Tuesday, August 17, 2010

munting langit 2

Magpuri at magpasalamat sa Panginoon araw-araw!

Pero paano nga kung may kapatid kang addict sa shabu? Paano kung ikaw ay nagsilang ng sanggol out of wedlock? Paano kung stage 4 na yung breast cancer mo? Paano kung tulad ka ng nasa Ebanghelyo nuong Lunes, isang napakayamang tao na hindi kayang isuko ang kanyang yaman para makapamahagi sa iba?

Pero sabi nga sa Ebanghelyo ngayon araw, ang imposible sa tao, posible sa Diyos.

Posible na sa kabila ng pagkainis ni T sa kanyang kapatid na C, tutuparin pa rin niya ang pangako niya sa kanyang mga nasirang magulang na hindi niya ito papabayaan. Minsan ay sumusuko siya, minsan paimpit siyang sumisigaw sa banyo o sa sariling silid. Minsan lumuluha na lamang sa Adoration Chapel. Minsan tumatakas at tinatalikuran na lamnag ang kapatid para hindi nito nakikita ang ginagaw nitong mga kalokohan. Ilang beses na siyang pinagnakawan, ilang beses na siyang niloko at inisahan.

Posible pa ring magpasalamat at magpuri si T dahil sa kabila ng kalagayan ng kapatid, makakakita pa rin siya ng kabutihan sa kalooban nito. Sa kabila ng pagiging sakit ng ulo, tamad at 'palamunin' , gumagawa pa rin ng paraan si C para mahilot ang puso ni T. Mga maliliit na bagay na nagbibigay pa rin ng dahilang ngumiti si T.

Posible ring ituring ni M ang kanyang anak na biyaya mula sa Panginoon, kaya nga ito ang tawag niya dito. Kaya sa kabila ng mga sitsit at bulong-bulungan, matatag na nakatayo si M mula sa kanyang pagkadapa. Kung tutuusin, hindi ito pagkadapa o pagkakamali para kay M. Ito ay desisyon, kanyang kagustuhang maging ina, sa kabila ng pagiging dalaga. Maganda na ang trabaho ni M uli. Bagama't hirap siya sa oras, nagmamadali sa pagpasok, nagmamadali sa pag-uwi. Sa umaga kailangang tiyakin niyang maayos ang anak bago ibilin sa kasama sa bahay. Sa gabi, nakikipag-unahan sa pila ng FX para madaling makapiling ang anak. At sa kanyang pagtulog, katabi niya ito at laging pinagmamasdan. Ito ang kanyang munting anghel sa munting langit na kanyang binubuo sa kanyang tinutuwid na pamumuhay.

Si A ay tinuturing nang dead woman walking. Dati kapag kausap ko siya, ako ang nahihirapan para sa kanya. Sa kanyang kanser sa dibdib, iisipin mong dapat ay nakahiga na laman siya lalo na't stage 4 na ito. Ika nga, isang hibla na lamang. Pero yun mismong hibla na iyon ang kanyang pinanghahawakan upang patuloy na ipagdiwang ang buhay. Upang namnamin ang bagong umaga at ang pag-asa na dulot nito. Upang gamitin ang bawa't minuto upang maglingkod at magpuri't magpasalamat sa Panginoon.

Aktibo si A sa aming Parokya. At kakaiba ang kanyang tungkulin dahil isa lang naman siya sa mga tagapagtaguyod ng mga Batayang Pamayanang Kristyano. Ito yung BEC o basic ecclesial communities, mga magkakapitbahay na tinipon at binuo upang maging 'maliliit na Simbahan'. Marami na siya na-organize at hanggang kaya niya ay ginabayan niya ang mga ito para maging matatag. Karamihan sa mga kasapi nito ay mga simpleng tao, yung mga hindi naaabot ng institusyon ng Simbahan, yung mga unchurched o hindi nagsisimba. Hinahatid ni A sa kanila ang Mabuting Balita upang sila rin ay makapamahagi sa iba, makapagtaguyod din nga mga munting langit sa lupa simula sa kani-kanilang pamilya, upang sila rin ay makapagpuri at makapagpasalamat sa kabila ng kahirapan.

Tulad ni T, ni M, at ni A....patuloy tayong magpuri at magpasalamat, sa kabila ng lahat.

2 comments:

Anonymous said...

pinaiyak mo ko...thanks for always believing in me,defending me.i may have made "unpopular" decisions, but its the person like you who makes me stronger everyday.

we all have our crosses to carry, but with the help of our friends, the cross gets a lot lighter.

thanks so much mama nich.love you.:)

tonichi said...

yes be, i love you so much. kahit di man ako physically present, lagi kang nasa puso ko.