mas naluluha siya kung ako mismo ang dahilan kung bakit may mga taong nasasaktan.

Sinasamahan ako ng Panginoon sa aking pag-iisa. Pero naluluha siya kapag may mga tao akong pinapabayaan at hindi minamahal.

Niyayakap ako ng Panginoon sa oras ng mga pighati at kabiguan. Subali't mas naluluha siya kapag galit at poot ang nananaig sa aking puso.

Kinakalinga ako n g Panginoon sa panahon ng ako'y tinanggihan, niyurakan at hinusgahan. Pero mas naluluha ang Panginoon kung ako mismo ang dahilan ng kawalan ng hustisya.

Sa mga oras na ako lulumuha, naroon ang Panginoon, nakikiiyak sa akin. Pero mas mananangis Siya kung wala na akong pag-ibig at masalakit sa kapwa; kung hindi na ako marunong magpatawad at magbigay; kung nakalimutan ko nang maging asin at liwanag para sa iba.

Tama. Si Hesus ay lumuha. At patuloy na mananangis kung ako'y hindi mabubuhay muli para sa Kanya at sa kapwa.

pakiusap

kung ikaw ay lilisan,
huwag ka nang magpaalam
kung ikaw ay lalayo,
huwag ka nang lilingon

kung ako'y iiwan mo na
huwag mo na akong tingnan
kung ako'y muling mag-iisa
huwag mo na akong tatawagan

kung tayo'y tuluyang maghihiwalay
ako ay malulumbay
kung talagang ikaw ay hindi para sa akin
pakiusap lang, ngayon pa lang, ako'y iwan na.