Wednesday, January 4, 2012

Turo-turo

Ang wikang Filipino ay sadyang mabulaklak. Ang isang salita ay maraming ibig sabihin at nagagamit sa iba't ibang pamamaraan. Tulad ng salitang TURO. Maaaring gamitin  sa pagbibigay aral o to teach at maaari rin namang gamitin sa pagtukoy ng bagay, tao o lugar o to point. Namukadkad pa ang salitang turo at namunga ng salitang turo-turo, isang kolokyal na turing sa mga karinderya o maliit na nakinig  kainan.


Sa Ebanghelyo ngayon (John 1:35-42), parehong ginamit ang ibig sabihin ng turo.Tinuro (point) ni Juan Bautista kay Andres ang nagdaraang si Hesus at sumunod ang alagad sa Dakilang Guro. Sumama si Andres at nakinig sa turo (teachings) ni Hesus. Pagkatapos niyang makinig sa turo ay ibinahagi niya ito sa kanyang kapatid, Simon Pedro. Tinuro niya rin sa kapatid ang Panginoon at pareho na silang naging alagad. Sa kinalaunan, ang mga alagad na tulad ni Andres at Simon Pedro ay silbing tagapagpatuloy ng misyon upang magturo-turo (to teach and to point).


Hinahamon din tayong magturo-turo. Hindi sapat na kilala lang natin si Hesus. Hindi sapat na sinasabi nating nasa puso at isipan si Hesus. Dahil si Hesus ay hindi sinasarili, hindi tinatago, hindi nasa loob lamang ng Simbahan o pook-dasalan. Si Hesus ay tinuturo (point) sa iba upang sila rin ay makakilala rito at makapagbukas ng puso sa pagtanggap. Ang salita ni Hesus ay tinuturo (teach) upang makapamuhay ang lahat ayon dito. Ito ay binabahagi at pinapalawig upang lahat ay makaranas ng kaganapan ng buhay at matikman ang mga munting langit dito sa lupa pa lamang. 


Si Hesus ay tinuturo (point) sa iba, sa kapwa --- dahil Siya na mismo ang nagsabi, Siya ay makikita sa bawa't isa, lalong lalo na sa pinakamaliliit nating kapatid. Si Hesus ay tinuturo (teach) sa lahat --- dahil sa Kanya lamang natin magagagap ang wagas na Pag-ibig.


Ang turo-turo ni Hesus ay punumpuno ng pagkain ng buhay, punumpuno ng biyaya. Ang turo-turo ni Hesus ay bukas para sa lahat. Tayo nang sumama, makibahagi at magbahagi sa pagtuturo at pagbibigay turo.

No comments: