Loving Your Neighbor
Paano nga ba magmamahal ng kapitbahay kung saksakan sila
ng ingay kahit hatinggabi na? Kung 6AM pa lang ay bumibirit na ng Dancing Queen
sa videoke na naka-full volume? Kung nagpapadumi ng aso sa tapat niyo at iiwan
na lang? Kung nagpapakain ng mga pusakal (pusang kalye) ng alas tres ng madaling
araw habang parang nagcoconcert ang mga pusakal? Kung gabi-gabi na lang ay may
inuman sa daan? Kung sa kalye naglalaba at ang dahilan ay baka madulas daw sila
sa bakuran nila? Kung sa kalye ng nag-aalmusal, nanonood ng DVD at
nag-totong-its? Kung yung kapitbahay mong naka-wheelchair ay may built-in
surround stereo ang wheelchair at daig pa ang may wang-wang pag nagdadaan,
kahit madaling araw na? Kung yung kapitbahay mong pag natatalo sa casino ay
binabalandra ang sasakyan sa daan at bubusina ng malakas para pagbuksan siya ng
gate sa madaling araw? Kung war freak pag lasing? Kung maaga pa lang ay nasa
kalye na at pinagtsitsimisan ang bagong issue? Kung hindi nagwawalis ng tapat
nila at kung magwalis man e papunta sa tapat niyo ang kalat? Kung iniiwan ang
basura sa labas ng bahay at pagkatapos ay titirahin ng mga pusakal kaya
magkakalat? Paano nga ba?
Wala akong sagot diyan. Since birth ay dito na kami
nakatira sa Sampaloc. Sabi nga nila kakaunti na lang kaming mga original sa
Calabash Road at maraming nang mga ‘bagong kapitbahay’. Kasama na yung mamang
naka-wheel chair na nagpapautang ng five-six na saksakan ng ingay lalo na pag
nalalasing. At yung nagcacasino na gumawa ng eksena noong New Year’s Eve dahil
talunan sa sugal. O yung mga bagets na naglagay ng basketball ring sa gitna ng
daan at hindi tumitigil sa paglalaro kahit nagdadaan ka. O yung pamilya na may
prankisa ng maraming tricycle, may barbecue stand at tindahan. Karamihan sa mga
‘bagong kapitbahay’ ay di ko na gaanong kakilala.
Pero masaya sa kalye namin. Kahit nangangarap pa akong
mag-condo o tumira sa Forbes Park, hindi ko pa rin naisip iwanan ang Calabash
Road. Kahit papaano, nakakakita ako ng ‘pagmamahalan’ sa kapitbahayan. Kapag
may okasyon, uso pa rin sa kalye naming yung ‘uy dalhan mo naman ng pansit si
Baby’. Kapag Piyesta, parang reunion, kasi dumadating din ang mga ‘dating
kapitbahay’. Kapag New Year’s Eve, may street party (hindi nga lang kasali yung
natalo sa casino), nagpapaagaw ng pera si Melissa, nagpapasiklaban ng mga
paputok, bumabaha ng alak at leche flan para sa lahat. May trick or treat, may
pa-swimming, yung iba nag-pu-food trip pa sa mga murang buffet resto sa paligid
ng Metro Manila. Kaya nga nabuo yung Tropang Calabash. Para lang tourism
campaign ang peg. It’s more fun in Calabash Road.
Nitong mga nakaraang araw ay hectic sa aming kalye at
gising na gising ang lahat naming kapitbahay. Dalawa kasi ang namatay nang
magkasunod at sabay ang kanilang burol at libing (sumalangit nawa ang kaluluwa nina Oday at
Aling Lita). Kaya nga, lagare nga kami kagabi kasi parehong Big Night (huling
gabi ng burol). Sabi nga nuong isa naming kapitbahay, para daw may Bisita
Iglesia. Maraming tao, maraming sugal, maraming maingay na motor at pagsigaw ng
Bingo, maraming kape at Red Horse, maraming sopas at sotanghon, maraming
biscuit.
Pero mas marami ang pakikiramay. Mas marami ang
pakikidalamhati. Mas marami ang pakikiisa sa kalungkutan. Magkaiba ang dahilan
ng kanilang pagkamatay, magkaibang sitwasyon ng kani-kanilang pamilya --- pero
ang Tropang Calabash, magkaisa sa pagbibigay parangal sa namatay at pagdamay sa
namatayan.
Kaninang umaga ay sabay ililibing sina Oday at Aling
Lita. Bago ako umalis papasok sa opisina, nakita ko ang aking mga mahal na
kapitbahay na tulong-tulong sa pagligpit ng mga tolda at silya, sa pagwawalis
ng daan, sa pag-aayos at paghahanda sa paghatid sa kani-kanilang huling
hantungan, sa pakikipag-usap sa mga kapamilya.
Doon po sa amin sa
Calabash Road, tunay at wagas ang ‘Love Your Neighbor.’
No comments:
Post a Comment