Sa paglilingkod sa Panginoon at sa kapwa ang lahat ay pantay-pantay. Tulad ng diwa ng Ebanghelyo ngayong araw, walang lamang ang nauna at hindi sagabal kung huli ka nang tumugon. Ang mahalaga ay tinanggap mo ang panawagan at hamon na magbigay ng panahon para maging ka-manggagawa ni Kristo. Hindi sagabal ang anumang kalagayan sa buhay, mahirap man o mayaman, anuman ang kasarian, upang sumama sa pagtataguyod ng mga Munting Langit dito sa lupa.
Sa aming Parokya ay mga 'kakaibang ka-manggagawa' na sumasalamin sa pagkapantay-pantay ng dignidad; na sa kabila ng pagkakaiba o pagiging 'iba' ay nakiisa sa paglilingkod.
Unang halimbawa ay si Ryan, 11 years old, altar boy. Siya ay isang special child. Sa isang politically incorrect na lipunan ang tawag sa kanya ay Mongoloid. Subali't hindi balakid ang kanyang anyo at pagkatao, maging ang pagkutya ng mga ibang tao, upang siya'y maging aktibong kumikilos sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Nung una ay nakakailang ang kanyang kalikutan. Pero sa masigasig at matiyagang pagsasanay at pagkalinga, si Ryan ay tila isang anghel na nagpapadagdag ng sigla at nagbibigay ng inspirasyon tuwing 6PM Mass, araw ng Linggo.
Pangalawa si Engel, lector/commentator. Walang 'tama' si Engel pero ang kanyang ina na kung tawagin sa Simbahan ay Ate Guy ay mayroon. Minsan dumadalo sa mga Misa ang kanyang ina na naka-saya, minsan naka-long gown, minsan nakacostume na parang doktora at may bitbit na manika. Tahimik lamang si 'Ate Guy' sa kaniyang sariling mundo sa loob ng Simbahan. Nagtataas ng kamay at winawagayway ito habang umiikot na inaawit ang Papuri. Nakadipa kapag sinasambit ang Ama Namin. At minsan ay naglalakad ng paluhod. At Si Engel? Sinasamahan ang kanyang ina at laging handang tupdin ang kanyang tungkulin sa pagbabasa ng Salita ng Diyos.
Pangatlo si Mareng Loida, isang pilay na nagtratrabaho bilang Accounting Clerk sa opisina ng Parokya. Napagtanto niyang hindi lamang siya dapat makahon sa pagbibilang ng koleksyon. Naisip niya na bakit hindi niya i-organize ang mga PWD o mga persons with disabilities ng Parokya? Ginawa nga niya ito at makikita mo sa mga Misa, magkakasamang nagsisimba ang mga pilay at pingkaw, ang mga bulag, ang mga pipi't bingi. May mga volunteer na rin, pati na si Mareng Loida, na nag-aral ng sign language para tumulong sa paggabay o pag-interpret tuwing Misa. Nakarating na sila kung saan-sana, nakapasyal na rin sa Ocean Park, buwan-buwan ay may sharing at formation, nagkaroon na ng recollection....lahat sa pamumuno ng aking kumareng Loida.
Pang-apat si Nanay Glecy, 86 years old. Kung iba ay nag-aalaga na lang ng apo o nakaupo sa tumba-tumba at nanggagantsilyo, si Nanay Glecy ay tagabukas pa rin ng Simbahan at tagaasikaso ng mga Misa sa umaga. Kung yung iba ay dinadala sa home for aged o inuuwi sa probinsiya, si Nanay Glecy ay silbing inspirasyon sa ibang matatanda (at maging sa mga bata). Katunayan, hinihikayat niya ang mga ito upang tumulong bilang collector o usherette tuwing Misa. Aktibo rin siya sa mga organisasyon lalo na sa mga may kinalaman sa gawaing pagsamba. Pero hindi lang dun nagtatapos, si Nanay Glecy ay may ginintuang puso rin na laging nagbibigay, laging tumutulong. Naalalala ko tuloy yung Babaeng Balo na pumasok sa Templo, ang kanyang kahuli-huling sentimo ay binigay niya pang handog. Ganun si Nanay Glecy, yung kanyang kahuli-huling hininga ay iaalay pa rin niya.
Marami pang Ryan, Engel, Mareng Loida at Nanay Glecy sa ating paligid; ang kanilang kalagayan, kahinaan, kakulangan, kapansanan ay nagsisilbing kalakasan upang sila'y makapaglingkod at tumulong sa pagtaguyod ng Munting Langit para sa iba.
1 comment:
so inspiring...c nanay glecy di ba sila ung me ari ng flamar? if ever il retire i wanna go back in d parish and start serving again...
Post a Comment