Tuesday, October 18, 2011

The Gospel according to us


"I have fought a good fight, I have finished my course. . . . Make haste to come to me quickly. For Demas hath left me, loving this world. . . . Only Luke is with me"

Kapistahan ngayon ni San Lukas, isang doktor na naging tapat na kasama ni San Pablo sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Sa kalaunan, naging isa sa nagsulat ng Ebanghelyo. Kung ihahantulad sa panahon ngayon, marami ring naging isyu sa istilo ng pagsusulat ni San Lukas, marami raw inconsistencies, ma-drama o ma-palabok, ‘painter of words’. May nagsabi pa na ang Magnificat ay hindi naman talaga binigkas ni Maria kundi ni Elizabeth. Ginamitan daw ni San Lukas ng ‘creative license’ ang kanyang bersyon, kulang na lang ay kasuhan siya ng heresy, forgery at ng plagiarism.

Paborito ko ang Ebanghelyo ni San Lukas. Sa kanya lamang makikita ang mga talinghaga ng Alibughang Anak at ng Mabuting Samaritano; mga kuwentong napapanahon pa rin hanggang ngayon. Hindi ko naman sinasabi na ang ibang nasusulat ay obselete o hindi applicable sa ating henerasyon. ang punto ko lamang ang istilo ng ni San Lukas ay madaling isalarawan o iugnay sa pang-araw-araw na pamumuhay. Tila ba, hanggang ngayon ay nangyayari pa rin.

Napaisip tuloy ako, paano kung ako ang magsusulat ngayon ng Ebanghelyo? Paano ko ikukuwento si Kristo para sa susunod na henerasyon?

Gagamitan ko ba ng sarili kong style? Anong lengguwahe --- Bekimon, jejemon, txt language?  Anong medium --- blogger o wordpress? Facebook o Google +? Video ba sa YouTube o still photos sa Multiply o tmbler?

Madrama parang MMK? Hard news parang The World Tonight? Serialized ba parang teleserye? O parang indie film na experimental ang approach? Malakas ba ang dating na parang TV Patrol o free-flowing parang Bandila?

Paano ko nga ba ikukuwento o isusulat si Kristo?

Sa aking pagninilay, maisasalaysay ko lamang si Kristo ayon sa uri ng aking pamumuhay. Kung paano ako nagpapakatao, kung paano ko nararanasan si Hesus sa aking araw-araw na pakikibaka at paglalakabay. Maisusulat ko lamang si Kristo kung paano ko siya kinikilala at kung paano ako naging buhay na saksi para sa Kanya. Malalagay ko lamng sa aking blog, journal, at sa larawang-diwa ang Kanyang Salita kung isinasabuhay ko ito mismo.

Wala sa galing magsulat, wala sa galing lumikha o mang-imbento, wala sa lawak na imahinasyon --- masusulat ko lamang ang Ebanghelyo kung ako’y magpapakatotoo. 

No comments: