Sa pagbuhos ng ulan
Sa haplos ng hangin
Alaala mo ay nakaukit
Sa pisngi ng langit
Sa haplos ng hangin
Alaala mo ay nakaukit
Sa pisngi ng langit
Sa iyong burol, may lamesa sa tabi ng iyong kanlungan kung saan may
nakalagay na mga kulay pink na papel na korteng puso, may note na ‘PS I Love
You’ at sabi ay maaari kaming gumawa ng sulat at ihulog lamang sa plastic box
na katabi ng note. Isasama raw ang kulay na pink na papel na korteng puso sa
iyong huling hantungan.
Friend, pasensya na, pero hindi kasya sa kulay pink na papel na korteng
puso ang nais kong sabihin sa’yo.
Sa totoo lang, wala akong masabi sa iyong paglisan.
Kagabi noong kakaunti na lamang kami, tinitigan kita nang husto. Nakatatak
sa isip at puso ko ang mga matatamis mong ngiti. Your beautiful smiling face.
At yun ang nais kong baunin sa iyong paglisan, yun ang nais kong manatili sa
aking diwa.
Friend, isa ka sa mga pinakakamahal ko sa ating Parokya. Katunayan,
hindi mo man alam, isa ka sa nagpapalakas ng aking loob na manatiling
maglingkod. Napakaraming pagkakataong nais kong sumuko at bumitaw pero kapag
naiisip ko na may isang Emy na nagmamahal din sa akin, sumasasaya ako: ibang
klaseng ‘good vibes’ ang dala ng iyong mga ngiti.
Mga ilang buwan bago ka lumisan, alam kong nabawasan ang ngiti mo
Friend. Ramdam na ramdam ko ang iyong lungkot at depresyon. Minsan ayaw na lang
natin pag-usapan. Dinadaan na lang natin sa pagsimba, pagkain ng pansit, at
pag-inom ng kape sa kumbento. Dinadaan na lang natin sa ngiti, bagama’t may
kulang; dinadaan na lang natin sa masayang kuwentuhan, bagama’t kahit di
sinasadya, may namumuo pa ring luha sa ating mga mata. Kapag tungkol na sa
pamilya, tungkol sa mga anak at apo, tungkol sa mga kapatid --- lumalamlam ang
ngiti, pumapait pati ang kape, umaalaat pati pansit. Marami tayong hangarin,
marami tayong pangarap para sa ating mga pamilya pero ang higit na mas gusto
natin ay yung simpleng makausap at makapiling ang ating mga mahal sa buhay.
Minsan, kahit sa piling ng ating mga kaibigan, hianahanap pa rin natin ang
yakap at kalinga ng pamilya.
Friend, mananatili ang iyong mga ngiti sa akin. Nakaukit sa langit na
aking tatanawin kapag pinaghihinaan muli ng loob. Nakatatak sa isipan upang sa
mga panahon ng kalungkutan, ngiti mo ang aking alalahanin. Nakaguhit sa aking
puso upang laging may ‘good vibes’, laging may nagmamahal, laging may
yumayakap.
Dear Friendship
Emy, I will miss you. I love
you.
Kung ang lahat ay may
katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating
Din sa paroroonan
At sa iyong paglisan
Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig
Itong paglalakbay ay makakarating
Din sa paroroonan
At sa iyong paglisan
Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig