Sa buhay natin marami tayong kinakalat. Minsan, ang buhay natin mismo ay nagkakalat. Maliwanag sa paalala ng Ebanghelyo ngayon: kung hindi ka tunay at ganap na kakapit kay Kristo, ang buhay ay sadyang magkakalat.
May mga mabuting tagakalat sa ating paligid. Noong isang umagang patungo ako sa talipapa, nakita ko si Aling Aida na nakatayo sa isang umpukan ng mga kababaihan. May mga naglalaba sa tabi, may nagkakape, may isang tinatanggalan ng kuto ang anak --- sila at iba pang babae ay nakikinig sa kinakalat ni Aling Aida. Saglit akong huminto at nakinig. Umagang-umaga, habang iba ay abala at ang ilan ay tulog pa, ito na si Aling Aida, naghahatid na ng Mabuting Balita, nagbabahagi ng Salitang Diyos at nanghihikayat na sumapi sa Batayang Pamayanang Kristyano.
Sa kabilang banda ay mga tagakalat ng kasamaan. Sila yung walang ginawa kundi gumawa ng kwento. Sila yung masaya ng may nasisirang buhay dahil sa tsismis na kanilang nilikha't pinalawig. Sila yung tagabulong, tagasulsol, taga-udyok, tagagatong. Di nila alam, sila yung mga buhay ay nagkakalat.
Ang masakit, mga taong Simbahan din sila tulad ni Aling Aida. Pero hindi tulad ni Aling Aida na tahimik na naglilingkod, sila ay maiingay, mga mapang-ibabaw, mapagkunwari. Sila yung mga mahilig mag-bida at magpasikat.Akala mo sila ang nagbigay ng donation kung umasta. Akala mo matulungin, pero ang totoo nais ka lamang nilang makasama sa kanilang 'network of katsismisan'. Sumasabay na nga sila sa uso --- dati sa gilid lang Simbahan naghuhuntahan o sa ilalim ng puno, dati linya lamng ng telepono sinusunog. Ngayon, load na ang inuubos makapagtext lang ng tsismis. Pati Facebook ay pinasok, para makapaghanap ng bagong 'ebidensya' sa kanilang hatid na tsismis.
Ang masakit, magaling silang magpanggap na sila ay mga mababait na 'sister' ng Parokya. Maraming nababaitan sa kanila. Siguro, totoo. Pero iba naman ang MABAIT sa MABUTI. Mabait nga pero mabuti ba ang hangarin? Mabait nga sa kapwa pero mabuti ba siyang alagad ni Kristo? Anong balita ba ang kanilang hinahatid? Ano ba ang kanilang kinakalat?
Mabuti na lamang ay may mga Aling Aida sa aming Parokya. Nagkalat man ang mga 'mababait na tsismosa', nananaig pa rin ang mga 'mabubuting tagakalat' na matiyagang tagataguyod ng Munting Langit dito sa lupa.
No comments:
Post a Comment