Tunay ngang maraming tinatawag, katunayan, lahat tayo ay tinatawag. Yun nga lamang, para sa nakakarami, mas madaling tumanggi. Bagama't binibigyan tayo ng bago at malinis na puso (Unang Pagbasa, Ezekiel) at ginagabayan ng Kanyang Espiritu, ang kalayaan pa rin nating makapamili ay lagi nating pinapairal. Minsan, matigas pa rin ang puso natin sa pagtanggi. At kung susuriin, kung ang Diyos ay natatanggihan natin, paano pa kaya ang mga taong hindi natin gusto?
Si Ate N ay tinanggihan ng kanyang asawa at iniwan ng tatlong anak na lalaki hindi upang mangibang bayan, kundi para mangibang bahay. Mahabang panahon na mag-isang binuno ni Ate N ang pagpapalaki sa tatlong anak. Hindi yun madali lalo na kung ang trabaho niya bilang Librarian ay hindi naman sapat na pantustos sa pagpapaaral ng mga anak. At sa kabila ng hamong ito, si Ate N ay masigasig na tagapag-ugnay sa Parokya. Siya ang namumuno ng Ministri ng Paghuhubog. Hindi ko alam kung superwoman si Ate N pero mahusay rin niyang nahubog ang mga anak, maging sila ay naglilingkod sa Simbahan at sa mga pamayanan. Arkitekto na yung panganay ni Ate, yung pangalawa ay maayos naman ang buhay at yung pangatlo ay nagsa-Saudi na rin. Wala kang makikitang bahid ng pagkagalit sa mundo kaninuman sa kanila, kilala sila sa Parokya bilang mga magagaang ka-trabaho, walang excess baggage ika nga.
Minsan ay nakatanggap ng tawag sa telepono si Ate N. May sakit daw ang kanyang asawa at malapit nang mamatay. Hindi tinanggihan ni Ate N ang pakiusap ng nasa kabilang linya: ang alagaan ang dating asawa. Sa madaling salita, inuwi niya ito at inaruga. Nung namatay, sa bahay pa nila binurol, si Ate N na iniwan at tinanggihan ang nag-asikaso.
Ang kapatid ni Ate N ay naglilingkod din sa Parokya, siya rin ay biktima ng rejection sa pamilya. Intsik ang kanyang napangasawa kaya hindi siya tanggap ng pamilya ng lalaki. Kung ano-anong pagkukutya ang pinagdaanan ni Ate L lalo sa kanyang biyenang babae. Pero gaya ni Ate N, may ginintuang puso si Ate L. Noong nagkasakit dahil sa katandaan ang biyenan, siya ang nagsilbing tagapag-alaga nito. Kahit na minsan ay nagagalit sa kanya ang ilan niyang mga anak, pinakita ni Ate L na walang puwang ang galit at paghihiganti sa kanyang puso. Hindi niya tinanggihan ang hamong magpakabuti, magmalasakit at magmahal maging sa taong niyurakan ang kanyang tao.
Ang kasama namin ni Ate L sa BEC cluster na si Vacion ay kasambahay. All-around. Tagalaba, tagapag-alaga, tagalinis, taga lahat. Ang twist ang amo niya ay lider din sa aming Parokya. Mabait naman ang kanyang amo pero minsan ay pinipigilan itong dumalo sa mga pulong. Istorbo raw yung mga gawaing Simbahan, magkasya na lamang daw sa pagdarasal. Pero nakakagawa pa rin ng paraan si Vacion, ikanga, time management lamang. Hindi niya pinapabayaan ang trabaho habang binibigyan niya ng panahon ang pagbubuo ng munting langit sa mga pamayanan. Pero hindi yun ganun kadali. Dahil 'katulong lang' siya, hindi siya pinaniniwalaan ng karamihan. Paano daw ay siya nga mismo ay hirap daw, hindi raw maganda ang buhay, ang trabaho ay hindi raw marangal. Tinatanggihan siyang maging lider ng pamayanan dahil siya raw mismo ay alila lang.
Pero nalagpasan ni Vacion ang lahat ng pagtanggi at panlalait sa kanya. Para sa kanya, hanggang dala niya sa kanyang puso si Hesus, sa gabay ng Espiritu Santo, kakayanin niya ang lahat ng panlilibak. Sa kanyang pagtugon sa paanyaya ni Hesus, ito mismo ang kanyang sandata sa pag-anyaya sa iba. Si Hesus mismo, si Hesus lamang. Kaya kung tatanggihan ninuman si Vacion, si Hesus na rin ang kanilang tinalikuran
Sa pagbubuo natin ng munting langit, tayo ay makakaranas ng pagtanggi. Maraming-maraming pagtanggi.
No comments:
Post a Comment