buong buhay ko, sanay akong nag-iisa.
pinanganak yata akong ganito. nung bata pa ako lagi akong nasa sulok lang. di ko naman kinakausap sarili ko. siguro kung di ako nagbabasa, naglalaro mag-isa. sabi nang nanay ko, nung baby raw ako ay puwede nga akong iwan mag-isa sa kuna. di raw ako ako iyakin at di mahilig humabol sa karga.
lumaki ako na di ako masyadong nakikipaglaro sa aking mga pinsan kahit na extended family kami sa aming compound. di pa uso nuon ang tuksong autistic. pero wala naman akong sariling mundo. although bata pa lang e malawak na imagination ko. malikhain. magaling gumawa ng kuwento. kaya mula sa pagbabasa, naging hilig ko pagsususulat. kahit anong maisipan. tungkol sa ulan. tungkol sa tatay kong di ako matanggap. tungkol sa tiyahin kong bungangera. tungkol sa alaga kong bibe.
konting laki pa, nahiligan ko ring magkuwento. di pa uso si kuya bodjie, mahilig na akong magkuwento sa mga pinsang kong uto-uto. magaling daw kasi akong mag-ingles para sa aking murang gulang kaya bilib na bilib sila. minsan nga, napapanganga pa mga pinsan ko. ewan ko kung naiitindihan nila yung binabasa ko kapag nag-sstory telling ako. ewan ko rin kung nasusundan nila pag kinukuwento ko yung nabasa kong libro o maski yung mga kuwentong sarili kong likha. basta ganun lang sila. para akong aquarium na pinapanood. kung sila talent nila e magsayaw at kumanta. ako tumula o magkuwento. weird nga raw.
pero mga tiyuhin ko tawag sa akin wiz kid. wonder kid. bading na wonder kid, wow! creative, intelligent, smart aleck. yan bansag sa akin ng tiyahin kong nasa states. sabi pa nga niya, ipe-petition niya ako run. bilin nya, lagi ko raw siyang sususulatan. magkuwento ng kung anu-ano sa sulat. kahit likhang isip-lang. pero matanda na ako ngayon, di ko pa rin naeexperience ang snow sa chicago.
isa pang tawag sa akin ay independent. di katulad ng mga pinsan ko na kailangan pang gisingin para pumasok sa paaralan. sa aking pagka-alala, nung kinder lang yata ako hinatid ng nanay ko para pumasok. pero simula grade one hanggang grade six. mag-isa akong naglalakad patungong legarda. minsan may nakakasabay pero parang mas enjoy ako pag nag-iisa.
ako lang din nag-exam at nag-enrol mag-isa nung high school. dapat nga sa manila science ako mag-aaral pero di ako pinayagan ng nanay ko kahit na kakaunti lang pumapasa dun. di siya natatakot na baka maligaw ako pagpasok. natatakot siya na baka pumunta ako sa luneta mag-isa. at baka kung saan-saan daw ako makarating. alam niya kasi na kahit nag-iisa ako, nakakalayag ako. walang takot o keber. kaya ayun, sa eskuwelahang dura lamang ay nandun na ako nag-aral. as in sa kanto lang namin ang school. pero di alam nang nanay ko, makati talaga paa ko. nakarating pa rin ako sa luneta, sa araneta, sa laguna (sumakay ako ng tren mag-isa!) at kung saan-saan pa. kahit walang kasama.
college. ayun, dami kong pinag-examan at nakapasa naman. pero sa malapit lang din ako nauwi kahit sabihin kong bumabaha dun. ok lang daw, kesa naman sa diliman o sa taft. sabi ko pumasa ako ng scholarship sa lasalle, kahit na raw, wala naman daw kaming kotse. at di raw kami sosyal. ang babaw. ngayon ko lang aaminin, frustration ko talaga yung lasalle. sayang yun.
naging scholar din naman ako sa uste, pero lahat yun mag-isa ko lang tinahak. nag-exam mag-isa, nagpa-interview ng walang kasama, nag-enrol, bumili ng gamit.... lahat ako lang. akala nga nung mga classmate ko eh, orphan ako. pero sabi ko sa kanila, ok lang ako. at talagang hindi malungkot ang childhood ko.
totoo naman, di naman malungkot mag-isa. sanay na ako. maski hanggang ngayon. lalo ngayon.
okay lang sa aking manood ng sine mag-isa. dati mga dayalog ni nora ginagaya ko, tapos si lorna, tapos si shawie, ngayon si kc na... eto, nag-iisa pa rin ako.
okay lang mag-mall mag-isa. minsan nga sagabal may kasama eh. mabagal kumilos, daming tinitingnan, daming sinusukat, di naman bumibili. e ako, pag sinukat ko e bibilhin ko na. ganun ka-impulsive. di naman ako nagmamadali basta ayoko lang nag maraming arte.
okay lang din kumain mag-isa. sa bahay, dito ko nami-miss mama ko. kasi pag breakfast nun, magkasabay kami. mga isang oras yata kaming magbreakfast, dun kasi yung litany time niya. mga dapat bayaran, mga kuwento niya sa kapitbahay namin, mga problema sa mga kapatid ko... kahit paulit-ulit, ok lang. namimiss ko mama ko pag breakfast. kasi patay na siya, kaya mag-isa lang ako sa hapag kainan. pero ikanga, sanayan lang yan. matagal at mabagal pa rin akong magbreakfast. minsan nga, nagsosolve pa ako ng sudoku. o nagsusulat ng journal.
marami akong kaibigan pero minsan feeling ko ganun pa rin. nag-iiisa.
sanay na akong naiiwan o di nasasama pag may lakad. dati, masakit pa. ngayon ok na lang. kapag may dinner o merienda o badminton o gimik na di ako nakasama o nasama, ok lang. inisip ko na lang, may mga lakad din naman akong di ko sila kasama. kasi nga, ok lang sa aking mag-isa.
nagbirthday na nga akong mag-isa eh. ganito yun, may event sa isang sikat na disco bar. e marami akong connect dun. di ako nagbayad ng entrance, libre pa ako sa drinks. at di basta-basta drinks ha. ayun, bongga birthday ko. akala ko nga malalagay pasa lifestyle section ng inquirer kasi nandun si tim yap (lumipat na siya sa star). akala mo tiska ko lahat ng nadun, akala mo bisita ko silamg lahat. i was in a big, loud crowd, but hey, i was all alone by myself.
minsan, tinanong ako kung ano biggest fear ko. ang hirap isipin pero mas mahirap palang tanggapin. paano ako pag matanda na ako? mag-isa pa rin?
sinubukan ko nang magkaroon ng partner sa buhay. pero sa una lang may magic, may spark. later on, ako na lang mag-isa uli sa gateway. ako na lang mag-isang humihiyaw ng animo lasalle! ako na lang uli mag-isa ang nagpapamasahe sa wensha. ako na lang uli mag-isa ang nag-eemote sa trinoma sabay background music nang: alone again, naturally.
yun nga siguro soundtrack ng buhay ko eh.
gusto kong tapusin ito ng quite-positive note. naisip ko lang, ang aking pag-iisa ay isang choice. wag sanang dumating ang panahon na marealize kong wala na pala akong choice.
ayoko palang mag-isa.
No comments:
Post a Comment