Friday, February 10, 2012

Hindi Bingi ang Pag-ibig



 Parang pang-Viva Films ang title, pero ang tutoo ito ay patungkol sa Ebanghelyo ngayong araw [Mark 7:31-37]. Pinagaling ni Hesus ang isang taong bingi’t utal, sabi nga ng mga tao sa dulo ‘napakabuti ng mga ginagawa niya.’ Maaring tawagin natin itong simpleng paggamot, yung iba ituturing itong himala. Pero ang totoo, nangyari ang pagpapagaling, naganap ang himala --- dahil sa Pag-ibig ni Hesus.

Sa ating pagsunod kay Hesus, tayo rin ay maaaring makapagpagbigay ng pandinig at makapagbigay ng kalayaan sa isang taong maisatinig ang kanyang damdamin. Tayo rin ay maaaring matutong makinig sa saloobin ng iba. Tayo rin ay maaaring maging boses para sa iba.

Sa paligid natin, may mga PWD [persons with disabilities]. May mga taong totoong pipi’t bingi. Hindi naman nila hinahangad ang anumang special treatment; bagkus, fair treatment lang. Yung patas. Yung kung anumang pagkakataon ang binibigay sa’yo, ganun din dapat sa kanila [equal opportunity]. Kung anuman ang kaya mo, maaaring kakakayanin din nila. Hinid nila kailangan ng simpatya, ang kailangan nila ay pagbubukas ng isip sa pagtanggap sa kanila.

Sa paligid natin, may mga HIV positive. May mga baklang biktima pa rin ng discrimination. May mga babaing biktima pa rin ng pag-aabuso. Narinig ba natin ang kanilang panaghoy at pagtangis? O ang nakita lamang natin ay ang persepsyon na namuhay sila sa marumi. O ang narinig lamang natin ay ang ating sariling pagkutya, pagtawa at pandidiri.

Sa paligid natin, may mga mahal tayo sa buhay na hindi pinapakinggan. May mga mahal tayo sa buhay, kasama sa bahay at hanapbuhay na hindi natin pinagsasalita. Ang naririnig lamang natin ay ang ating sariling pagsasalita. Bingi ka rin sa hinaing at pakiusap. Pipi ka rin sa pagsabi ng ‘salamat’ at ‘mahal kita’. Bingi ka rin sa mga paghingi ng awa. Pipi ka rin sa pagsabi ng ‘patawad’.

Sa ating pagsunod kay Hesus, hindi tayo dapat maging pipi’t bingi, hindi rin dapat ginagawang pipi’t bingi ang iba.

Dahil hindi bingi ang Pag-ibig na turo ni Hesus, tayo ay handang gumaling at magpagaling ng iba.    

Thursday, February 2, 2012

Sapatos

Bago matapos ang nakalipas na taon, nakagawian ko nang maglimas ng mga gamit na hindi ko na masyadong kailangan o napapakinabanagn. Tulad ng mga pantalon na size 31 pataas, gaano man sila kamahal noong aking binili, alam kong wala na silang silbi sa aking buhay. Pampasikip lamang sila sa aparador. Tulad ng mga medium to large kong t-shirt, long sleeves at polo shirt --- nakakaagaw lamang sila sa paggamit ng hanger. Pinamigay ko na rin sila. Noong nakaraang Martes ay sinita ako ni Gym Buddy sa aking suot na t-shirt, mukha raw akong hiphop sa luwag. Sabi ko paborito ko ito noong mataba pa ako. Hindi na raw ako mataba kaya mukha na akong tanga na isuot pa ito. Kasama na ang t-shirt na ito sa mga susunod kong papamigay.

 Tuwang-tuwa ang kumpare kong Esmer dahil isa siya sa mga naging beneficiary ng aking pamimigay. Ang kanyang stash: mga original na sapatos ko at ng aking kapatid. Kabilang na ang ilang paborito tulad ng Nike na kulay black at Adidas na poging-pogi pa pero di ko na masyadong nagagamit.

Masarap din ang pakiramdam nang nakapamaigay ng gamit. Nakakagaan ng kalooban na nakapagbawas ako ng mga damit at sapatos.

Dati-rati, isa lamang akong beneficiary ng mga ganitong pamimigay. Isa lamang akong taga-tanggap ng mga hand-me-down na sapatos ng aking tiyuhin.  Isa lang kasi sapatos kong pamasok noong college. Ang aking pang-PE ay rubber shoes ng tiyuhin ko, minsan kapag may bago siya, ginagamit ko ng walang paalam. Bahala nang masigawan paminsan-minsan. Wala akong panggimik o panglabas. Pangsimba, pangpasyal --- kung anong mayroon ang tiyuhin ko.

Naalala ko tuloy yung kaklase ko noong first year college. Magkaiba kami ng major pagdating ng third year, pero maski papaano ay nagkakasama kami at nagkakakuwentuhan. Noong fourth year at pareho nakaming malapit grumadweyt, binati niya ang suot kong sapatos.

Sabi niya, ' ... apat na taon na tayong magkakilala, gragradweyt na tayo pareho, yan pa rin ang sapatos mo...'

Ewan ko pero parang pakiramdam ko ay napahiya ako, lalo na at marami kaming kasama noong oras na iyun. Alam kong namula at nag-init ang aking mga pisngi. Parang gusto kong umallis at umiyak.

Dugtong niya ' uy, no offense ha, bilib nga ako sa sapatos mo, ang tibay...apat na taon, bihira yun ha...'

Tama si Dingdong. Apat na taon, isang sapatos pamasok. Ang totoo nga, ito rin ang sapatos na ginamit ko nung graduation day namin ng high school. Tandang-tanda ko pa kung saan namin binili ng Mama ko. Sabi niya, pasadya para matibay. Pumunta kami ng Gilmore para sa sapatos na di ko akalain at di ko rin pansin at alintana --- magagamit ko ng apat na taon at higit pa.

Pagkatapos ng aming usapan ay ako pa ang tila nagmamalaki. Pinagmamalaki ko ang aking sapatos na simbolo ng lahat ng aking pagtyatyaga, lahat ng pagtitiis ng aking Mama at Papa. Simbolo siya ng payak na pamumuhay, habang hindi nakaramdam ng kasalatan o deprivation. Simbolo ng katotohanan na marunong akong makuntento, na hindi ako mapaghanap, hindi ako naghahangad ng hindi namin kaya. Hindi ako magsususot ng sapatos para masabi lang na marami ako nito.

Aaminin ko na sa ngayon ay marami akong sapatos. May mga gusto pa akong bilhin at pinangarap na masuot. Noong nakaraang Pasko ay nakatanggap ako ng Aldo bilang regalo ng kaibigan. Noong Bagong Taon ay binigyan ako ng pera ng isa pang kaibigan upang ipambili ko ng sapatos na gusto ko.

Pero gaano man karami ang aking sapatos ngayon (wala namang sampung pares ha --- napamigay ko na nga yung iba), mananatili pa rin sa aking puso't isipan ang aking sapatos noong college. Nasaan man siya ngayon, malayo ang aking narating dahil sa sapatos na iyun.


Wednesday, February 1, 2012

Mga Takot.


Isa sa mga taong pinakamamahal ko si Nanay Becka. Nakita ko kasi ang mga katangaian ni Mama sa kanya. At pareho pa sila ng kanilang kalagayan bilang mga mapagmahal na ina sa mga anak nilang bakla. Si Mama, may tatlong anak na bading --- ako at ang dalawa pa. Si Nanay Becka, dalawa, parehong nasa ibang bansa. Madalas sabihin ni Nanay Becka na hanggang ngayon ay pinagdarasal niya ang kanyang mga anak na maging tunay na lalaki, na makapag-asawa ng tunay na babae at makapagbuo ng sariling pamilya. Sabi kasi ni Nanay Becka, wala raw matinong lalaki na magmamahal sa amin ng tapat. Paano raw kami pagtanda, paano raw kaming mga bakla kapag nag-iisa na sa buhay. Kaya gusto niyang makapag-asawa --- pati ako ay sinama niya sa kanyang dasal --- ang kanyang mga baklang anak.

Aaminin ko, may punto sa buhay ko na natatakot ako kapag ako’y nag-iisa.

Minsan na akong natakot magmahal dahil ayokong masaktan lamang.

Natatakot akong tumandang mag-isa.

Naisip ko tuloy: Nakakatakot nga bang maging bakla?

Ilang linggong nakakalipas, isang kakilala ang pinagnakawan at pinatay ng kanyang masahista. Nag-iisa siya sa bahay. Masaya nang tumanggap ng mga bisita, estranghero o matagal nang kakilala. Sapat na ang panandaliang ginhawa – at aliw – na dulot ng mga hagod at haplos.

Isang kakilala ang nakipagkita sa taong naging kaibigan niya sa social network. Kumain sila sa labas, nag-inuman, nagvideoke --- hanggang humantong sa kanyang inuupahang condo. Paggising niya kinaumagahan, limas na ang kanyang mga mamahaling gadget, tangay pati ang kanyang MacAir na gamit niya pagsurf sa mga iba’t ibang site kung saan nakakahanap siya ng mga bagong ‘kaibigan’.

Isang kaibigan ang nagtext nang isang madaling araw, humihingi ng saklolo. Nasa presinto siya sa Pasay, kasama sa mga na-raid na kilalang ‘spa’ para sa mga lalaking nangangailangan ng kalinga ng kapwa lalaki. Pahabol niyang text, magdala ng extrang damit. Hubo’t hubad siyang dinala sa kulungan. Laking pasalamat na lamang niya na hindi kasama sa mga nang-raid ang bastos na si Raffy Tulfo.

Isang kakakilala ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa Gateway. May nakipagkilala, nagpunta sila sa Sogo. At pagkatapos sinisingil siya ng limang libo. Nang wala siyang mabigay kinuha ang kanyang telepono at Technomarine. Sumigaw siya at nakipagbuno at parehong nadala sa presinto. Umabot na sila ng kinabukasan sa kulunga at kinailangan niya nang humingi ng tulong  sa mga kakilala. Nalaman ng tatay niya, natuklasan ding bading siya.

Ilang kakilala, kasama ang isang matalik na kaibigan, ang HIV positive. Karamihan sa kanila ay mga closeted. 

Isang malapit sa aking puso ang natanggal sa trabaho: sexual harassment ang kaso. Nanghipo raw ng hita ng lalaking kasama sa trabaho. Isang kaibigang matalik ang nagfile ng annulment at inaalipusta ng kanyang relihiyon. Nais lamang niya magpakatotoo. Isang kaibigan ang nagmahal ng todo subali’t pagkatapos ng labinlimang taon, iiwan din pala siya.

Eto ako ngayon, nag-iisa, nag-iisip: Dapat nga ba akong matakot?