Araw-araw ay ipinagdarasal ko ang mga pari. Mula sa kapatid, kumpare at kura parokong si Fr. Erik, mga kaibigang sina Fr. Jek at Fr. Herbert, mga kaututang dilang sina Fr. Sander at Fr. Robert at mga kakilala sa iba't ibang Parokya --- maging ang matalik na kaibigang si Fr. Edmond na sa Japan naninilbihan. Kasama ang lahat ng paring nanilbihan sa aming Parokya, naging kakilala through the years, at pati na rin nga yung magpapapari pa lamang. Kasama na rito ang mga obispo, lalo na dati ang aking mahal na si Cardinal Sin at maging si Lolo Gaudencio. At ngayon nga si Archbishop Luis Antonio.
Pero parang di ko yata masabi na kasama sa dasal ko si retired Bp. Oscar Cruz.
Dati-rati ay bilib ako sa tapang niya. At least, told myself then, the old man has balls. Parang si Fr. Robert Reyes noon na sa aking sukat ay maski papaano, may paninindigan, may pinaglalaban.
Pero di ko yata masabi ngayon na hanga pa ako sa 'tapang' ni Bp. Oscar Cruz.
Kung anu-ano ang sinasasabi, kung anu-anong pa-andar na nakakasakit sa dibdib. Sabi nga ni Aling Virgie na di na nagkaanak sa loob ng dalawampung taong kasal, parang hindi pari kung magsalita. Sabi nga ni Dondon na may kinakasamang boyfriend na marangal na nagtratrabaho sa ADB, parang wala si Kristo sa kanyang dibdib. Sabi nga ng kaibigang kong born-again, nasaan ang compassion na tinuturo ni Hesus?
Pero di ko yata tanggap na ganun talaga si Bp. Oscar Cruz.
Matapang na magbibigay ng opinyon, malakas ang loob na tumira sa pamahalaan --- ayos lang sa akin ang mga ganun. Ang sa akin lang, sana liwanagin niya na retired at tired bishop na siya. Ibig sabihin, hindi siya kinatawan o spokesperson ng anuman o sinuman. Sana liwanagin niya na ang kanyang opinyon o anumang pinaglalaban ay kanya lamang. Hindi sa CBCP, hindi sa samahan ng kung ano, hindi sa buong Simbahang Katolika. Ang masakit napaka-media savvy niya eh. Nagpapresscon, nagpapa-interview, at nagpapadala ng press releases. At lahat ng gusto niyang sabihin ay patungo sa pangheadline na pagpapakontrobersyal. Tawag diyan, media prostitute. Gagawin lahat, madiyaryo lang.
Pero di ko yata matanggap na may pinaglalaban talaga si Bp. Oscar Cruz.
May nagsabi sa akin, noong panahon ng martial law, hindi yan kumikibo. Sa gitna ng pandaraya at pagnanakaw, karahasan at kawalan ng katarungan sa rehimen ni Gloria, parang martial law din --- at si Bp. Oscar Cruz, ang tanging pinaglaban ay jueteng. At ngayon, sa gitna ng mga issues ng RH at Impeachment, ang matapang na si Bp. Oscar Cruz ay tila si Joker Arroyo lamang. Tumatanda ng paurong. Ang pinaglalaban niya ay para sa doon higit na makikinabang; ang pinaglalaban niya ay hindi ayon sa pamamaraang turo ni Hesus.
Pero di ko matanggap na ang buong Simbahan ay nadadamay dahil kay Bp. Oscar Cruz.
Sa isang thread, kung alisputahin ang mga pari dahil kay Bp. Oscar Cruz ay ganun-ganun na lamang. May nagpost na kaya tumalikod sila sa pagiging Katoliko dahil sa mga alagad na tulad ni Bp. Oscar Cruz. May kung anu-anong tawag o bansag sa mga taga-Simbahan dahil sa inis kay Bp. Oscar Cruz. Pati ang ibang relihiyon ay nakisama at nakisawsaw sa pangungutya dahil sa galit kay Bp. Oscar Cruz. Ikaw na , Bp Oscar Cruz, ang makabagong Padre Damaso.
Pero di ko yata masabi ngayon na hindi ko dapat ipagdasal si Bp. Oscar Cruz.
Sa aking pagninilay kaninang umaga sa Misa, tamang-tama dahil ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagtawag ni Hesus ng kanyang mga apostoles, naisip ko si Bp. Oscar Cruz. Si Hesus hindi nagsisino, hindi namimili, walang diskriminisasyon. Ang kanyang mga alagad ay mga halos tinanggihan ng lipunan, nabansagan pang makasalanan ang ilan. Ganundin din si Bp. Oscar Cruz. Tinawag ni Hesus bilang kanyang alagad. May kasalanan sa lipunan, may atraso sa mga naaaping kababayan. Pero pinili pa rin siya ni Hesus.
Bago matapos ang Misa kanina, pinikit ko ang aking mata, kasama na si Bp. Oscar Cruz sa aking dasal.
No comments:
Post a Comment