Friday, August 5, 2011

Si Audrey, Si Manang Edith at ang Package.

Deny yourself. Carry your cross. Follow Me. Napakalinaw nang sinasaad ng Ebanghelyo ngayon. Kumbaga, no ifs and buts, no excuses, no conditions, as is where is. Kung gusto mong sumunod kay Kristo, aba dapat mong kalimutan ang iyong sarili at pasanin ang krus. Yun na yun. Sabi nga ni Fr. Erik sa kanyang homily kaninang umaga, package yun. Parang promo, you can have one, when you get the other. Di maaaring yung isa lang at huwag na lang yung iba. Hindi tama na sinasabi mong sumusunod ka kay Hesus tapos ay makasarili ka pala at walang pakialam sa kapwa.

Ang Panginoon ay magaling sa 'timing'. Sa Misa kanina, noong peace be with you na, ang nasa likod ko pala ay sina Manang Edith at Manong Jun na 'nakaaway' ko. May quotation mark yung nakaaway kasi hindi naman talaga ganun ang nangyari. Pero matagal ding panahon na kami ay pinaghiwalay ng 'circumstances'. At kanina ngang umaga, pinagtagpo kami sa isang perfect set-up. Deny Yourself. Carry your cross. Follow Me. Kung gusto kong tunay na sumunod kay Hesus, iwawaglit ang pride, kakalimutan ang sakit na dulot nang 'away' na parang krus na nagpapabigat lamang ng kalooban --- isang maningning na Peace be with you lamang ang paraan. Ang gaan-gaan nang pakiramdam ko pagkatapos ng Misa. Nabawasan ako ng tinik, nabawasan ako ng kaaway, nabawasan ako ng krus.

Kung mayroon mang may bitbit na krus sa panahong ito, isa na si Audrey dito. Sa kasagsagan ng mahaba at madamdaming speech ng kanyang asawa, nagtext ako sa kanya. Walang sagot. Naintindihan ko dahil alam ko namang mas kailangan siya ng kanyang asawang nasa gitna ng isang matinding political storm. Pero kahapon, nagtext siya. Nagpapasalamat. Maikli lamang ang palitan ng aming text subali't punumpuno ng damdamin. Nangako akong pagdarasal ko silang mag-asawa. Nawa'y makatagpo ng katiwasayan ng kalooban sina Audrey sa pamamagitan ng pagharap sa katotohanan. Kasama sa package ng Panginoon ang pagtanggap sa katotohanan, gaano man kasakit. Ganun talaga eh - Deny Yourself. Carry your cross. Follow me.




No comments: