Dearest Ing,
Pasensya ka
na kung hindi ko masabi sayo ito ng personal. Pasensya ka na kung idadaan ko sa
blog, ipopost sa Facebook at mababasa ng marami. Pasensya ka na kung masasaktan
kita sa kung anumang isusulat ko.
Pasensya ka
na kung napasigaw ako kanina. Hindi nga ako tiyak kung sigaw o basta napataas
ang boses para lang sa 100 pesos na hinihingi mo. Pasensya na kung naglitanya
ako, kung nagalit ako, kung marami pa akong sinabi. Pasensya ka nung nasaktan
kita sa mga nasabi ko kanina.
Pasensya ka
nang kung minsan ay hindi kita pinapansin, hindi na lang kita tinitingnan.
Pasensya ka na kung minsan ay ayaw na lang kita pakialam, kung sinasabi ko sa
sariling bahala ka na sa buhay mo. Pasensya ka na kung minsan tinitikis kita,
hindi ako nag-iiwan ng pagkain o walang almusal. Pasensya ka na kung minsan
kapag nakikita kita ay umiinit ang ulo ko o nasisira ang araw; dahilan kung
bakit laging wala ako sa bahay.
Pasensya ka
na, Ing. Pagod na ang Kuya mo Ing. Pagod na ako. Pagod na akong hintayin kang
magbagong buhay. Pagod na akong isipin kung nasaan ka sa madaling araw o kung
anong ginagawa mo sa buhay mo. Pagod na akong
magtanong, magtaka o mag-alala. Pagod na akong isipin kung anong mangyayari sa
iyo sa buhay mo, kung paano ka pag nawala na ako. At hindi ako nagbibiro,
maaaring mawala na ako nang hindi nyo mamamalayan.
Pero may
isang bagay na hindi ko kakapaguran: ang mahalin ka Ing.
Araw-araw
kitang minamahal Ing kaya araw araw din akong nagagalit. Araw araw kita minamahal
kaya araw-araw din akong nagdarasal na sana mapagod ka na rin Ing. Mapagod ka
na sa ganyang buhay. Mapagod ka na sa bisyo. Mapagod ka na sa puyat. Mapagod ka
na sa mga kalokohan, mapagod ka na sa mga taong walang kabutihan dulot sayo.
Mapagod ka nang manisi ng ibang tao, mapagod ka nang magalit sa mundo.
Mapagod ka
na Ing at magbagong buhay.
Pasensya ka
na, Ing. Pagod lang ang Kuya mo.