Bago matapos ang nakalipas na taon, nakagawian ko nang maglimas ng mga gamit na hindi ko na masyadong kailangan o napapakinabanagn. Tulad ng mga pantalon na size 31 pataas, gaano man sila kamahal noong aking binili, alam kong wala na silang silbi sa aking buhay. Pampasikip lamang sila sa aparador. Tulad ng mga medium to large kong t-shirt, long sleeves at polo shirt --- nakakaagaw lamang sila sa paggamit ng hanger. Pinamigay ko na rin sila. Noong nakaraang Martes ay sinita ako ni Gym Buddy sa aking suot na t-shirt, mukha raw akong hiphop sa luwag. Sabi ko paborito ko ito noong mataba pa ako. Hindi na raw ako mataba kaya mukha na akong tanga na isuot pa ito. Kasama na ang t-shirt na ito sa mga susunod kong papamigay.
Tuwang-tuwa ang kumpare kong Esmer dahil isa siya sa mga naging beneficiary ng aking pamimigay. Ang kanyang stash: mga original na sapatos ko at ng aking kapatid. Kabilang na ang ilang paborito tulad ng Nike na kulay black at Adidas na poging-pogi pa pero di ko na masyadong nagagamit.
Masarap din ang pakiramdam nang nakapamaigay ng gamit. Nakakagaan ng kalooban na nakapagbawas ako ng mga damit at sapatos.
Dati-rati, isa lamang akong beneficiary ng mga ganitong pamimigay. Isa lamang akong taga-tanggap ng mga hand-me-down na sapatos ng aking tiyuhin. Isa lang kasi sapatos kong pamasok noong college. Ang aking pang-PE ay rubber shoes ng tiyuhin ko, minsan kapag may bago siya, ginagamit ko ng walang paalam. Bahala nang masigawan paminsan-minsan. Wala akong panggimik o panglabas. Pangsimba, pangpasyal --- kung anong mayroon ang tiyuhin ko.
Naalala ko tuloy yung kaklase ko noong first year college. Magkaiba kami ng major pagdating ng third year, pero maski papaano ay nagkakasama kami at nagkakakuwentuhan. Noong fourth year at pareho nakaming malapit grumadweyt, binati niya ang suot kong sapatos.
Sabi niya, ' ... apat na taon na tayong magkakilala, gragradweyt na tayo pareho, yan pa rin ang sapatos mo...'
Ewan ko pero parang pakiramdam ko ay napahiya ako, lalo na at marami kaming kasama noong oras na iyun. Alam kong namula at nag-init ang aking mga pisngi. Parang gusto kong umallis at umiyak.
Dugtong niya ' uy, no offense ha, bilib nga ako sa sapatos mo, ang tibay...apat na taon, bihira yun ha...'
Tama si Dingdong. Apat na taon, isang sapatos pamasok. Ang totoo nga, ito rin ang sapatos na ginamit ko nung graduation day namin ng high school. Tandang-tanda ko pa kung saan namin binili ng Mama ko. Sabi niya, pasadya para matibay. Pumunta kami ng Gilmore para sa sapatos na di ko akalain at di ko rin pansin at alintana --- magagamit ko ng apat na taon at higit pa.
Pagkatapos ng aming usapan ay ako pa ang tila nagmamalaki. Pinagmamalaki ko ang aking sapatos na simbolo ng lahat ng aking pagtyatyaga, lahat ng pagtitiis ng aking Mama at Papa. Simbolo siya ng payak na pamumuhay, habang hindi nakaramdam ng kasalatan o deprivation. Simbolo ng katotohanan na marunong akong makuntento, na hindi ako mapaghanap, hindi ako naghahangad ng hindi namin kaya. Hindi ako magsususot ng sapatos para masabi lang na marami ako nito.
Aaminin ko na sa ngayon ay marami akong sapatos. May mga gusto pa akong bilhin at pinangarap na masuot. Noong nakaraang Pasko ay nakatanggap ako ng Aldo bilang regalo ng kaibigan. Noong Bagong Taon ay binigyan ako ng pera ng isa pang kaibigan upang ipambili ko ng sapatos na gusto ko.
Pero gaano man karami ang aking sapatos ngayon (wala namang sampung pares ha --- napamigay ko na nga yung iba), mananatili pa rin sa aking puso't isipan ang aking sapatos noong college. Nasaan man siya ngayon, malayo ang aking narating dahil sa sapatos na iyun.
No comments:
Post a Comment