Tuesday, January 25, 2011

Relo 3

Ang wall clock namin sa bahay ay abante ng mahigit sa sampung minuto. Ganundin sa relong bigay ng aking kaibigan. Katwiran ko ay ayokong mahuli sa anumang lakad, ayokong mataranta, ayokong mabansagang late-comer. Pero ito rin mismo kaya hindi ako mahilig magrelo: ayokong paalipin sa oras. Sino bang may gusto na laging nakatingin sa orasan? Sa iba, parang ang bagal ng oras. Sa iba, laging bitin o kulang, laging mabilis, madaling lumipas. Sa akin, sakto lang. Lagi akong may oras dahil ayokong ang oras ang magdikta ng aking buhay.

Bago mag-Pasko binigay ng aking kaibigan ang relong suot ko ngayon. Pasalubong niya ito sa akin galing Amerika. (May iba pa siyang binigay pero hindi ko na babanggitin kung ano-ano at baka mainggit ang iba naming katropa). May kalakip na sulat ang munting kahon:

Pare, alam kong hindi ka mahilig magsuot nito. Pero pinaghirapan kong hanapin ito. Kaya sana isuot mo...

Medyo tinamaan ako sa sulat at naalala ko ang Papa ko. Naalala ko ang inis at tampo niya nuoong hindi ko nga sinuot ang relong graduation gift niya sa mismong araw ng aking pagtatapos. Nakabalik na siya sa Saudi ay halos di niya ako kinausap o kinibo man lang. Inisip ko na lang na sanay na ako ng ganun. Manhid na rin siguro ako. Hindi ko na ikukuwento ang relasyon naming mag-ama pero naging daan sana ang relong graduation gift niya sa akin para maski papaano ay may connection kami habang nasa Saudi siya. Subali't yung mismong relong graduation gift niya ang nagpalalim ng aming hidwaang mag-ama.

Noong nagtapos na ako ng kolehiyo at nagtrabaho sa isang ad agency sa Makati, pinadalhan ako muli ng Papa ko ng relo. Mas maganda, mas mamahalin. Ang tingin ko nga ay may ginto sa gitna, Sauding-saudi ang dating. Bago ang relo na iyon ay simubukan ko na ring magka-Swatch, Tag, at Guess. Lahat ng yun ay hindi ko rin nasuot ng matagal. Iniisip ko nga ngayon, saan nga ba napunta ang mga relong yun?

Pero itong relong mamahalin na bigay ng Papa ko, alam ko kung saan napunta. Lagi ko itong suot para makabawi sa ginawa ko sa graduation gift niya. Saka isa pa, bagay na bagay na pamporma sa mundo ng advertising. May ilang kaibigang tinutukso akong Saudi Boy, anong oras na? Pero hindi ko pinapansin. Pakiramdam ko lang, inggit sila dahil mukha talagang sosyal ang relong mamahalin na bigay ng Papa ko.

Ang hindi ko alam, ang relong mamahalin na bigay ng Papa ko ang magiging mitsa ng buhay ko. Naholdap ako sa Quezon Ave. Ang masakit pinaghubad pa ako. Inalis ko lahat ng suot ko maliban sa aking underwear at sa relong mamahalin na bigay ng Papa ko. Binigay ko ang wallet at kinuha pati sapatos ko. Pero ang relo, pilit kong tinakpan. Sabi nuong isa sa holdaper, akin na yang relo mo. Sabi ko, Boss, arbor na lang to, bigay sa akin ng Papa ko eh, importante to sa kanya, kaya dapat pahalagahan ko....Ayaw mo, ayaw mo? Sigaw noong isa pang holdaper, habang inuundayan ako ng saksak at ako naman ay ilag nang ilag. Nadaplisan ako ng isang beses sa may hita at nang nakakita na ako ng dugo ay sinuko ko na ang relong mamahalin na bigay ng Papa ko.

Iyak ako ng iyak sa galit. Pinulot ko ang mga damit at medyas na kanilang kinalat sa kahabaan ng Quezon Ave. Sumakay ako sa taxi at nagpahatid sa bahay namin. Di ko pinansin ang sugat ng daplis na saksak. Ang iniisip ko ang sugat na lilikhain na naman ng relong mamahalin na naholdap lamang. Iisipin na naman ng Papa ko, hindi ko pinahalagan ang bigay niya, ang anumang galing sa kanya.

...pahalagahan mo iyan ha... - ito yung huling kataga sa maikling sulat na kalakip sa relong bigay ng kaibigan ko bago mag-Pasko. Kaya naalala ko ang Papa ko. Sana napatawad na niya ako, saan man siya naruroon ngayon. Sana nga napahalagahan ko hindi lang ang anumang relong bigay niya, kundi siya mismo noong nabubuhay pa siya. Sana napahalagahan ko ang pagiging mag-ama namin.





No comments: