Friday, July 15, 2011

Mga Kaibigan Kong Kagandahan

Mapalad ako sa pagkakaroon ng mga kaibigang lubos ang kagandahan ng kalooban. Hindi ko na sila iisa-isahin o papangalanan bilang respeto at proteksyon. Pero sadyang maganda sila, inside and out.

Hindi ko man sila nakakasama araw-araw alam kong mahal nila ako bilang kabigan. Yung iba nga ay nasa iba't ibang bahagi ng mundo --- mula Ireland hanggang sa USA --- at salamat sa Facebook, ang kanilang kagandahan ay nasisilayan. Ang kanilang busilak na puso ay kumikinang hanggang dito sa Pinas. Ilang bata ba ang kanilang pinangiti, ilang scholars ba ang nabiyayaan ng kanilang kabutihan, ilang puso ba ang kanilang pinagalak. Kahit malayo, ang kanilang kagandahan ay aking nararamdaman.

Yung iba ay nakakasama ko sa hanapbuhay. Yung iba ay kapareho ko ng paborito: basketball at malamig na malamig na Red Horse. Pare-parehong nababanaag sa kanilang mga mukha ang dalisay na pusong nagmamahal at nagmamalasakit. May Madam, may Tita, may Gov, may Ms., may Gorgeous, --- iba-ibang tawag, iisa ang kanilang puso: puso ng kagandahan.

May nakilala ko lang sa UAAP. May mga girlfriend at naging asawa ng player, may feeling girlfriend, may best friend ng player, may supporter-friend ng buong team. Pero ngayon, ako na ang kanilang friend-friend. They come in all shapes and size, pero litaw na litaw ng kanilang kagandahan sa pagbubukas ng sarili, sa pagbabahagi, sa pagsasabi ng nararamdaman, sa pagbibigay ng tiwala, ang pagpapahalaga sa salitang kaibigan.

Yung iba ay parang langit at lupa ang aming agwat. Mayaman at nababalutan ng ginto pero mas ginto ang kanilang kalooban. Celebrity o almost celebrity, asawa ng coach, asawa ng manager. Pwede na akong hindi pansinin sa kanilang estado sa buhay, pwede na akong lampasan at di ngitian. Pero sa kanilang kagandahan, hindi lamang matamos na ngiti at beso-beso ang kanilang binabahagi.

Yung iba ay tulad ko ring may pinagdadaan. Pero sa kagandahan ng puso, malaya kaming nakakabukas sa isa't isa at lahat ay gumagaan at ang buhay ay lalong gumaganda.

Yung iba ay matagal kong di nakita. Mula Grade School. Mula High School. Mula College. Yung iba ay lagi kong nakikita. Mula Simbahan. Mula sa Bahay. Mula sa Opisina. Mula sa Karinderia. Mula sa Istasyon ng Tren. Mula sa Facebook.

Mapalad akong mapadalhan ng Panginoon ng mga kaibigang lubos ang kagandahan. Pakiramdam ko tuloy, maganda rin ako.


No comments: