Wednesday, August 1, 2012

Luha 3: Paalam Eliot


Paalam Eliot
‘Sa bawat pag-ikot ng ating buhay
May oras na kailangang maghiwalay
Puso’y lumaban man, walang magagawa
Saan pa, kailan ka muling mahahagkan

Kulang man sa ‘tin itong sandali
Alam ko na tayo’y magkikitang muli
Hangga’t may pag-asa pa na haharapin
Ikaw lang ang mamahalin’

Habang pinagmamasdan ko si Alma kagabi sa harapan ng kabaong ng kanyang asawang si Eliot, ito yung awiting sumagi sa aking isipan. Napakabilis ng pag-ikot ng buhay sa kanilang mag-asawa. Napakabata pa ni Eliot (37 years old) para tumawid sa buhay na walang hanggan. Napakabata pa ni Alma para mabiyuda at para mag-isang itaguyod ang dalawa nilang anak. Napakabata pa nila para paghiwalayin ng tadhana.

Tumabi si Alma sa akin pagkatapos ng kanyang tahimik na pakikipag-usap kay Eliot. Kahit hindi ako nagtanong, nagbahagi si Alma ng mga huling sandali nila ni Eliot. Yung paghatid sa kanya sa tricycle. Yung pagrequest sa kanyang magluto sana ng pasta sa Biyernes (August 3 – na siya na ngayong huling gabi ng burol). Yung pagtawag sa kanya sa opisina para masayang magkuwento tungkol sa padalang medyas ng kanyang tiyuhin mula Amerika. Yung pagtulong sa kanya sa pagsampay. Yung pagsabi sa kanya ng I love you. At yung nasa hospital na, noong bumubulong si Alma kay Eliot, ginalaw nito ang kanyang kamay at noong sinabi ng doctor na ‘lumalaban pa ang kanyang puso’. Yun nga lamang wala na talagang magagawa…kahit lumaban pa ang puso ni Eliot dahil sa kanyang wagas na pagmamahal kay Alma, bumigay na rin siya.

‘Siguro Nong, ayaw niya kaming mahirapan pa…’ paulit-ulit na sambit sa akin ni Alma. Inaanak ko sila sa kasal, actually sila ang una kong inanak sa kasal. Kahit napakabata ko pa para magninong sa kasal ten years ago, pumayag ako. Kasi nga, malapit ako sa kanila. Mga simpleng tao na may mga simpleng pangarap. Mga mabubuting nilalang na karapat-dapat makaranas ng tunay na kasiyahan at payak na kaginhawaan sa buhay. Lagi ko pa ngang niloloko si Eliot na napakapalad niya kay Alma dahil si Alma ang naghahanap-buhay para sa kanila. Ang totoo, may sakit sa puso si Eliot. Pero ang irony of it, ang puso ni Eliot ang hindi bumitaw, ang puso niya ang lumaban sa huling sandali ng kanyang buhay. Namatay siya ng parang natulog lamang ng mahimbing, namatay siya nang hindi nahirapan.

Natural, mahihirapan pa rin si Alma. Sa gitna ng mga impit na luha, sa pagitan ng mapapait na ngiti habang nagkukuwento…alam kong mahirap para kay Alma ang nangyari at ang buhay na kanyang haharapin.
Pero ten years ago, noong pinakasalan niya si Eliot, tinanggap niya na ang pagdating ng araw na ito. Alam niya nang may sakit sa puso si Eliot, alam niya nang mahihirapan siya mamuhay sa piling ni Eliot. Pero alam niya rin, mahal na mahal niya si Eliot noon.

At kagabi, alam rin ni Alma, si Eliot lamang ang kanyang mamahalin. 

No comments: