Friday, July 22, 2011

Si Maria Magdalena

Araw-araw nagsusumikap akong makapagsimba. Ganito ang routine ko sa umaga: gigising ng 4-4:30AM. Magdarasal, maglilitanya, magninilay. Magbabasa ng Ebanghelyo mula sa Pandesal, magbubukas ng Bibliya para sa Pagbasa at Salmo. Magninilay at magmuni-muni habang nagkakape. Tapos, magbabawas at maliligo. Lalabas para tumakbo at dadalo sa 5:45 AM Mass. May mga araw na sumasablay o di na talaga kaya at pag ganun ay tila may kulang o parang may mali sa aking araw.

Kaya masakit sa aking tawagin akong ipokritang bakla. Sayang daw ang madalas kong pagpunta sa Simbahan. Wala naman akong sinasabi na ako'y santo o pinakabanal o baklang pinagpala sa lahat. Ang totoo, kaya nga ako nagsusumikap magsimba araw-araw ay dahil sa ako'y mahina at makasalanan. Ang totoo, sa kabila ng aking pagdadasal ay may pagkakataong ako pa rin ay nadadapa at nasasadlak sa putik. Ang totoo, kaya nga ako nagsisimba dahil nais kong may makapitan, may masandalan, may masilungan, may masabihan, may makayakap --- sa lahat ng panahon, sa habang panahon.

Naniniwala kasi ako sa Habag at`Awa ng Panginoon, sa Kanyang Pag-ibig at Pagmamalasakit --- at dun sa pananampalataya ito ako nakakapit. Lagi ko ngang sinasabi sa sarili ko, kapit lang kay Hesus, kapit lang.

Siguro kung hindi ako nakakapit kay Hesus, nakapatay na ako ng tao. Nakipagsuntukan na siguro ako sa siksikang tren. Nabato ko na siguro bahay ng mga tsismosang sina JG at SM. Tumalon na siguro ako sa Enterprise Center. Isa na siguro akong sex offfender, tapos nakaheadline sa dyaryo, Bakla Naghipo, Tiklo. Nangholdap na siguro ako ng FX. Nagnakaw na siguro ako sa kaban ng Simbahan. Iniwan ko na siguro mga kapatid ko. Tinalikuran ko na siguro nang tuluyan ang Parokyang punumpuno ng makabagong Pariseo at Publikano. May ginilitan na siguro akong Atenista. Sinabuyan ko na ng asido ang lahat nang nang-api sa nanay ko at mga kapatid ko. Hinamon ko na sana ng sabunutan ang mala-anghel sa kabaitang si Charlie Sita na tumawag sa akin ng ipokritang bakla.

Yung karamihan sa taas ay exaggerated at extreme (echos at char-char lang, in other words). Ang pinupunto ko lamang ay ito: I could be worse than as I appear to be now. Kaya nagsususumikap akong magpakabuti. Mahihirapan siguro akong maging at makilalang mabait, pero pinipilit kong maging mabuti sa kapwa, sa sarili, sa bayan at sa harap ng Panginoon. At malaking bagay ang pagsisimba araw-araw, ang mataimtim na pagdarasal, ang tahimik na pagninilay. Dahil doon, natututo akong magtimpi, magbigay, magpa-ubaya, magmahal, umunawa at magpatawad ng iba at ng sarili.

Kapistahan ngayon ni Maria Magdalena. Pareho kaming biktima ng mga maling akusasyon, panghuhusga at 'character assassination and stereotyping'. Pareho kaming kilalang sawimpalad at talipandas. Pero pareho rin kaming nagsusumikap maging tapat na alagad ni Hesus, hindi mang-iiwan, hindi bibitaw. Sa aking buhay, nais ko ring sambitin ang sinabi ni Maria Magdalena sa Ebanghelyo ngayon: ' Nakita ko na ang Panginoon at ito ang kanyang sinasabi!'

No comments: