Thursday, June 28, 2012

Isang blog ng luha 3: Adult bullying

Kung hindi pa ninyo napapanood ang video tungkol kay Karen Klein, ang 68-year old bus monitor who was BULLIED and TORMENTED by kids, click this: http://www.youtube.com/watch?v=E12R9fMMtos

Nakakagalit. Nakakapikon. Nakakainis. Nakakaiyak. Kung ikaw ay natawa o natuwa (sa English, amused) sa mga pinagsasabi ng mga bata tulad ng "You fucking fat ass...look at all this flab right here" "I can't stand looking at your face, put your glasses back..." What's your address...so I can piss all over your door." Tanginathis, may tama ka na sa utak. Kung idadahilan mo e mga bata yan at nagkakatuwaan lang, ang wish ko lang makasakay ka sa letseng school bus na yan at makatuwaan ka rin. At kung sasabihin  nating lahat, e sa States naman nangyari yan, mga bastos talaga mga bata dun, mag-iisip tayo at magpakatotoo.


Kaya rin ako naiiyak dahil bigla kong naalala yung mga teacher ko nung high school. Si Ms. L na tuwing daraaan sa corridor ay biglang maghahalinghingan ang mga estudyante o kaya sisigaw ng 'tigidig, tigidig, nandyan na ang kabayo'. Si Ms A, na ang bansag sa kanya ay bukbok, tuwing tatalikod sa klase at haharap sa blackboard, magtatawanan ng 'bukbok-bukbok-bukbok-bok-bok'. O si Mr B, nagkalat sa pader at sa CR ang drawing ng kanyang ari, dahil tawag sa kanya "Manyak". Si Sir P, tawag bisugo.


Alam ko iniyakan din nila ang panunukso at pangungutya naming mga estudyante. Alam ko nasaktan din sila.


Naaalala ko si Ms. P na pinaglalaruan ng mga babaeng estudyante dahil sa kanyang makapal na salamin. At isa pang Ms A na binobosohan ng mga lalaki at yung iba pa habang naglalakad ay aakbayan o babanggain ang boobs. Naalala ko yung kabigan kong teacher, si Sir R, tawag sa kanya Bitoy. Naalala ko yung kapatid kong guro.


Alam natin mali lahat yun, pero sa tingin ng iba, katuwaan lang. Part of growing up.


Alam ko kayo rin dumaan sa ganito, yung nangutya ng teacher, yung pinagtawanan o binansagan nang kung ano-ano. Alam ko naranasan ninyo rin ito, ang mambastos paharap man o patalikod ng ating guro --- maging ng mga security guard, maging ng mga maintenance o accounting personnel, maging ng mga madre o pari.


Alam ko minsan naging bata tayo at gumawa ng mga kalokohan, kasama na ang pagtawanan at paglaruan ang ating mga teacher at iba pang nakakatanda sa atin. Tandaan lang natin, tatanda rin tayong tulad ni Miss Karen Klein.


Malinaw na malinaw, ang tawag diyan ay adult bullying. Ginagawa ng mga bata sa mga nakakatanda, ginanagawa ng mga estyudante sa kanilang mga guro. Ginagawa hindi lamang sa States, pero maging dito sa ating sa Pinas.


Sa aking pagninilay, HUMIHINGI AKO NG TAWAD KINA Miss Karen Klein, Ms. L, Ms. A at iba pa mga guro o school personnel na dumanas ng ganitong pangungutya at pambabastos. Humihingi rin ako ng tawad sa panahong wala akong ginawa o nagawa at minsan nga ay nakitawa pa. Humihingi ako ng tawad sa mga gurong nasaktan at nayurakan ang pagkatao.


Ipagpatawad niyo po, ma'am, sir. 









1 comment:

Grace D. Chong said...

What a heartwarming piece! Thank you, Tonichi.