Tulad ko, ang aking Mama ay panganay, walo silang magkakapatid. In alphabetical order ang kanilang mga pangalan, kaya ang mama ko A for Amy. Apat silang babae, yung pangatlo, letter C for Celia, yung panglima, E for Elvie at pang-anim, F for Flor. Si Mama ay nasa heaven na, si Tita Cel ay nasa Chicago. Kaya ang kasama namin sa bahay ay yung dalawang kong single-forever na tiyahin, sina Tita Elvie at Tita Flor.
Kung titingnan, extremes sila. Noranian yung isa, Vilmanian yung pangalawa. Maka-Ginebra at Toyota yung isa, maka-San Miguel at Crispa yung pangalawa. Si Tita Elvie, friendly sa kapitbahay lalo na nung may tindahan pa siya. Matsika at talagang kilala niya ang mga kapitbahay namin, ultimo yung mga bagong silang na sanggol. Pinapatakbo nga siya dati sa barangay. Si Tita Flor ay bihira lamang masilayan ng aming mga kapitbahay. Lalabas lang yan pag pupunta ng SM, magsisimba sa Quiapo o sasamahan sa hospital yung isa pa nilang kapatid, yung pang-apat, D for Domingo Jr.
Noong maliit ako ay lagi akong sinasama ni Tita Elvie sa Trabajo Market, hindi lang para mamalengke kundi para manood ng sine sa Mercury. Doon ko nakilala si Nora Aunor, sa mga pelikulang Kung Ako'y IIwan Mo, Minsan May Isang Gamu-Gamo at Mahal Mo, Mahal Ko. Si Tita Flor naman ay sa basketball ako sinasama. Ang iikli pa ng shorts ng mga basketball player noon kaya nag-eenjoy na rin ako. Na-realize ko lang noong nagkaisip na ako na marahil kaya ako sinasama ay para hindi sila mapagalitan ng aking Lolo, ang kanilang Tatay. Ang dahilan nila, pinasyal ko lang si Anthony. (Ako yun!)
Parehong mapagmahal sa mga pamangkin sina Tita Elvie at Tita Flor. Lahat kaming magkakapatid ay dumaan sa kamay nila pareho. Si Tita Elvie ay para sa infant stage, siya ang nag-alaga sa aming lahat noong kami ay mga baby pa. Tagapalit ng diaper, tagapagpadighay, tagapaghele, tagapagbasa ng komiks. Kaya nga sa kanya ko rin natutunang makahiligan ang pagbabasa ng komiks at pagiging malikhain sa paggawa ng sanaysay at kuwento. Si Ate Flor naman ay habang lumalaki ay taga-spoil naman namin. Laging may pasalubong noong nagtratabaho pa siya, laging may regalo at talagang pinapamili pa niya ako noon. Kasiyahan niya na yung ibigay sa amin yung hindi kayang ibigay ng aming mga magulang tulad ng bagong sapatos o bag. Inisip ko nga rin ay ako ang paboritong pamangkin ni Tita Flor. Pero ngayon ang paborito niya na ay si Jerome.
Si Tita Elvie ay magaling sa pagdidisiplina. Pero mas nakatatak sa aking isipan ( at tiyan) ang kanyang pinakamasarap na Menudo at Bulalo. As in, walang kapantay sa sarap. Sa kanya ko rin nakita ang pagiging maalahanin at malambing. Kahit ano pang pagkukulang at kalokohan naming magkakapatid, hahanapin pa rin niya si Ing. Ipagtatanong pa rin niya si Joseph. Sasabihin niya sa akin tuwing darating ako, may ulam sa bahay, nagluto ako ng Munggo. Sisilipin niya pa rin kami kung lahat kami ay nasa bahay at tulog na. Yung pag-aalaga ni Tita Elvie sa amin noong bata pa kami ay hanggang ngayon ay dala-dala namin sa aming mga puso. Sa kanya kami lumaki lahat no!
Si Tita Flor ay aaklain mong suplada pero napakagaling mag-alaga. HIndi lamang sa Tito Junior namin, hindi lang kay Jerome at Jenny, kundi sa aming lahat. Tatak niya na yung mataas na boses o yung mga tanong na 'maputi ba mukha ko o hindi ba pangit suot ko?' Araw-araw yatang naglalaba, araw-araw naglilinis at nagliligpit, araw-araw at gabi-gabing nag-aalaga. May sariling pamamaraan ng pagmamahal si Tita Flor. Mula high school at hanggang college ay niyayaya niya akong mamasyal o manood ng sine. Kapag may kahon galing sa Chicago, lagi akong may lotion o pabango o kahit anong anik-anik na parang nirereserve niyta para sa akin. Binabawi ko na, alam ko, hanggang ngayong ako pa rin ang kanyang paboritong pamangkin!
Ngayon, sina Tita Elvie at Tita Flor ay may bago nang pinagkakaabalahan: si Nathan. Ang una naming pamangkin, ang una nilang apo sa aming magkakapatid (may mga apo na sila sa mga iba kong pinsan). May kani-kaniyang role, may kani-kaniyang pamamaraan o style, may sari-sariling touch --- pero pareho nilang minamahal at inaaruga si Nathan. Nauubos din ang oras nila kay Nathan, tumitigil ang kanilang mundo dahil kay Nathan, nakakalimutan nila ang lahat pati na ang panonood ng Dong-yi dahil kay Nathan. Hindi matutulog nang matiwasay hanggang hindi nakakatulog ng maayos si Nathan. Gigising at magigising kapag gigising at magigising si Nathan.
At dahil kay Nathan, iba na rin ang tawag sa kanila: Si Tita Elvie ay si Mama Lola at si Tita Flor ay si Mamita. Pero kahit ano pang tawag o bansag, pareho silang mapagmahal at magaling mag-aruga. Pareho silang mananatili sa aking puso hanggang sa huling yugto ng aking buhay.
No comments:
Post a Comment