Tuesday, June 17, 2014

Mga Tanong sa Panginoon

Kailanman ay hindi madaling tanggapin ang kamatayan.Kaya nga minsan, hindi tamang sabihin sa namatayan na 'at least nasa heaven na siya.' Dahil kahit alam nating kapiling na ng mahal nating yumao ang Panginoon, magtanong at magtatanong pa rin tayo: Bakit siya pa? Bakit mo siya kinuha agad? Bakit nangyari ito sa amin?

Maraming bakit. Maraming tanong.

Noong namatay si Tita Evelyn, nanay ni Fr. Jek, maraming tanong kung anong nangyari. Sa aking palagay, maski si Fr. Jek mismo nagtatanong sa Panginoon. Subali't sa bawa't Misa sa burol para kay Tita Evelyn, unti-unting nasasagot ang lahat. Nagtatanong tayo sa Panginoon dahil nagmamahal tayo,dahil sumasampalataya tayo. Dahil alam nating, sa lahat ng mga tanong, sa Panginoon lamang matatagpuan ang mga sagot.

Kagabi sa burol ni Tita Tina, nagbukas sa akin si Tita Trining kung gaano kasakit ang lahat.Maski ako nasasaktan para sa kanilang pamilya. Wala pang isang taon, tatlong mahal sa buhay ang nawala sa kanila. Paano mo yun haharapin? Paano mo yun tatanggapin? Mahirap sabihin na 'at least payapa na sila' bilang pakikiramay. Kasi alam mong yung naiwan ay hindi basta-basta maging payapa ang kalooban.

Sabi nga ni Tita Trining, pinanghihinaan na siya ng loob. Nagtatanong na siya sa Panginoon.

Marami siyang bakit. Marami siyang tanong.

Pero hind iibig sabihing nagtatanong tayo sa Panginoon tayo ay nagdududa na.  Bagama't marami tayong tanong, hindi nababawasan ang ating pananampalataya. Bakit hindi ako pumasa Lord, Bakit mo sa akin hindi binigay ang gusto ko? Bakit ako pa ang naalis? Bakit ako iniwan ng girlfriend ko? Bakit naghiwalay Mama at Papa ko? Bakit kami mahirap?

Bakit ang mga kapatid ko, Tonichi? Bakit nangyayayari ito sa amin?

Kaya tayo nagtatanong dahil nagmamahal tayo. Kaya natin tinatanong ang Panginoon dahil naniniwala tayo. Kaya marami tayong tanong dahil alam nating iisa lamang ang may sagot, iisa lang Ang Sagot. Si Hesus.





   

No comments: