Ang dami-dami nang nanalo run sa Yaman promo ng Tide, Ariel at Safeguard. Nakakatuwa naman yung mga pinapakita nilang nanalo sa kanilang mga TVC. Puro mahihirap, taga-probinsiya o rural area, may sakit o may pinag-aaral. Bawa't isa sa kanila ay may kuwento kaya siguro pinagpalang manalo. Naisip ko tuloy, sila ba talaga ang target market ng mga produktong nabanggit o sila lang nilagay para maengganyo pa ang iba na sumali? Ganun naman talaga ang advertising eh, aspirational. Lumilikha ng hangarin o paghahangad. Yung tipong kahit wala ka nang makain, dudmihan mo damit mo lalo para makabili ka ng mas maraming Ariel. Yung tipong gusto mo rin na ikaw mayroon nang pinapakita sa commercial o maranasan kung anuman ang pakiramdam ng may buhok na mukhang na-hot oil ng todo tulad ni Kim Chui.
Ako rin naghangad na manalo sa promong ito. Noon pa man Ariel at Safeguard user na sa bahay. E ako tagabili kayo sinisiguro ko na may tatak-Yaman yung mga pakete para may tsansang manalo. Kaya ayun, bawa't bukas ko ng kahon ng Safeguarad, hinahangad kong may mga katagang: 'You won 1 million!" tulad ng sabi dun sa commercial. Pero gabundok na ang nalabhan namin sa Ariel, sangtrak na banil na ang natanggal ng Safeguard, eto lagi ang lumalabas sa pakete: Sorry, please try again.
Siguro nga ang buhay ay walang katapusang hangarin ---mapamateryal man o hindi, makatotohanan man o ilusyon lamang. Marami tayong hinahangad na minsan ay imposible nating makamtam. Mga suntok sa buwan. Mayroon din namang mga abot-kamay na lang, napupurnada pa. Mayroon namang mga tao, marami sila, na walang kasiyahan. Hindi makuntento sa kung anumang mayroon na o naabot na. Naghahangad pa ng iba kaya kadalasan ay nabibigo lamang. Wala ring katapusan ang kabiguan sa mga taong walang katapusan ang paghahangad.
Pero maaaring gawin na ang bawa't paghahangad ay pagbibigay ng pag-asa. Hindi lang naman kayamanan o pera ang pinapangarap natin, di ba? Maari ring pag-ibig, katiwayasan, kapayapaan, yung iba, world peace, yung iba masaya na sa good health. Subali't kalimitan sa hinahagad natin ay kailangan ng kaukulang pagtataya. Commitment sa iba, o kumbaga, investment. Tulad halimbawa ng pag-ibig, o di ba, mag-iinvest ka talaga? Nandun magpapa-body scrub o magpapa-Belo ka. Nandung magpapalit ka ng brand ng pabango, nandung magreregalo ka ng Ipad, nandung mag-aaral ka ng paggamit ng chopsticks. Marami kang gagawin para makamit mo lang ang hinahangad mong pag-ibig. Sasabihin mo sa sarili mo, paano ka nga naman mamahalin kung di mo mamahalin ang iyong sarili o kung di mo gagawing kaibig-ibig ang iyong pagkatao. Paano mo makakamit ang hinahagad mo kung di ka tataya o di mo susubukan, kung di mo gagawin, kung di ka kikilos.
Para lang din naman promo ng Tide, paano ka mananalo kung Surf gamit mo.
At tulad ng promo, di lahat ng investment ay panalo. Sa bawa't hangarin, may sablay, may mintis. Sa bawa't pagsubok at pagtataya, may tablado. Sa buhay, sa pag-ibig, sa lahat ng paghahangad, minsan tayo ay natatalo. Maaring tumigil ka sa sa paghahangad pero huwag na huwag kang mauubusan ng pag-asa.
Sabi nga sa pekete, 'Sorry, please try again.'
1 comment:
Friendship, mag practice na tayo. Dapat ganito din sasabihin natin " Yu won wan melyon!!!" pag nanalo tayo hahaha!
Post a Comment