My life has always been an open book, even in my Facebook profile and wall posts. Alam nang lahat na ako ay isang bakla. Alam nang lahat na ako'y madalas na nadadapa at nagkakasala. Alam nang mga kaibigan kong pari at seminarista ang aking daily struggle. Alam nilang bakla ako at buong puso nila akong niyayakap at tinatanggap sa kabila ng pagiging ako.
Tuwing Linggo ay kasama ko ang mga matatalik kong kaibigang pari (ang mga seminarista ay nasa loob). Kasabay sa almusal pagkatapos magmisa. At sa gabi naman ay mayroon kaming Sunday Night Club (susulat ako ng hiwalay na blog para dito) kasama ang ilan pang kaibigan. Marami kaming pinag-uusapan, pinagkukuwentuhan, pinagninilayan. From mundane to sublime, from religion to politics, from sports to showbiz, from books we read to movies we watched, from affairs of the heart (naming mga layko) to affairs of the Church, from people around us to all about us ---- just anything under the sun. Lahat ng issues, hihimayin. Lahat ng anggulo, bubusiin. Punto por punto. Minsan nagrorole playing pa kami. Ako si Boy Abunda at sila ang mga Bottomliners. O parang dun sa dating program na Points of View. Basta parang talk show. Lahat may point, lahat may opinion, lahat may kuwento (sa amin tanging si Arbie lang ang hindi kumikibo --- more on that later), lahat may stand.
Dun ko mas pinagmamalaki ang pagiging mapalad ko sa aking mga kabigang pari (at seminarista). Wala silang panghuhusga, lahat pinapakinggan. Bagama't paminsan-minsan ay hindi iisa ang aming opinsyon ( e hindi naman kasi kami mga robot, may mga sarili kaming pag-iisip) sa bagay-bagay, hindi kami nagsasalungatan, nagsasagutan o nagtatalo. Gaano man kababaw o kalalim ang issue, tungkol man sa lovelife ni Reynan (again, more on that later, hahaha) o ni Julius, tungkol man ito sa mga Obispo o kay Pnoy --- kami ay palagay sa isa't isa. Magcomment o kumontra man, laging nandun ang antas ng respeto sa opinyon ng isa't isa.
Mapalad ako sa mga kaibigan kong pari (at seminarista), at bahagi na sila ng aking buhay-panalangin at araw-araw na pamumuhay at pakikibaka. Sa mga panahong pakiramdam ko'y nahuhusgahan ako ng iba (may tumawag sa aking ipokritong bakla at multong bakla at sayang daw ang paglilingkod ko sa Simbahan), sa mga panahong kailangan ko ng assurance at affirmation, sa mga panahon ng kalungkutan at hirap nang kalooban, sa mga panahon ng pagsubok at pagkakasala --- ang mga kaibigan kong pari (at seminarista) ang tagatapik, tagabalik sa akin sa landas ni Kristo, tagapaalala, tagayakap, tagapunas ng aking mga luha, tagapagbigay ng aliw at ibayong sigla, tagapaghatid ng ngiti at malaks na halakhak at kadalasan, tagalibre ng dinner.
Mapalad ako sa pagmamahal nila sa akin bilang ako --- bilang baklang Kristyano.
No comments:
Post a Comment