Pero ngayon sa buhay ko ay iisa lang ang aking hinahangad: ang pag-ibig ni Hesus. Yun lang at sapat na. Wagas at walang hanggan ang pag-ibig na inaalay ni Hesus sa kanyang mga kaibigan. Alam ko isa ako sa kaibigan ni Hesus. Ilang beses ko ba siyang tinalikuran pero Siya pa rin tatambad sa aking harapan. Ilang beses ba sa buhay ko na ako ay nagtago sa dilim, nawala at nagwala; pero Siya pa rin ang sa akin ay naghahanap, yumayakap at umaakay pabalik sa liwanag. Ilang pagkakataon ba akong napagsarhan ng pintuan, hinusgahan at nasaktan; pero nariyan Siya upang ako'y kalingain, ingatan at hilumin ang sugatang puso at pagbuksan ng walang katapusang pinto ng pag-asa. Ilang pagkakakataon bang ako'y nadapa, nagkasala, nanakit ng kapwa; pero si Hesus ay di nagbibilang, di nanunukat, di nagbibigay ng parusa --- patuloy Niya akong minamahal, pinapatawad, pinamamalasakitan.
Si Hesus ang tunay na Kaibigan at wala nang pag-ibig ang hihigit sa Kanyang inaalay sa akin.
Subali't sa Ebanghelyo [John 15:12-17] ngayon, pinapaalala ni Hesus: This is my commandment: love one another as I love you. No one has greater love than this, to lay down one's life for one's friends...
Simple lang, hindi sapat na mahal ako ni Hesus. Hindi sapat na naniniwala, nananampalataya at nakakapit ako sa pag-ibig na iyon. Kailangan ko ring magmahal. Magmahal ng sarili. Magmahal ng kapwa. Magmahal ng kapatid, kamag-anak at kaibigan. Magmahal ng kaaway. Magmahal ayon sa pag-ibig na inaalay ni Hesus. Magmahal sa ngalan ni Hesus.
Buong buhay ko iisa pa lamang ang pag-ibig na aking hinahangad, ito'y pang habambuhay, hanggang sa kabilang buhay.
At buong buhay ko, ang iisang pag-ibig na ito ang aking isasabuhay at sa iba'y iaalay at ibibigay.
Ang pag-ibig ni Hesus.