Wednesday, February 16, 2011

Focus

Noong uso pa ito, pataasan ang mga kapitbahay namin ng TV antenna. Maya't maya ay may pumapanhik sa kani-kanilang bubong para dagdagan ang taas at suhayan ito upang hindi liparin ng hangin. Kapag lumalabo ang TV screen, may aakyat sa taas upang pihitin ang antenna at sisigaw 'O, malinaw na ba?' May sasagot nang: pihit pa ng konti...o ayan...ay, balik mo, ayan, ...malinaw na....ay gumalaw uli..."

Noong nag-aral ako ng Film Theories, laging binabanggit ng aming instructor ang kahalagahan ng focal point. Kung saan naka-focus ang kamera ay doon naka-focus ang kwento o takbo ng eksena. Bagama't may background o iba pang elemento sa paligid; importanteng malinaw kung saan naka-focus ang paningin ng manonood upang malinaw ang mensahe o sinasabi ng eksena. Kapag hindi malinaw kung saan nakatutok ang kamera, malamang ay maraming distraction na mas napansin ang manonood. Hindi naging malinaw ang kuwento kapag ganito.

Sa Ebanghelyo ngayon (Mark 8: 22-26), nagtanong si Hesus sa bulag na Kanyang pinapagaling kung nakakita na siya. Sumagot ang bulag na mayroon daw siyang nakikita pero hindi malinaw kung tao o puno. Muling hinipo ni Hesus ang bulag at tila tinanong nang 'O, malinaw na ba?'

Ganito rin ang tanong sa ating lahat ng Panginoon. Malinaw na ba sa atin ang lahat? Maaaring nakita na natin si Hesus sa ating buhay, maaaring nakilala na natin Siya, maaaring naglilingkod na tayo sa Kanya at sa ating kapwa...pero maaari pa ring hindi malinaw ang lahat dahil may iba pa tayong tinututukan. Iba ang nakikita sa tinitingnan, iba ang tinititigan, iba ang tinatanaw kaya hindi pa rin malinaw.

Hindi malinaw dahil mas nakatuon tayo sa mga background o sa mga nakapaligid. Sa kapangyarihang nakakabulag, sa kayamanang nakakasilaw. Sa panlabas na kagandahang kumukupas, sa mga panandaliang kaligayahang agad ding lumilipas.

Subukan nating galawin ang antenna sa ating mga sarili. Ang kuwento ng ating buhay ay iisa lamang ang focal point: si Hesus.

Tuesday, February 8, 2011

si lola lourdes, si heidi mendoza at si angelo reyes

Minsan gusto ko nang maniwala na hindi maganda sa kalusugan ang panonood ng TV at pakikinig ng balita.

Minsan hindi lamang sa Mara Clara magdurugo ang iyong puso o magigimbal ang iyong isipan. Mapanganga at mapapasuntok ka sa hangin sa mga balitang hinahayag, sa mga imaheng nakikita, sa mga pasabog na naririnig, sa mga expose' na lumalabas.

Bato na lamang ang hindi nasaktan sa ginawa nila kay Lola Lourdes. Ang mga video sa XXX na nagpapakitang nakakulong, hinahampas at minumura ng sariling anak at manugang si Lola Lourdes ay gumuhit sa aking kamalayan. May ganito ba talagang mga anak? Pero ang nagpaluha sa akin ay ang sinabi ni Lola Lourdes: mahal na mahal pa rin daw niya ang kanyang anak.

Tugatog ang katumbas ng katapangang pinapakita ni Heidi Mendoza. Pero alam nating lahat na hindi niya ginagawa ito dahil matapang siya, ginagawa niya ito dahil ang pagsasabi ng totoo ang tama at nararapat na gawin. Kung hindi makukulong si Carlos Garcia at iba pa, kung hindi madadawit si GMA, kung hind mapapaalis ang Ombudsman --- ang matuwid na daang pinangako ni PNoy ay hindi na mararating pa. Buong bayan ang magbabantay sa susunod na kabanata.

At kaninang umaga, naganap ang bagong kabanata sa katiwaliang nagaganap sa AFP.

Mula pedestal ay bumagsak ang heneral, mula sa mataas na langit na kanyang kinalagyan ay bumagsak siya sa lupa at sa harap pa ng puntod ng kanyang sariling ina. Si Angelo Reyes ay wala na pero ang misteryo ng korupsyon at katiwalian ay hindi mabubura . Anuman ang kanyang nagawa, hangad natin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa. Subali't hangad din natin ang katotohanan. Hindi mapapatahimik ni Kamatayan ang Katotohanan.

Masakit sa kalooban ang mga balita, kaya pa ba natin?

Wednesday, February 2, 2011

Liwanag

Ngayon ay kapistahan ng Pagdadala ng Panginoon sa Templo (Presentation of Child Jesus to the Temple) na tinatawag ding Candelaria. Kaninang umaga bago ako magsimba ay bumili muna ako ng mga kandila para pabasbasan. Sinabi ko sa tinderang mahal naman ang tinda nyang kandila. Sagot niya, naku, Liwanag kasi ang tatak niyan. Mahal ba talaga ang Liwanag? Kung sabagay, ang Meralco ay ganun din ang sinasabi, May liwanag ang buhay... pero ang totooo ang mataas na electric bill ang nakakadulot sa atin ng nakakamatay na alta-presyon. Nakakamatay ang sinasabing liwanag ng buhay.

Ano, o sino, nga ba ang nagbibigay ng tunay na liwanag sa ating buhay? Huwag na tayong tumingala o lumingon para maghanap pa ng iba, Si Hesus ang Liwanag.

Pero tila baga mas gusto natin sa kadiliman o manatiling nakatago sa dilim. Ako mismo, namuhay sa karimlan. Gumawa ng mga bagay na hindi ko kayang gawin sa liwanag. Tila mas masarap sa dilim. Tila may kakaibang saya, may kakaibang ginhawang dulot ang dilim. Ang di nakikita nang ganap, ang di nakikilala nang husto --- ito ang nagpapadagdag ng hiwaga ng kadiliman. Nakakaakit ang dilim kaya minsan gusto nating doon nakatago.

Yung iba naman ay nasa dilim dahil sa kalagayan sa buhay, parang nasa ilalim ng walang katapusang kuweba. Problema dito, problema doon. Krisis, kaliwa't kanan. Namatayan, nanakawan, nawalan, nasunugan. Iniwan, nilayuan, pinabayaan, pinagsamatalahan. Walang may gusto sa ganitong kadiliman pero minsan ay doon na lang tayo nakasadlak. Doon na tayo namuhay at nanatili.

Pero si Hesus ay makulit. Hahanapin ka Niya saan ka man nakatago. Tatagos ang kanyang Liwanag sa kadilimang iyong kinasadlakan. Ang kanyang awa at pag-ibig ay patuloy na mag-anyayaya sa iyo upang sundan ang walang hanggang liwanag na dulot Niya.

Patuloy akong naglalakbay patungo sa Kanyang Liwanag. Paminsan-minsan ako ay nadadapa, natisisod at bumabagsak. Paminsan-minsan ay tinatawag pa rin ako ng kadilimang dulot ng kasalanan. Paminsan-minsan ako ay natutukso at nasasadlak sa dilim. Paminsan-minsan nagdidilim ang aking ng puso at isipan; nagagalit sa kapwa at sa mga nangyayari sa paligid.

Kaya patuloy din akong nagdarasal, nagmamakaawa, kumakapit sa Kanyang Pag-ibig. Patuloy kong titigan at susundan ang Kanyang Liwanag. At hindi rito nagtatapos, nagsisikap din akong maging liwanag para sa iba. Isang kandilang magbibigay gabay sa iba, isang tanglaw na maghahatid sa kapwa palapit kay Kristo. Sa aking munting pamamaraan, nais kong maging liwanag sa iyo kaibigan.

Kung magiging liwanag tayo para sa isa't isa, kung si Kristo ang kinakapitan nating Liwanag, masasabi nating tunay ngang may liwanag ang buhay.