Wednesday, June 16, 2010

Pusong Mamon sa Daang Bakal


Minsan ang pag-ibig parang nananadya. Darating sa panahong pagod ka nang magmahal at masaktan. Darating sa lugar na hindi mo inaasahan. Kapag di ka naghahanap dun darating, parang taxi. Pero yung sa akin hindi dumating nang naka-taxi kundi dumating sa riles ng tren.

Tawagin nating siyang Ejhay. Jejemon na jejemon ang pangalan, may H ang J. Nakilalala ko siya sa Pasay Road Station ng PNR. Dahil mahilig talaga akong magboywatching maski saan, napansin ko siya dahil matipuno ang kanyang katawan. Maganda ang kutis at mukhang mabait kahit na bruskong-brusko ang dating. Hula ko karpintero siya o construction worker sa Avida o sa Beacon o sa alinmang proyektong nakatiwangwang sa paligid ng Pasong Tamo at Pasay Road.

Lagi ko siyang nakakasabay kapag Martes, Miyerkules at Biyernes, sa byaheng 4:31PM ng PNR patungong Maynila. Sa Sta. Mesa siya bumababa, ako naman sa EspaƱa. Di ko maiwasan pero lagi akong napapatingin. Mula sa hapit na hapit niyang t-shirt na nagpapamalas ng kanyang magandang ‘chest’ at ‘pectorals’ hanggang sa kanyang mayamang likuran. Ewan ko pero para sa akin, puwet ang biggest attraction ng isang lalaki. Parang pag solid ang rear, asahan mong he’s loaded and shoots well (pasencia na, minsan feeling Margie Holmes ako, di ko ma-translate sa Tagalog yung ganitong grapikong deskripsyon).

Pero di rin matatawaran ang kanyang maamong mukha. Bagama’t bakas sa kanya ang hirap ng trabaho, kita mo ring maalaga siya sa sarili o sadyang nabiyayaan ng makinis at mamumulang kutis. Kapansin-pansin din ang kanyang magandang ngiti na lalong nakapagdagdag sa kanyang charm. Pero aaminin ko, sa katawan niya ako unang humanga. Siguro nga dahil nagbubuhat (term sa mga nagpapakahirap mag-gym) din ako, kaya yun ang una kong napansin sa kanya.

Sa katagalan, napansin na yata niya na lagi ko siyang tinitingnan. Nalaman na yata niya ako na sinusukat ko ang buo niyang katawan, mula ulo hanggang paa. Tinitingnan na rin niya ako. Hinuhuli sa aktong panunukat. Ako naman e hindi masyadong maarte, nagpahuli naman. Pinaalam ko sa pamamagitan ng tingin na hinahangaan ko ang kanyang katawan.

Hanggang umabot sa araw na nginitian niya ako. Tingin ko, tinimbang muna niya ako o tiniyak kung bading nga ba ako o kung talagang tinitingnan ko siya. At dahil di nga ako maarte, ngumiti na rin ako ng pagtamis-tamis na tila singkapan ng arnibal at panutsa. Singtamis ng ngiti ni Erich Gonzales noong matikman niya ang unang halik sa Katorse. Shit. This is so high school. Ayokoooooo.

Nagsuplada ako nang sumunod na araw. Umiwas. Lumayo sa kanyang kinauupuan pag naghihintay ng pagdating ng tren. Lumipat sa ibang pintuang papasukan para makasakay ng tren. Sa ibang coach na ako sumakay. Yung hindi ko maamoy ang lalaking-lalaki niyang samyo, hindi makikita, hindi mararamdaman ang kanyang titig o nakakatunaw na ngiti.

Isang Miyerkules, di ko siya nakita at dun ko naramdaman na may something na nga ang letseng paghangang ito. Biyernes, nandun na siya, para na akong trumpo na ikot nang ikot sa taranta. Hindi na ako nagpakimi, umupo ako sa tabi niya. Tyempong-tyempo, wala siyang kasamahang kasabay nang hapon na iyon. Solo ko siya. Nanginginig tuhod ko pero tinitibayan ko dibdib ko. Shit uli. High school na high school si Neneng…

Nagsalita siya.

Di ko naintindihan dahil siguro nakakabingi ang ganitong pakiramdam. May puntong Bisaya siya nguni’t may halong lambing, hula ko Ilonggo ang machong ito.

Ano yun? Tanong ko. Kung tagasaan daw ako…simpleng opening line na nakapagbukas ng mas maraming tanong sa isa’t isa. Mula sa trabaho hanggang sa mga personal na detalye. Hanggang natanong ko siya, sinong kasama mo sa bahay mo?

Pamilya ko….

Nagkapalitan din kami ng cellphone number ng araw na iyon. Pero para di masyadong halata na atat ako sa kanya, di ako nagtext agad sa kanya. Siya ang unang nagtext:

Kamusta ka? (at least hindi jejemon magtext). At sa ilang beses naming pagtetext, ni minsan ay di siya humingi ng pangload. Alam nyo yun, yung ibang lalaki ganun. Yung tetetxt kunwari na huy last text ko na to ha, ubos na kasi yung load ko, etc. Hindi ganun si Ehjay.

Madalas na kaming magtabi sa upuan habang naghihintay ng tren. Kapag nakikita na niya akong dumarating ay lumalayo siya sa mga kasamahan niya at lalapitan ako.

Kamusta ka? Sa mga araw na nagkakasabay at nagkikita kami sa riles, ito lagi ang bungad niya. May ngiti kasabay na malambing niyang Ilonggong punto.

Marami na kaming napag-usapang kung ano-ano. Pinag-usapan naming yung pagbubuhat. Nagbigay siya ng tip kung paano iimpis tyan ko. Sinabi nya rin kung saan siya naggym, dun sa pag-aari ni Inday Garutay. Alam ko yun gym na yun at hindi yun ordinaryong neighborhood fitness gym. Kumbaga, mag paka-upper C to B ang market niya. Parang di afford ng constructrion worker na si Ejhay. Yun pala, raket niya ang pagiging gym instructor sa gabi.

Dun ko naisip maaaring niraraket niya lang ako, na gusto niya akong gawing customer sa pagtuturo. Gaya nga ng sinabi niya, kailangang kumayod ng extra, kailangang kumita ng malaki. Inisip ko na lang, at least hindi pako-callboy ang source ng extra income. Pero sa kabilang banda naisip ko rin, malay ko naman. Ang dami naman niyang sideline…

Nalaman kong mula sa Iloilo ay dito na sila nakipagsapalaran sa Maynila. Nag-aral siya sa TIP pero di niya natapos, kung ano-anong trabaho na rin ang pinasok niya. Matagal na sa bahay nila sa Sta. Mesa, sa likod ng SM Centerpoint. Sabi ko madalas ako dung mamili, lalo na pag Pasko kasi nga malapit sa Balic-Balic kung saan ako nakatira. Sabi niya, sige raw magkita kami dun minsan.

Hanggang sa dumating ang araw ng pagkikitang iyon. Walang nangyari sa amin na gaya ng aasahan ng iba. Nag-usap, kumain at nag-usap lang kami. Wala siyang pinabili, hiningi o pinadamang pangangailangan. Dahil dito, wala rin akong pinadamang pangangailangan ng katawan. Kung anumang pagnanasa na namamagitan sa mga oras na iyon, medyo naglaho dahil sa tiwalang binibigay naming sa isa’t isa. Tiwalang nakapagbukas ng aming mga puso at isipan. Tiwalang nagbigay ng respeto na bihira mo nang makamit sa mga panahong ito.

Aamin ako, noong una, libog lang ang lahat. Pero dahil sa SM Centerpoint na iyon, ang aking pusong mamon ay muling nagmahal at nakaramdam ng respetong matagal ko nang hindi nararanasan.

Isang Martes, wala siya. Natural, hahanapin ko. Kunwari pa kong lilinga-linga nang may lumapit sa akin.

Absent siya.

Sino po?

Si Bos Ejhay, di ba kaibigan ka niya?

Alam nila ha…

Nakuwento po niya kayo sa amin minsan.

Nakupo…pinag-uusapan na ako sa construction site.

Mabait po si Boss Ejhay, palakaibigan po talaga, wala namang masama dun.

Natulala ako sa sinabi ng mama. Tama nga naman, ano naman ang masama kung magkaibigan kami ni Ejhay. E ano kung alam na sa buong construction site. Ako lang naming itong takot. Ako lang naman itong mahilig magduda sa motibo ng iba. Ako lang nman itong hindi basta nakikipagkaibigan, lalo na kung wala namang pakinabang o kapalit. Ako lang naman….

Buong gabi kong inisip si Ejhay. Tanong ako ng tanong sa sarili ko, ako ba mauunang magtext? Inalis ko ang takot o hiya, nagtext ako sa kanya.

Kamusta ka? Bkit wla k knina?

Nakakainip maghintay ng reply. Parang gusto ko namang magalit sa Globe dahil iniisip ko mahina na naman ang kanilang signal. Pinadala ko uli yung text na may dagdag:

Kamusta ka? Bkit wla k knina? Ano gawa mo?

Wala pa rin. Lintek na Globe. Nagtext uli ako. Tinanggal ko na talaga yung natitirang pride sa aking katawan:

Kamusta ka? Bkit wla k knina? Ano gawa mo? Miss you.

Kung pwede lang lagyan ng pusong disenyo, ginawa ko na para maipadama yung pag-aalala ko at pagtatangi ko sa kanya.

May nagtext. Si Ejhay na!

Hu u?

Para akong binagsakan ng crane sa kanilang construction side. Kalimitan pag ganitong text, deadma na, maghanap ka na lang ibang katext. Pero dahil nga nahuhulog na loob ko kay Ejhay, nilunok ko na lahat ng aking kaartehan at diretsong nagtanong:

Ejhay, ano ka ba? Playtime ba ito? Tonichi to…anong nangyari…

Reply:

Ikaw pala si Tonichi….

Ano to? Tinigilan ko na. Inisip ko, katulad din nga siya ng iba. Siguro nga gusto niya lang akong maging customer sa gym.

Lumipas ang dalawang Linggo na hindi ko siya nakikita o nakakatext. Wala. Inisip kong nag-iba siya ng oras o hindi na nagtetren.

Hanggang napadako uli ako sa SM Centerpoint para bumili ng sapatos. May tumawag sa pangalan ko, si Ejhay.

Hay salamat, natiyempuhan din kita…

Bakit, yamot kong tanong.

Anong Bakit? Di mo ba ako namimiss? Halika nga, alis tayo dito.

Bakit, saan tayo pupunta, kunwaring nagpupumiglas kong buwelta.

Ayaw mo ba?

Gusto ko pero parang di ko masabi.

Bibigay ko sayo ang gusto mo.

Di ako makapagsalita. Magkahalong kaba at tuwa, may kasama ring inis at galit. Nawala na ba yung respeto sa isa’t isa? Tulad na nga ba siya ng iba?

May nangyari sa amin ng araw na iyon. Hindi ko na idedetalye ha pero masasabi kong iba siya dahil may kasamang pagmamahal, at least on my part. Dun naramdaman kong mahal ko na nga si Ejhay, nahulog na nga ang loob ko sa kanya. At handa ako kung tulad din siya ng iba na nagbebenta ng sarili, tutal sulit naman. Inisip ko na lang, sige mahal kita kahit dapat bayaran kita mahalin lang.

Tahimik kami pagkatapos, siya ang unang nagsalita, as usual:

Kamusta na?

Ikaw ang kamusta!, mabilis kong sagot.

Mahabang kuwento eh.

Nagtext ako sa’yo. Sabi, Hu U, Sabi, ikaw pala si Tonichi…ano yun Ejhay?

Wala na sa akin yung phone. Nasa kanya na.

Sinong kanya?

Asawa ko.

Ha? Wala kang sinabing ganun.

Meron. Tinanong mo ako dati kung sino kasama ko sa bahay, sabi ko pamilya ko.

Pamilya. Akala ko nun, tatay, nanay, kapatid. Pamilya pala as in asawa’t anak.

Dalawa na anak ko, magtatatlo na nga. Buntis si Tess, kaya lagpas-langit pagkaselosa.

Ahhh.

Yun lang sasabihin mo? Aahhh? Tsk-tsk, ano ka ba pusong bato? Wala nga pala ako sa Makati. Natransfer ako sa isa pang project sa San Juan, isang sakay lang mula sa amin. Ayun mas tipid. Mas madali akong nakakauwi at nakakapasok.

Sa gym?

Hindi na, ayaw na rin ni Tess, maramni raw akong baklang customer.

Hindi ako sumagot.

O bakit natahimik ka? Hindi ka naman kasama dun…Sabi ko kay Tess, ahente ka, nagbebenta ng unit sa condominium na tinatayo namin. Teka, nagtext ka nga bang Miss you?

Tumango lang ako.

Kaya pala, nagduda siya. Hahaha. Sabi ko, hindi ka bakla. Sabi ko, magiging ninong ka ng bunso namin. Namiss mo ba talaga ako?

Gusto kong sumigaw ng OO. Pero mas malakas ang tinig ng aking konsensiya: may pamilya na si Ejhay!

Tumayo ako at kinuha ang wallet ko. Kumuha ako ng pera at inabot kay Ejhay.

Ano yan?

Para sa’yo.

Matagal pa yung binyag, eto naman…patawa pero mapait ang kanyang tinig.

Hindi ito para sa binyag, para dito ito…

Para saan? Para sa katawan ko? Para sa nangyari sa atin? Putang ina, tulad ka rin pala ng iba.

Tulad ka rin pala ng iba! Umaalingawngaw sa buong silid ang huling sinabi ni Ejhay.

Hindi niya kinuha yung pera. Iniwan niya akong nakatanga sa kawalan. Hindi ko matandaan kung paano ako nagbihis at nakalabas mag-isa sa inupahan namang kuwarto. Wala akong sa sariling naglakad nang naglakad sa V. Mapa hanggang makatawid sa Altura. Sumakay sa tricycle. At para namang sinadya, umulan. Kulang na lang background music, kumpleto na sana ang eksenang hinugot sa teleserye.

Pero hindi ito eksena sa teleserye, eksena ito sa buhay ko. Aminin ko, umiyak ako ng balde-balde. Galit na galit ako sa sarili ko.

Balik sa ‘normal’ buhay ko. Nagtetren pa rin ako. Nagboboy-watching sa riles pero sabi ko nga, nag-iisa lang si Ejhay. Tinitingnan pa rin ako ng mga dati niya kasamahan pero di ko alintana, hindi naman nila ako siguro pinag-uusapan.

Nagtangka rin akong magtext kay Ejhay pagkatapos ng gabing iyon pero dahil normal na nga uli buhay ko, kaya umiiral pride ko. Di ko talaga matext si Ejhay kasi baka si Tess na naman ang may hawak ng cellphone. Saka isa kung si Ejhay man, baka murahin niya uli ako at sigawan nang: Tulad ka rin pala ng iba!

Pusong bato talaga ako. Puno ng takot, duda at pagtatakip ng totoong nararamdaman.

Kahapon, Martes, sa Pasay Road Station ng PNR, sa gitna ng daang bakal, sa paligid ng mga manggagawang nag-aaabang ng pagdating ng tren; bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa isang taong malayo pa lang ay nakangiti na sa akin. Si Ejhay.

Kamusta ka na?

Hindi na ako natakot magpakita ng aking pagka-pusong mamon.












1 comment:

Mafeteers said...

Friendship, is this really your story? Naiyak ako.. slight