Tuesday, June 26, 2012

Isang blog ng luha 2

Wala rin. Hindi rin ako nakaiyak para sa aking sarili gaya ng aking inaasahan sa aking nakalipas na blog. http://tonichiarcher.blogspot.com/2012/06/isang-blog-ng-luha.html

Mas naiyak pa ako sa galit noong nabalitaan ko sa text ang nangyari sa aso naming si Harry. Natanggap ko na nga nang maluwag sa aking kalooban na kailangan na naming siyang i-let go pero hindi ko inakala na pwede pa pala siyang mabuhay ng mas matagal. Hindi ko gusto yung word na 'abandonment' kahit alam mong nasa mas mabuti siyang kamay at ayon na rin sa text ng aking pinsan --- "pwede mo naman siyang dalawin, kuya". Sa inis, hindi na ako nagtext. Sa ngitngit, hindi ako umuwi ng maaga, sa galit at pag-alala --- iniyakan ko talaga si Harry ng bonggang-bongga. Kahapon, nagising ako ng alas tres ng madaling araw dahil parang narinig ko siyang kumakahol. Napabalikwas ako sa pagkahiga, naisip ko nakatakas siya PAWS at nakauwi pabalik. Pero wala,.Wala na talaga si Harry.


Mas naiyak ako sa galit at awa noong nalaman ko ang nangyari kay Jayson, isang Personal Trainer sa Fitness First. Akala ko nag-resign o nag-awol gaya ng karamihang fitness instructor na either lumilipat sa ibang gym o nakakahanap ng mas magandang trabaho (karamihan sa kanila RN o licensed physical therapist). Medyo magaan ang loob ko kay Jayson, ewan ko ba bakit. Hindi siya gwapo. Siya yung tipong hindi lalapitan masyado ng mga bakla at matronang client. Siya yung tipong out-of-place o parang hindi bagay doon. Ang alam ko nga nilakad lamang siya ng kaibigan niyang si Jasper (na nag-awol na rin) para makapasok sa Fitness First. May sakit daw kasi ang nanay nito, wala nang tatay, at apat pa ang kapatid na pinag-aaral sa probinsiya. Kailangang-kailangan ng trabaho kaya pinagbigyan siya.


Pero hindi madaling maging fitness instructor. lalo nasa Fitness First. Bagama't may basic salary, you earn more by getting a client or selling a PT program. Hindi pwedeng umasa ka lang sa basic mo dahil may quota kayo ng benta every period. Meaning, dapat makabudget ka ng benta. Halimbawa si Jayson, ang budget niya na dapat mabenta ay P60K sa loob ng isang buwan pero ang nabebenta lang niya ay 1K; bad record yun. Marahil dahil hindi siya gwapo. Out of place siya doon, ang personality niya ay hindi gaanong likeable. Pero sa akin, malpit siya sa akin at hindi nga Sir tawag niya sa akin, minsan Kuya Tonich, minsan Tay (na bagama't ayoko e tinatawanan ko lang).


Grabeng pressure yun para kay Jayson. Lalo na iniisip niya yung nanay niya na kailangang i-dialysis. Lalo na iniisip niya yung apat niyang kapatid sa probinsiya. Lalo na yung iniisip niya girlfriend niya for six years ay inisplitan siya dahil wala na raw siyang oras para dito simula ng nagtrabaho sa Fitness First. Lalo na siya pala mismo ay may kidney deficiency din at may maintenance med siya na halos isang buwan niya nang hindi natetake dahil wala na siyang pambili; kaya ayun namaga ang paa at halos hindi maka-assist sa kanyang kakaunti na ngang client.   


Kahapon ko lang nalaman ang totoong nangyari kay Jayson.


Nag-break-out daw ito ng isang araw. 


Niyaya ang isang kliyente ng mag-boxing ng walang gloves o kahit hand wrap. Sabi niya raw sa kliyente, depensa lang depensa lang habang si Jayson ang suntok ng suntok at ilag lang ilag yung kawawang kliyente.


Nagwala sa locker room dahil may hinanap na kung ano.


Nag-iiyak sa gym floor at nagsisigaw dahil wala pa raw siyang benta at nanganganib matanggal sa trabaho.


Tapos, salita na raw ng salita. Sigaw ng sigaw. Mura ng mura. Nagwala ng tulad ng isang taong tuluyan ng nawala sa sarili.


Sabi raw ng magaling na manager na laging nakangiwi ang pagmumukha: Papapulis kita! Papakulong kita!


Hindi nakulong si Jayson. Bagkus siya ay dinala sa Mandaluyong.


Naiyak ako sa galit at awa sa ginawa nila kay Jayson. Naiyak ako sa galit at awa sa nangyari sa isang taong nangarap lamang na mabigyan ng kaunting kaginhawaan ang kanyang pamilya.  Naiyak ako sa galit at awa dahil wala man lang kumalinga kay Jayson, walang nakinig o umintindi, walang kumausap. Naiyak ako sa galit at awa dahil sa halip na siya ay tulungan, si Jayson ay sinaktan pa raw ng mga kasamahan at kinaladkad palabas.


Naiyak ako sa galit at awa sa nangyari kay Harry at Jayson dahil WALA AKONG GINAWA, WALA AKONG NAGAWA.  


No comments: