Tuesday, October 4, 2011

Mga Hayop Kayo!

Bilang pagpupugay sa kapistahan ni St. Francis of Assisi, ang patron ng mga hayop, nais ko ring magbigay ng pasasalamat sa aking mga kaibigan:


1. Harry - makulit na aspin. Siya ang dahilan kung bakit tinaasan ang ang aming bakod at gate. Kasi mataas siyang tumalon, as in pang Animal Planet sa taas. Noong di pa siya nakakatalon, nagtataka kami kung bakit lagi siyang nakatingin sa gate. Aatras-aabante, lalapit-lalayo sa gate. Saka na lang namin na-realize na sinusukat pala niya, kung paano bubuwelo, kung gaano ang effort para ma-hurdle niya ang 5-ft high fence. Noong first time siyang nakatalon, muntik nang atakihin sa puso ang kapitbahay naming nagdadaan. Akala niya raw may alaga kaming kabayo. Simula noon, lagi na siyang inaabangan ng mga kapitbahay namin at pinapalakpakan pang nakakatalon palabas. Uulitin ko, talon ha, hindi sampa. As in Elma Muros o Mikee Cojuangco na sakay sa kabayo. 


Noong tinaasan ang bakod ay naging malungkutin si Harry. Hindi na siya makapag-exhibition, hindi na siya makalabas. Pero sadyang makulit, sinasabayan niya kami kapag aalis kami o lalabas, as in sisingitan niya kami. Minsan nakakapundi kasi hahabulin namin. Hanggang mapagod na kami sa kakahabol, hahayaan na lamang namin. Tutal, bumabalik ng kusa. Minsan nga lang, madaling araw na nakakabalik.


Noong isang araw, maghapong wala si Harry. Nakalabas kasabay ng pinsan kong papasok sa UST. Madaling araw na kinabukasan ay wala pa rin. Nag-alala na kami. May araw na ng nakabalik. 


May sugat na halatang sinilo o sinakal siya ng makapal na alambre o ng lubid. Pabilog ang sugat niya sa leeg na nagdurugo pa. Parang bata siyang pinagalitan ng tiyahin ko. Parang anak na bumalik sa bahay na may sugat dahil nadapa o nakipag-away sa kalaro. Pero iba ito, muntik nang mapatay si Harry ng mga tunay na hayop na nagpapanggap na tao. Parang gusto naming rumesbak lahat. Parang gusto naming tugisin ang mga hayop na nanakit kay Harry.


2. Jewel. Ang reynang aspin. Kasi nga, siya lang ang babae sa aming mga alaga kaya laging buntis. Last month lang, 8 ang naging anak. Lahat yata ng aso sa kapitbahay namin ay anak ni Jewel. Malambing at mahilig mandila. Kailangang tuwing umaga at tanghali ay hihimasin mo ang kanyang baba at dibdib, at kung di mo gagawin, didilaan ka niya sa mukha. 


3. Donix. Simula ng bata ako, lagi kaming may asong may pangalang Donix. Babae, lalaki, puti, itim, brown. 17 yata ang naging aso namin na pinangalang Donix. Kalimitan ay namamatay sa old age. Yung Donix today ay cross breed, kaya mukhang may identity crisis. Japanese Spitz na hindi. Ito ang asong laging may subo. Siya lang naman ang kumain ng dalawa kong Havaianas. Ang umubos ng aming basahan at mop sa bahay. Ang tagakuha ng mga medyas at ikaw na bahalang maghanap ng kapares. Tuwing sasalubong sa gate ay may bitbit - basahan, tsinelas, laruan, stuff toy, bola, tshirt, twalaya, etc. Basta kailangan mayroon. Parang sinasabi na laro tayo kuya. Napakalambing din, kapag natutulog ka pa ay kakatok na para gisingin ka, makipaglaro at makipaglandian. Mahilig sumampa sa kama at sofa e ang laki-laking aso. Mahilig mandagan e saksakan ng bigat. At kapag nanood ka ng TV, ang hilig-hilig tumabi.


4. Grande - isang genuine dachshund. Akala namin mabait pero sobrang siba at siga. As parang pit bull sa pag-bu-bully sa iba naming aso pag feeding time. Gusto niya siya ang una e ang bilis niyang kumain kapag ubos niya na, aagawin niya yung ibang lalagyan. Kapag gutom na, kakagatin niya yung kanyang kainan at ihahagis hanggang makagawa ng ingay at makuha ang aming atensyon. Minsan nga, binabalibag pa ito sa may pintuan ng bahay para talaga masabi niyang gutom na siya. 


5. Mucho - isang pure breed mini-pinscher. Actually, adopted lang namin siya dahil nag-abroad yung original na may-ari. Major adjustment para sa kanya dahil nasanay siyang naka-kutson ang kanyang tulugan at fabulous ang kanyang surroundings.  Pero sa bahay namin, pantay-pantay ang treatment sa mga aso. Napakaingay kapag tumili este kumahol at saksakan ng arte. Tatabihan ka sa pagtulog at kapag nagising na siya ay gigisingin ka rin. Kapag di ka pa tumayo, di rin siya tatayo at sisisikin ka lang sa higaan. Pag tumayo ka para mag-CR, susunod siya.


Mahal na mahal ko ang limang aso na iyan. At alam kong mahal na mahal din nila ako. Minsan nga nasabi ko sa mga kapatid ko, buti pa mga aso, sumasalubong, parang tuwang-tuwa kapag nakauwi na ako. 


Makulit man, matakaw, madila, makalat, mabaho paminsan-minsan, maingay --- di pa rin namin papamigay ang mga aso. 


At kahapon lang, nadagdagan ang aming dahilan upang mahalin ng husto ang aming mga aso --- sinubukan kaming looban ng magnanakaw. As in nakasampa na sa bakod, as in papasok na sa aming bahay. Pero dahil sa limang asong parang mga tigre, hindi naging matagumpay ang hayop na magnanakaw.


Harry. Jewel. Donix. Grande at Mucho (Btw, ang kanilang mga pangalan ay kinuha sa beer, as in San Miguel Grande at Red Horse Mucho). Mga hayop sila. Pero mas hayop ang ibang tao sa kanila. 



No comments: