Monday, January 17, 2011

Bata

Lahat tayo ay minsang naging bata. Maging ang Diyos, sa kanyang pagkatawang tao, ay dumaan sa pagiging bata. Kaya nga kahapon ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Santo Nino. Sari-saring imahe, iba't ibang interpretasyon ng Batang Hesus. May dumadayo at nakikiindayog sa Sinulog; may namamanata at sumasama sa prusisyon sa Tondo o Pandacan. Nakikisaya, nagbibigay pugay kay Hesus na minsang naging bata.

Sa Ebanghelyo ay binigyang diin ni Hesus na upang tayo ay maligtas ay dapat tayong manatiling bata o tumulad sa katangian ng mga bata. Subali't pinaalala rin na sinumang hindi nangangalaga o yumuyurak sa mga karapatan ng mga bata ay tiyak na mananagot sa kabilang buhay.


Ano bang mga katangian ng mga bata? Sabi, di raw marunong magsinungaling. Pero ang katotohanan, marami na ring bata ang magaling gumawa ng kuwento o magsabi ng hindi totoo. Sabi, inosente at payak ang kaisipan. Pero ang katotohanan, maraming bata ang batak na sa trabaho, mga child worker, mga namamalimos, mga naglalako ng paninda, mga humaharap na sa araw-araw na karera ng buhay, mga batang kailangang mag-isip ng paraan kung paano makikipagbuno sa mundong ibabaw. Sabi, busilak ang kalooban at likas ang kabutihan. Pero ang katotohanan, hayag na rin ang mga bata sa mga makamundong pagnanasa, sa mga pang-aabuso, sa materyalismo, sa mga panunuhol at pandaraya, sa mga kasalanang dati-rati ay gawain lang nga nakakatanda.

Pero yun ang katotohanan, tayong mga nakakatanda ang sumira sa mga likas na katangaian ng mga bata. Tayo ay nagturo sa kanilang magsinungaling dahil di naman natin talaga pinapakinggan. Tayo ang nagtulak sa kanilang tumayo sa lkanilang mga sariling paa at sa mundo'y makipagsapalaran dahil di naman natin ginalang mga pangangailangan at karapatan. Tayo ang naghatid sa kanila sa mundo ng kasalanan dahil tayo ang nagbukas ng pintuan at nagbiugay ng di magandang halimbawa.

May panahon pa kung tatanggapin lang natin ang ating pananagutan sa mga bata. Hindi lamang tuwing Pasko o tuwing nanghihingi ako sa ating Children's Christmas Party. Araw-araw ay pananagutan nating pangalagaan ang karapatan, kakayahan, katangian ng mga bata.

May pag-asa pa kung yayakapin lang natin ang katotohanang: minsan tayo rin ay naging bata, minsan si Hesus mismo ay naging bata; kaya hindi natin hahayaang mapariwara at mawala ang saysay ng bawa't bata.

No comments: