Kapag ganitong tag-ulan, isang malaking good luck sa ating lahat sa pagsakay ng taxi. Nandun yung namimili ng pasahero, nangongontrata, nagpapadagdag. Para bang ang mga taxi driver ay biglang nasasaniban ng demonyo dahil alam nilang maraming pasahero kapag umuulan.
Kahapon ay may pinuntahan ako sa may Filmore, Makati. Medyo napasarap ang tsikahan at ang oras ay di namalayan. HIndi ko rin naramdaman na umuulan na pala. Paglabas ko ng condo nang bandang 6:30PM ay saka ko lamang nalaman mula sa guwapong SG na bumuhos pala ng malakas ang ulan. Patay sabi ko, pahirapan sa taxi nito. Nagvolunteer ang SG na itawag ako ng taxi, medyo natagalan kasi puro may sakay ang dumadaan. Nang sa wakas ay may taxi na tumigil, hinanda ko na ang sarili sa pakikipag-haggle sa demonyo. Inaasahan ko na ang pangongontrata o pagpatongpats ng taxi fare. Carry lang sabi ko sa sarili, mahalaga makauwi at baka lumakas pa uli ang ulan.
Nung sumakay na ako ay isang malaking OMG ang aking nasambit dahil kamukha ni Max Laurel yung driver. Alam mo yung mga kontrabida sa pelikula nina Jeric Raval o Roi Vinzon? Ganun yung peg. Dangan lamang ay hindi naka-leather jacket. Gusto ko mang bumaba, wala na akong choice. Pero milagro, hindi siya namresyo. In other words, nung sinabi ko yung destination ko, hindi niya sinabing. sir dagdag ng 50pesos dun ha...traffic kasi. Walang ganun. Check.
Pangalawang milagro, walang traffic sa kahabaan ng south super, malamang stranded pa sa loob ng Makati, sabi namin pareho. Galing daw siya sa Guadalupe, baha na raw talaga at hanggang Ocampo ay gapang na siya. Hanggang Qurino ay smooth sailing kami. PInagtripan namin yung bagong Audi sa harapan namin. Sabi niya, kahit ganito ako kapangit, kapag yan minamaneho ko, magiging Piolo ang dating ko....' Ang lakas ng tawa ko sa mamang ito. Check.
Pagdating namin sa Pedro Gil ay baha na, at pagkatapat sa Plaza Dilao, dito na nagkatipon-tipon ang mga sasakyan sa traffic. Tinanong nya kung gusto kong kumaliwa at sa Paz dumaan. Ayoko. Una, madilim. Pangalawa, baha. Pangatlo, wala pa rin akong tiwala kay Max Laurel na driver. Sabi ko na lang mas traffic dun sa bandang Unilever dahil sa mga truck na galing o papuntang Romualdez. Ay oo nga, sabi niya. Kinuwento niya na dati siyang delivery driver sa 'putang inang unilever na yan..' At habang pinagtyatyagaan namin yung mahabang traffic hanggang Nagtahan ay marami na siyang kuwento na punumpuno ng 'putang ina...'
Pangatlong milagro, wala siyang sad story. Kalimitan kasi ng mga driver ay puro reklamo o puro problema ang kinukwento. Style nila yun para maawa ka at magdagdag ng tip sa pasahe. Itong si Max Laurel ay puro kalokohan at mura ang laman ng bibig. Tungkol sa boss niya, sa mga kasamahan niya, sa misis niya, sa mga makukulit niyang anak. Puro masasayang kuwento na hindi mo aasahan sa ganung pagmumukha niya. Kapag pagod na siyang magkuwento sa akin ay tatawag naman siya sa mga ka-driver niya at mangangamusta kung nasaan. Tuturuan niya kung saan dapat idaan, kung anong kalye dapat iwasan. Ayos siya di ba? Yung isa niyang natawagan ay papuntang Floodway sa Pasig. Sabi niya, pare bigyan mo muna ng jacket yang pasahero mo at patulugin mo muna, bukas na kamo kayo makakarating. Exagg pero iba yung delivery niya eh. Tapos, susundan pa ng malutong na PI at halakhak. Check na check.
Nalagpasan namin ang Nagtahan ng walang hassle, sa baba ng flyover ay gapangan papuntang Sta. Mesa. Sa Forbes ay pwede kang magskateboard dahil walang sasakyan. Malamang, ipit pa sa Espana. Pagdating sa G. Tuazon ay dito na kami nahassle. Buwelta kami sa loob, aba, mistulang parking lot. Buwelta na kami. Binuksan niya yung bintana at lahat ng papasok at makakasalubong na sasakyan ay sinasabihang huwag nang tumuloy, lagpas bewang ang baha, pare. Exagg pero alam mong hindi niya kailangang gawin pero dahil may concern sa kapwa driver, ginawa pa rin niya.
HIndi niya na alam kung saan dadaan kaya tinanong ako. Sabi ko dun sa gilid ng Ospital nng Sampaloc, may maliit na kalyeng shortcut, medyo may baha at medyo delikado dahil maraming informal settlers dun. Sabi niya, huwag kang matakot dun sir, kaya natin yun. Ikaw na ang maging Max Laurel! From there ay konting paikot-ikot pa hanggang makarating na kami malapit sa amin.
Tinanong niya ako kung saan yung simbahan sa Balic-Balic, sabi ko dun ako malapit. Kanto lang namin kako. Sabi niya dadaan muna raw siya, sabi ko sarado na yun. Okay lang daw, madaan lang daw niya yung taxi niya.
Pagbaba ko sa kanto namin ay nakita ko ngang dinaan niya yung taxi sa tapat ng Simbahan, saglit siyang huminto at pagkatapos ay bumuwelta na. Alam kong nagsambit siya ng panalangin sa Panginoon.
Kung sino ka mang Max Laurel ka, salamat sayo. Isang kang anghel at magiting na taxi driver.
PS.
Pagdating ko sa amin, aba isang malaking surprise uli! May pizza. Yung utol ko na #medyobadboy na kagawad sa barangay namin ay sumuweldo pala at milagro nang-libre! Ang galing talaga ni Lord!
No comments:
Post a Comment