Wednesday, June 27, 2012

Mga Epal Kayo!


Epal
Isa ako sa masugid na sumusubaybay sa pagsasabatas ng Anti-Epal Law (pati na rin sana yung RH Bill at FOI Bill). Kasi naman kahit saan ka tuminigin ay namumutiktik ang tarpaulin ng mga politikong epal.  Happy Fiesta. Happy Graduation Day. Happy Birthday Jesus. Happy School Opening. Happy All Souls’ Day. Lahat na lang ng happy mayroon. Mabuti nga sana kung happy tayong lahat sa pinagkakabit ng mga epal na ito.

Sa aming lugar, may epal na nagpatayo ng ihian sa gilid ng Simbahan at buong ningning na nilagay ang kanyang pangalan. Sarap lang isipin na araw-araw na iniihian ang kanyang inaalagaang pangalan. May isa namang epal na nakabit ang pagmumukha maging sa basurahan. Sarap lang isipin ang kanyang nabotox na face ay mistulang tapunan ng lahat ng kalat at dumi.

Dahil naniniwala siguro na ‘the more the merrier’ kaya pati asawa o kung sinumang kaanak ay sumama na rin sa kanilang epal bandwagon. Tuloy raw ang serbisyo sabi ng tahimik na asawa ng isang reyna ng tarpaulin. Kung kaya raw ni Misis, kaya rin daw ni Mister, sabi noong isang nagkalat na tarpaulin.  May asawa ni Dok, na kapuso at kapamilya at kapatid ng bayan. Ewan. Mayroon ding tatay, may lolo, at baka sa susunod pati alagang aso.

Nakakatawa minsan pero kadalasan, mas nakakainis. May isang epal na sadyang lahat na yata ng Simbahan, lahat ng sulok ng distrito, lahat ng puno at poste na maaari niyang tampalasin --- mayroon siyang tarpaulin. Minsan nakacostume ng fireman para sabihin nagdonate siya ng fire truck. Sarap lang isipin na sana nakawheel chair din siya noong sinabi niya sa tarpaulin na may sampu siyang libreng wheel chair (Sampu!? Tinarpaulin pa!?) Nagkalat ang libreng scholarship, libreng ganito at ganyan --- na sana nga galing sa bulsa niya. Hello, buwis namin yan no, pati yung mga tarpaulin na pinagkakabit ninyong mga epal kayo, buwis naming yan, mga buwisit kayo! Yung pagpapagawa ng kalye, nakatarpaulin na parang sila nga nagpagawa. Ang masakit, lagpas na sa deadline at hirap na hirap na kami sa kalyeng itong di matapos-tapos, pero ang malamyos pa rin nilang mga ngiti ang nakikita sa tarpaulin. Ang sarap ngaratan o lagyan ng sungay.

Pati Sakramento, hindi pinalalampas. Lahat ng epal may libreng binyag, libreng kasal, libreng libing --- pati yun nakatarpaulin. Mayroon pang nag-i-speech pa bago maganap ang binyag. Hindi bawal magalit ang pari at kung akala niyaook lang sa pari ang kanyang ginawa, nagkakamali kayong mga epal kayo. Tapos  magpapapicture pa, gusto pa nga sa altar! E may funeral mass na susunod eh, magpapicture din ba siya katabi ng kabaong?!  

Hay mahaba pa itong ka-epalan na ito. Magkakalat pa rin ang mga tarpaulin, dadami pa rin ang hanep-buhay TVC ni Cynthia Villar at print ad nina Chiz Escudero at Sonny Angara…marami pa ring epal na susulpot na parang kabute habang papalapit na ang 2013.

Kaya magbantay tayo ha. Kunan ng litrato ang mga epal na ito at ilagay sa Facebook at iba pang social network maging sa website ng mga media organizations, at kung saan-saan pa.  Ipahiya at ikalat natin ang kanilang ka-epalan na parang sinasabi natin sa kanila na: Epal kayo ha! Eto ang sa inyo!

Pero ang tanong, tatablan ba sila? E, epal nga eh! Kaya dapat, isabatas na ang Anti-Epal Law. Now na! 

No comments: