sa mundong puno ng diskriminasyon, bibihira ang mga lalaking magsasabing may kaibigan silang bading. may takot na mapagkamalang bading din o pumapatol sa bakla. may asiwa o ilang na makasama ang bading sa lakad.
pero masasabi ko na mapalad ako dahil nakakilala ako ng mga tunay na lalaking nagpahalaga sa akin bilang kaibigan at bilang tao. hindi ako tinuring na special o abnormal, tinuring ako na bilang ako.
kilalanin niyo sila at alamin kung paano ako naging mapalad.
Fr. Erik. Ang aming parish priest who's willing to take risks. Pareho kaming galing sa UST at naging girlfriend pa niya ang aking kaklase (pasencia na padre) habang seminarista pa siya. Sa madaling salita, mahaba-haba na rin ang panahon na magkakilala kami. Pero umusbong ang aming pagkakaibigan nung na-assign siya sa aming parokya. At sa Parokya ni (Fr) Erik, walang diskriminasyon. Tanggap ang mga Juana, Salome at mga Magdalena. Tanggap din ang mga Antonio na Antonia sa gabi. Marami-rami na rin kaming pinagsamahan ni Padre, marami nang giyerang sabay na hinarap at ginupo. Gabundok na rin ang mga intrigang sinalag. Tagapagtanggol ko si Fr. Erik maski sa nanay niyang minsan ay pinagdudahan ako. Sa ikakatahimik ng mga makakabasa nito: Una, wala akong gusto kay Fr. Erik. Hindi ko siya type. at pangalawa, hindi siya bakla. Hindi dahil kasalanan ang tingin ng iba sa pagka-bakla, kundi dahil hindi lang talaga siya bakla.
BJ Manalo. Tiwala, yun ang operative word. Mula sa pagiging fan, naging bukas ang Atenistang naging Lasalista na gawin akong kaibigan. Dahil lagi akong tambay sa dug-out ng La Salle, lubos kong nakilala si BJ dahil sa kanyang pagbabasa ng bibliya bago magsimula ang laro. Naging bahagi ako ng kanyang Bible Study Group at naging bahagi din ng ilang mahahalagang desisyon at okasyon sa buhay niya. Mananatiling espesyal sa puso ko si BJ at si Diane (asaw niya). Ewan ko kung naniniwala si BJ sa anghel, pero sa totoo lang, isa siyang anghel na pinadala ni Hesus sa aking buhay.
Jun Cabatu. The giant with a gentle heart. sa aking misyong magbigay ng tuwa sa iba, lalo na sa mga bata, katuwang ko si Jun. Tuwing Pasko, nagpapadala ng mga goodie bags para sa mga batang kapuspalad sa Sampaloc. Ubod ng lambing at bait, at sobrang cool. Malaki ang respeto ko kay Jun maging sa kanyang buong pamilya.
Mike G at JR Aquino. Hindi ko makakalimutan ang gabing halos ikutin namin ang buong Ateneo para lang isigaw nila ang galit nila sa kanilang pagkatalo nung gabing iyon. Kasama nila ako sa tagumpay, pero mas magkakasama kami sa mga kabiguan. Alam mo yung gustong-gusto mong maglaro. Alam mo yung gustong-gusto mong ipakita ang kakayahan mo. Pero ako, alam ko magaling sina Mike at JR, kaya nga proud ako na kaibigan ko sila at proud akong sinusuot ang jersey nila.
JV. Maliit pero matinik. Magaling pero saksakan sa pagiging magalang. walang yabang, walang hangin sa katawan. Rookie pa lang si JV, tinitilan na siya. Pero lahat ng papuri ay hindi pumasok sa isip niya. Puso ang dahilan kubg bakit namayagpag si JV at puso rin ang dahilan kuna bakit mahalaga siya sa akin bilang kaibigan.
Milan. Natsimis kami dati pero wala naman talagang nangyari sa amin. Kung tutuusin, may mga pagkakataong natukso ako pero hanggang doon lang yun. Respeto na lang kasi eh. Kahit minsan ay barubal at matigas ang ulo ni Milan, he will always occupy a special spot in my heart.
Gap. Best Friend ang tawag niya sa akin. Sweet di ba. At talagang malambing si Agapito. Mahilig mangyakap, manghalik at kung ano-ano pa. Hindi rin nahihiyang sabihin sa asawa niya at sa kanino pa niya 'mahal ko tong taong ito' Yun si Gap, tao ang turing niya sa akin. Sira-ulo lang talaga si Gap kapag lasing pero it comes with the package. Kung ako nga tinanggap niya, ako pa kaya ang magrereklamo?
Dre. Mahal na mahal ko si Dre. Hindi rin siyang nahihiyang yakapin ako at halikan sa pisngi. Bahagi na siya ng aking sistema at kahit di kami araw-araw nagkikita, alam namin na laging kaming nasa isip ng isa't isa.
Ian. Baby ko tong isang to. Hindi ko makakalimutan ang pamosong ' part of gowing up'... at talagang bahagi na ako ng kanyang pag-grow up at pagmature. Makulay din ang buhay ni Ian pero sa kabila ng mga heartaches at hardships ay nanatiling matatag at mapagmahal si Ian. Pero alam niyo naman na iniwan na ako ni Ian. Hanggang ngayon, iniiyakan ko pa rin siya. Kapag nagigising ako ng madaling araw, pumupunta ako sa lugar kung saan siya naaksidente. Tumatayo lamang ako dun at umiiyak. Alam ko kapag ganun, kayakap ko si Ian at bumubulong ng Mama Nich....
Macmac. Hindi puwedeng hindi ko isama ang isang to bagama't hindi na ak0 sure kung kilala pa niya ako eh. Hehehe. Siguro naman. Sana naman.
No comments:
Post a Comment