Magpuri, magpasalamat, magtaguyod ng munting langit?
Habang nagsesermon si Fr. Erik ay naalala ko ang aking kaibigang si C. Nung isang buwan lamang ay nadiagnose siyang HIV positive. Dahil bakla ako, iisipin niyong bakla rin ang kaibigan ko. At ikakahon niyo rin na kaya siya nagkaganun ay dahil sa kaniyang kabaklaan. Bahala na kayo sa inyong panghuhusga. Si C ay Bi, pero kakaunti lamang ang may alam na kanyang oryentasyon. Tinatago niya ito lalo nasa kanyang pamilya. Takot siyang malaman ito ng kanyang mga magulang lalo na kanyang ama na mailap sa kanya. Hindi kasi siya lumaki na kasama ito sa bahay. Matagal na panahon na namalagi bilang OFW sa Saudi ang kanyang ama at hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng lalaki-sa-lalaking usapan bilang mag-ama. Higit pa dun, nararamdaman din ni C na alam ng kanyang ama na 'iba' siya. Kaya halos di sila nagkikibuan sa bahay mag-ama.
Pero sa hipo ng Diyos, ang pagiging HIV positive ni C ang nagbigay ng daan upang maging magkalapit silang mag-ama. Sa pagitan ng mga hagulgol ay kinuwento ni C sa akin kung paano siya niyakap ng kanyang ama ng gabing sabihin niya sa mga magulang ang kanyang kalagayan. Atubili man, naglakas loob siyang kumatok sa kuwarto ng mga magulang upang sabihin sa kanila ang nalaman niya. Hawak ang 'confirmatory letter' mula sa San Lazaro, walang gatol niyang sinabi na siya ay HIV positive. Hinihintay niya na ang galit, hinanda niya na ang sarili sa mga mura ng ama. Pero hindi iyon ang nangyari. Bagkus ay tumayo ang kanyang ama at nung akala ni C na lalabas ang kanyang ama sa silid ay napayuko na lamang siya at sinikil ang kalooban sa dobleng sakit na kanyang nararamdaman. Pero nagulat siya dahil naroon ang kanyang ama na lumuhod sa kanyang harapan at niyakap siyang pagkakahigpit-higpit at sinabi sa kanya " Hindi kita pababayaan anak, hindi tayo papabayaan ng Diyos.'
Ito si C, ang aking kaibigan, nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos, dahil sa kabila ng kanyang pagiging HIV positive, natagpuan niya ang bagong langit sa pamamagitan ng pagmamahal ng kanyang sariling ama.
Mayroon pa akong isang kaibigan, si Reynan. Isa ang kanyang Mama sa mga dinakip at pinaratangang komunista ng pamahalaang Arroyo. Yung mga 43 health workers na ngayon ay nasa Camp Bagong Diwa. Nung Biyernes lamang ay nagmisa sina Fr. Erik doon. Natuklasan naming sa kabila ng kanilang pagkakulong, sila ay patuloy na naglilingkod sa kapwa. Paano? Dahil sila ay mga tunay na health volunteers at ilan ay mga doktor at nars talaga, ginagamit nila ang kanilang angking galing upang gamutin at arugain ang mga maysakit sa Camp Bagong Diwa, mga tulad nilang preso, mga tulad nilang pinagkaitan ng mga basic rights na dapat binibigay ng pamahalaan kahit sa sinumang nakakulong. Dahil di naman maganda ang hygiene at talamak ang mga sakit dahil di pinapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga kulungan dito sa Pilipinas, karamihan sa kanila ay mga galis sa balat, may mga ubo at madalas na tinatrangkaso....Dito, dito natagpuan ng 43 health workers na komunista raw ang kanilang misyon, dito nila nalaman na sa kabila ng pagiging preso, patuloy pa rin nilang magagampanan ang kanilang hangaring makapagluingkod sa pamamagitan ng paggagamot.
Natagpuan at tinataguyod ng 43 health workers ang munting langit sa Camp Bagong Diwa.
Ikaw, sa kabila ng anumang problema, maliit o malaki, magaan o mabigat ---kaya mo bang maging tulad ni C at ng 43 health workers? Kaya mo pa bang magpuri at magpasalamat at magtayo ng munting langit sa lupa kung ikaw ay nasasaktan o nahihirapan?
No comments:
Post a Comment