"I have fought a good fight, I
have finished my course. . . . Make haste to come to me quickly. For Demas hath
left me, loving this
world. . . . Only Luke is with me"
Kapistahan ngayon ni San Lukas, isang doktor na naging
tapat na kasama ni San Pablo sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Sa kalaunan,
naging isa sa nagsulat ng Ebanghelyo. Kung ihahantulad sa panahon ngayon,
marami ring naging isyu sa istilo ng pagsusulat ni San Lukas, marami raw inconsistencies,
ma-drama o ma-palabok, ‘painter of words’. May nagsabi pa na ang Magnificat ay
hindi naman talaga binigkas ni Maria kundi ni Elizabeth. Ginamitan daw ni San
Lukas ng ‘creative license’ ang kanyang bersyon, kulang na lang ay kasuhan siya
ng heresy, forgery at ng plagiarism.
Paborito ko ang Ebanghelyo ni San Lukas. Sa kanya lamang
makikita ang mga talinghaga ng Alibughang Anak at ng Mabuting Samaritano; mga
kuwentong napapanahon pa rin hanggang ngayon. Hindi ko naman sinasabi na ang
ibang nasusulat ay obselete o hindi applicable sa ating henerasyon. ang punto
ko lamang ang istilo ng ni San Lukas ay madaling isalarawan o iugnay sa
pang-araw-araw na pamumuhay. Tila ba, hanggang ngayon ay nangyayari pa rin.
Napaisip tuloy ako, paano kung ako ang magsusulat ngayon
ng Ebanghelyo? Paano ko ikukuwento si Kristo para sa susunod na henerasyon?
Gagamitan ko ba ng sarili kong style? Anong lengguwahe
--- Bekimon, jejemon, txt language? Anong
medium --- blogger o wordpress? Facebook o Google +? Video ba sa YouTube o
still photos sa Multiply o tmbler?
Madrama parang MMK? Hard news parang The World Tonight?
Serialized ba parang teleserye? O parang indie film na experimental ang
approach? Malakas ba ang dating na parang TV Patrol o free-flowing parang
Bandila?
Paano ko nga ba ikukuwento o isusulat si Kristo?
Sa aking pagninilay, maisasalaysay ko lamang si Kristo
ayon sa uri ng aking pamumuhay. Kung paano ako nagpapakatao, kung paano ko
nararanasan si Hesus sa aking araw-araw na pakikibaka at paglalakabay.
Maisusulat ko lamang si Kristo kung paano ko siya kinikilala at kung paano ako
naging buhay na saksi para sa Kanya. Malalagay ko lamng sa aking blog, journal,
at sa larawang-diwa ang Kanyang Salita kung isinasabuhay ko ito mismo.
Wala sa galing magsulat, wala sa galing lumikha o
mang-imbento, wala sa lawak na imahinasyon --- masusulat ko lamang ang Ebanghelyo
kung ako’y magpapakatotoo.