Parang hindi yata matatapos ang dalamhati. Nangangalalahati pa lamang ang taon ay napakarami nang kaibigan ang namatay o namatayan. Dinadaan na nga lang namin sa biro ang mga sakit. Sabi namin 'quota' na ang mga luha. Sabi namin sana next month na lang yung iba at sunod-sunod na yung puyat dahil sa lamay. Mga mapapait na birong nangangahas takpan ang mas mapapait na pagpapaalam.
Hindi na nga yata matatapos ang pagpapaalam.
Noong Biyernes, ilang araw bago ang Piyesta saamin, si Tita Tina ang nagpaalam. Halos isang linggo lang ang pagitan kina Sis.Odette at sa kapatid ni Fr Edmund. Nagkita pa kami ni Tita Tina noong hapon bago siya sumakabilang-buhay. Niyakap ko pa siya. Lolokohin ko pa sana dahil tumataba siya at mukhang dinadaan sa pagkain ang kanyang dalamhati. Kamamatay lang din kasi ng kanyang sariling kapatid. dalawang buwan lang ang nakalipas, at ng kanyang asawa noong Oktubre ng nakaraang taon. Sunod-sunod na dagok, sunod-sunod na dalamahati. Pero kinagabihan nung Biyernes, siya naman ang sumunod.
Paalam Tita Tina...
---------------------------------
Kaninang umaga, pagkagaling ko sa Simbahan ay binalita ng aking kapatid na patay na raw si Tatay Nonoy niya. Inulit-ulit ko pa ang tanong 'sino?' 'Si Tatay Nonoy, patay na.'
Tuwing papasok ako ng umaga o pupunta sa yoga class, madadaanan ko si Mang Nonoy na nagkakape sa tapat ng kanilang bahay. Malayo pa lang nakangiti na, para bang inaabangan talaga ako. Pagkatapat ko sa kanila ay mauuna pa yung babati kahit matanda siya sa akin 'Good Morning Anthony'. Hindi ko siya maunahan,lagi siyang mabilis sa pagbati. Kahit nga nasa loob ng bahay yun at natanaw ako sa bintana, sisigaw pa rin yun mula sa loob ' Good Morning Anthony.'
Hindi ko alam kung bakit siya magiliw sa akin. Noong bata ako ay medyo takot ako sa kanya dahil malaki siyang tao na parang bouncer ang dating. Parang henchman o kanang kamay ng mga kontrabida sa pelikula. Para siyang gumawapo at medyo mas machong Bomber Moran. Kung ano-ano ang kuwento tungkol kay Mang Nonoy kaya medyo kinakatakutan yan o kinakaasaran.
Pero lahat ay nagbabago. Ang Panginoon ay gumagamit ng pamamaraan para ang isang tao ay magbago at maging tuwid. Sa tagal ng panahon naming magkapitbahay, malaki ang 'binait' ni Mang Nonoy. Kabaitang nakita ng kapatid ko kaya tawag niya dito Tatay Nonoy. Sinisita niya kapatid ko, nilalambing at kinukulit na parang anak na rin, pinapangaralan na parang tunay na ama. Maski ako, nagpapakita siya ng 'concern' sa akin. Anthony, wala kang dalang payong...baka abutan ka ng ulan.' 'Good Morning Anthony, ingat ka sa biyahe' Anthony, ang galing ng Lasalle mo.' Totoo yun, pati ang pagiging maka-Lasalle ko alam niya. Kaya pag nananalo ang LaSalle, inaabangan niya ako sa pagdaan at babatiin ako 'Congrats sa LaSalle mo!' At pag natatalo, sasabihin niya ' Bawi na lang kayo next game...'
Wala nang Mang Nonoy na babati sa akin ng Good Morning.
Paalam Tatay Nonoy
-------------------------
Hindi na ito biro, pero sana 'ipahinga' naman kami sa dalamhati, sa pagluha at pagsasabi ng 'Paalam!'
No comments:
Post a Comment