Wednesday, June 23, 2010

mga lalaking minahal ko

Mabibilang lamang sa aking mga daliri sa kamay ang mga lalaking aking tinangi. Sa dinamidami ng nagdaan sa akin, iilan lamang ang tumimo sa aking puso. Ilan sa kanila ay nagpaiyak sa akin ng bonggang-bongga. Mga luha na maaring dulot ng pasakit o ng katotohanang may katapusan ang lahat ng tuwa. Karamihan sa kanila ay aking pinasasalamatan dahil sa kabila ng kung anumang nangyari sa amin ay higit kong nakilala ang aking sarili. Sa kanila ko napatunayan ang kapasidad kong magmahal at katangian kong mahalin. Hindi lahat ay requited o sinuklian o tinapatan. Ilan sa kanila ay hinayaan lang na mahalin ko sila. Ilan nga sa kanila ni hindi alam na minahal ko sila. Pero ang mahalaga, in one way or another, ang pagmamahal ko sa kanila ay sumalamin sa pagmamahal at pagpapahalaga ko sa aking sarili.

Kilalanin niyo sila. (dahil may nag-react, may kailangan lamang po akong idagdag.)

Anthony. Kababata ko to. Kaaway nung umpisa dahil saksakan ng kulit at pagiging mapapel. Wala akong matandaang pagkakataon na naging magkaibigan kami nung bata pa kami dahil nga asar kami sa isa't isa. Ang natatandaan ko lang nagsumbong siya sa nanay niya dahil hinampas ko siya ng raketa ng badminton. Paano kasi, tukso siya sa akin ng tukso. Ayun sa kakatukso, nagkagusto ako sa kanya. Ngayon, ninong na ako ng anak niya.

Vince. Parang teleserye ang buhay ng isang to. At sa lahat ng bagyong nilampasan niya, nandun lang ako na parang suhay na magtatayo muli sa kanya. Nawala siya, namatay at muling nabuhay. Umalis, nagbalik, nawala tapos biglang magpapakita o magpaparamdam. Malikot, malaro, mapagbiro. Sugatang puso pero matapang sa laban ng buhay. Matindi magmahal ng babae, kahit sabay-sabay. Maraming galit at kagalit. Punong-puno ng angst. Lahat susubukan, lahat gagawin sumaya at magpasaya lang. Mahusay ding kaibigan, handang ibenta ang cellphone para lang makapag-enrol ang katropa. Hay, nakakapagod mang mahalin, alam kong sa mundong ito, yun lang ang kailangan at hinahanap niya.

Mike C. Akala ko ilusyon, akala ko panaginip. Pero nandun ako sa kanilang quarters. Akala ko kabaliwan, akala ko laro lang. Pero nandun ako handang magbitbit ng sapatos at maghintay sa labas ng dugout. Nagising na lang ako minsan nung ipinakilala niya ako sa mapapangasawa niya.

Chris D. Ito ang rollercoaster ride sa lahat. Kapag masaya, talagang nasa taas ako ng walang hanggan. Yung di mapapantayan ang kasiyahan o maabot ninuman. Kapag nasa baba, para naman akong batang inagawan ng kendi. Buong buhay niya ay binulatlat niya sa akin. Buong pagkatao niya ay sa akin pina-angkin. Pero yun ang mali, akala ko akin nga lang siya. Pero hindi pala. May hanap siyang iba na hindi ko kayang ibigay: ang pagmamahal ng tunay na babae.

Fer. Marumi. Madilim. Makipot. Yan ang mundong pinagtagpuan naming dalawa. Tago siya, alam ng lahat na bakla ako. Takot siya na malaman ng iba ang tunay na pagkatao niya kaya nagtatago siya sa dilim kapag may pagkakataon. Sa dilim ay nagagawa niya ang kanyang gusto, natitikman ang hilig ng katawan. At sa gitna ng dilim ng iyon, natagpuan namin ang liwanag ng pag-ibig. Sabi niya sa akin, di ko raw siya puwedeng mahalin dahil hindi siya totoo. Pero sa mundo ng pag-ibig, ano nga ba ang totoo?

Melvin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kanyang linyang 'bakit ang cold-cold mo na sa akin?' Tuwing makikita ko siya ngayon, lahat ng paghihinayang ay aking nararamdaman. Guwapo, may magandang posisyon sa isang food conglemorate, saksakan ng bait. Isa lang ang dahilan kung bakit ako naging cold sa kanya: boring siyang kausap. Eto ako ngayon, hindi niya na kinakausap.


Russel. Sa lahat-lahat, ito yung pinakatangang episode ng buhay ko. Macho Dancer/Masahista siya. Pero hindi ko siya nakilala sa mga lugar na kanyang pinagtratrabahuhan. Nakilala ko siya sa gym. May theme song kami. Apologize ni Justin Timberlake. Kasi sabi niya sa akin, ito raw ang pang big night niya. Dito raw siya pinapalakpakan ng mga tao ng husto. Kapag daw gumigiling siya saliw sa kantang ito, para siyang nasa taas ng mundo. Para raw ang galing-galing niya. Magaling naman talaga. Napanood ko ang sayaw na iyon, pero hindi sa entablado kundi sa isang silid. At maski ako hindi ko napigilang humanga at pumalakpak. At ang paghangang iyon ay nauwi sa pagpapakatanga. Hindi ko alam kung bakit naging sunod-sunuran ako sa taong ito. Hindi ko alam kung anong bertud meron siya at tila nawalan ako ng dahilang magsabi ng hindi. Ang hirap tanggihan ni Russel, lalo na kapag gumigiling na siya sa saliw ng Apologize.

Wesley. Mailap. Galit daw sa bakla, nanghampas ng dos por dos sa baklang nangahas na hipuan siya. Pero ewan ko ba at tila na-challenge ako sa kanya. Special sa akin ang taong ito. Alam niya na mahal ko siya pero alam ko rin na hanggang doon lang iyon. Kaibigan lang ang turing niya sa akin. At talagang mabuting kaibigan yan. Aaminin ko, selos na selos ako kapag may iba. Hanggang ngayon, mailap si Wes subali't manananatili siya sa puso ko.




No comments: