Tuesday, November 22, 2011

Maging sunshine para sa iba

I've got sunshine on a cloudy day...' - My Girl.

Maulang araw na naman sa ating lahat. Traffic, may kaunting baha, basa sa paligid, mahirap magpatuyo ng damit, nakakatamad kumilos, nakakaantok --- at marami pang ibang 'sickness' na bitbit ng ulan. Pero sa ibang tao, araw-araw umuulan. Araw-araw may pinagdadaanan. May problema, may balakid sa pangarap, may bitbit na alahanin. Every day is cloudy for some people due to their problems, worries, anxieties, and fears.

Maaaring walang pang-tuition, walang pambayad sa Meralco, walang load. Iniwan ng boyfriend, binasted ng pinakasisinta, pinagpalit sa iba. Maaaring bumagsak sa exam, di pumasa sa interview, di nakasagot ng maayos sa recitation. Maraming ulan na pinagdadaanan. Maaaring ambon o bagyo sa ilan, pero alahanin pa rin para masira ang araw ng sinumang may bitbit nito.

Kaya sana, maging sunshine tayo para sa kanila. Huwag nang magsuplada. Iaabot na yung bayad sa jeep at huwag nang magbingi-bingihan. I-hold na yung elevator para makasakay si Ate na maraming bitbit (literally and figuratively). Umusog na ng kaunti para maging komportable yung iba maski papaano. Paunahin na yung nagmamadali, huwag nang mainis. Huwag nang magpakanega, huwag nang bumisina nang bumisina. Huwag nang sumimangot o magmura. Huwag nang mambara, huwag nang kumontra sa post nag may post, huwag nang magcomment sa wall ng iba kung alam mong ikakasama lang ng loob niya. Huwag nang mangflood ng mga hinaing o reklamo mo sa buhay. Hayaan na rin yung mga flood ng flood, tweet ng tweet --- tandaan, may pinagdaraan nga lang at maaaring sa social network lang may kumakausap sa kanila.

Hindi naman kailangang kumandirit o mag-ballet sabay awit nang 'goood morniiing sa inyooooooo'. Smile lang ayos na. Sige samahan na rin ng Good Day o Seize the Day parang McDonalds lang. Basta mahalaga, maski papaaano, nakapagpagaan tayo ng pakiramdam ng iba. Malay mo, yung binati mo ng Good Morning e manghoholdap pala ng banko dahil desperado na. Pero dahil binati mo siya, nagbago isip at hinarap ang araw ng may pag-asa.

Sa Ebanghelyo ngayon [Luke 21:5-11]. , panay katapusan ang pinahayag ng Panginoon: katapusan ng templo, katapusan ng Jerusalem, katapusan ng sanlibutan. At maraming tao na parang ganun ang pakiramdam araw-araw. May lindol sa paligid, may kulog sa dibdib, may delubyo sa isip, may kalamidad na sa kanila'y bumabagabag, may digmaang nananaig sa kanilang ginagalawan, may taggutom sa hugkag na pagkatao at tagtuyot sa pagod nang mga puso.  May ambon, may bagyo, every day is cloudy.  Pero binibigay ni Hesus ang walang katapusang awa at pag-asa, walang katapusang pag-ibig at pagmamalasakit, walang katapusang kaligtasan. Si Hesus ang tunay na Sunshine ng ating buhay na nagbibigay liwanag araw-araw, si Hesus ang nagbibigay gabay para malagpasan anuman ang ating pinagdadaanan.


Nawa'y tulad ni Hesus, maging sunshine tayo para sa iba. Smile.










No comments: