Tuesday, April 29, 2014

Ang Talinghaga ng Aling Mataba (The Parable of The Fat Lady)

Sa Barrio Tatlonghari, may isang babaing pakiramdam niya'y siya ay bukod na pinagpala. Kilala siyang matimtiman sa pagdarasal, malimit sa Simbahan, at mabait sa kanyang kapwa. Walang bahid ang kanyang pagkatao. Kaya sa kanyang mga pagbabahagi sa bible sharing, nagsesermon na lamang siya sa kanyang mga kasama. Malinis kasi ang kanyang budhi, walang kasalanan. Kundi nagsesermon, ang kanyang binabahagi na lamang ay buhay ng may buhay.

Buhay ng kanyang mga kasambahay na nag-agawan ng boyfriend, buhay ng kanyang tusong kapitbahay, buhay ng kanyang madamot na hipag, buhay ng kanyang mga kasamahan sa trabahong di naman namin kilala. Hindi niya ibabahagi ang nangyari sa kanyang mga anak, sa kanyang asawa, sa kanyang pamangkin o sa kanya mismo. Malinis kasi sila. Walang bahid, walang kasalanan, walang atraso kaninuman. Amen.

Hindi lamang buhay ng mga ordinaryong tao siya may kuwento, magaling din siyang magtagni at magbahagi ng buhay ng kanyang mga 'kaibigang' pari. Si Padre Ganito ay lasenggero ayon sa kanya. Si Paboritong Mons ay magarbo at magastos. Si Padre Kaedad ay mahilig sa kabayo at pangangabayo ng kung ano. Si Padre Guwapo ang nakabuntis kay  Binibini, si Padre Guwapo rin ay binabae. At hindi rin niya pinatawad ang nanay ng isa pang 'kaibigang' pari.

Marami raw siyang alam na anomalya. Si Kuwan nagpapatayo ng mansyon sa Bulacan, malakas kasing mangumisyon.. Si Kuwan 2 ganun din, sa Farview naman. Namatay daw si Pareng Isko dahil nangupit sa proyektong pinapagawa; lahat daw ng nagnakaw sa kaniyang Barrio ay patay na.

Siya ay buhay pa. Buhay na buhay. Bukod ngang pinagpala ang Aling Mataba.

Noong isang araw ay nagsermon uli ang Aling Mataba ---tungkol sa paglilingkod. Dapat daw nakatuon sa Panginoon, hindi sa pari.

Tama naman dun ang Aling Mataba. Yun nga lang isang talinghaga kung sino ba talaga ang panginoon ng Aling Mataba.



No comments: