Wednesday, February 2, 2011

Liwanag

Ngayon ay kapistahan ng Pagdadala ng Panginoon sa Templo (Presentation of Child Jesus to the Temple) na tinatawag ding Candelaria. Kaninang umaga bago ako magsimba ay bumili muna ako ng mga kandila para pabasbasan. Sinabi ko sa tinderang mahal naman ang tinda nyang kandila. Sagot niya, naku, Liwanag kasi ang tatak niyan. Mahal ba talaga ang Liwanag? Kung sabagay, ang Meralco ay ganun din ang sinasabi, May liwanag ang buhay... pero ang totooo ang mataas na electric bill ang nakakadulot sa atin ng nakakamatay na alta-presyon. Nakakamatay ang sinasabing liwanag ng buhay.

Ano, o sino, nga ba ang nagbibigay ng tunay na liwanag sa ating buhay? Huwag na tayong tumingala o lumingon para maghanap pa ng iba, Si Hesus ang Liwanag.

Pero tila baga mas gusto natin sa kadiliman o manatiling nakatago sa dilim. Ako mismo, namuhay sa karimlan. Gumawa ng mga bagay na hindi ko kayang gawin sa liwanag. Tila mas masarap sa dilim. Tila may kakaibang saya, may kakaibang ginhawang dulot ang dilim. Ang di nakikita nang ganap, ang di nakikilala nang husto --- ito ang nagpapadagdag ng hiwaga ng kadiliman. Nakakaakit ang dilim kaya minsan gusto nating doon nakatago.

Yung iba naman ay nasa dilim dahil sa kalagayan sa buhay, parang nasa ilalim ng walang katapusang kuweba. Problema dito, problema doon. Krisis, kaliwa't kanan. Namatayan, nanakawan, nawalan, nasunugan. Iniwan, nilayuan, pinabayaan, pinagsamatalahan. Walang may gusto sa ganitong kadiliman pero minsan ay doon na lang tayo nakasadlak. Doon na tayo namuhay at nanatili.

Pero si Hesus ay makulit. Hahanapin ka Niya saan ka man nakatago. Tatagos ang kanyang Liwanag sa kadilimang iyong kinasadlakan. Ang kanyang awa at pag-ibig ay patuloy na mag-anyayaya sa iyo upang sundan ang walang hanggang liwanag na dulot Niya.

Patuloy akong naglalakbay patungo sa Kanyang Liwanag. Paminsan-minsan ako ay nadadapa, natisisod at bumabagsak. Paminsan-minsan ay tinatawag pa rin ako ng kadilimang dulot ng kasalanan. Paminsan-minsan ako ay natutukso at nasasadlak sa dilim. Paminsan-minsan nagdidilim ang aking ng puso at isipan; nagagalit sa kapwa at sa mga nangyayari sa paligid.

Kaya patuloy din akong nagdarasal, nagmamakaawa, kumakapit sa Kanyang Pag-ibig. Patuloy kong titigan at susundan ang Kanyang Liwanag. At hindi rito nagtatapos, nagsisikap din akong maging liwanag para sa iba. Isang kandilang magbibigay gabay sa iba, isang tanglaw na maghahatid sa kapwa palapit kay Kristo. Sa aking munting pamamaraan, nais kong maging liwanag sa iyo kaibigan.

Kung magiging liwanag tayo para sa isa't isa, kung si Kristo ang kinakapitan nating Liwanag, masasabi nating tunay ngang may liwanag ang buhay.

No comments: