Wednesday, January 19, 2011

Pari

Marami akong kaibigan at kakilalang pari. Pinagmamalaki ko ito pero hindi ibig sabihin na ito ay pasaporte ko sa anumang pabor o bentahe. Bagama't magkakaibigan kami, alam ko pa rin ang limitasyon, nirerespeto ko ang kanilang abito at pangako sa Simbahan, ginagalang ang kanilang bokasyon. Ito ang dahilan kaya hindi ako pumapasok sa silid ng sinumang paring kaibigan ko. Gaano man kami kadikit, gaano man ang tiwala na binibigay sa akin, alam ko pa rin na bawa't indibidwal ay may pribadong buhay. Bawa't isa ay may kani-kaniyang space, maging pari man siya o lalo nga't pari siya.



Dahil marami akong kabigang pari, akala ng iba ay marami akong kuwento tungkol sa mga pari. Inaasahan ng karamihan na ako ang silbing tagapaghawak ng mga sikreto ng mga pari. Ang katotohanan, mas marami silang sikretong hawak tungkol sa akin dahil sa kanila ako nangungumpisal. Kaya kung akala ng lahat na may tsismis akong alam tungkol sa sinumang pari, nagkakamali kayo.



Pero yun ang totoo, maging ang mga pari ay hindi ligtas sa mga tsismoso't tsimosa, sa mga malisyoso't malisyosa, sa mga makabagong Pariseo. Yung paring kaibigan ko, natsismis na bakla. Dahil close kami, bakla rin daw si Padre. Kaya ayun, inaabangan ang pilantik ng daliri, paghawi ng buhok, pagtinis ng boses. Lahat lalagyan ng kulay at ibig sabihin, patungkol sa kanilang hinuha na bakla nga si Padre.



Noong nagkaanak ang sekretarya ni Padre, natsismis naman na siya ang ama. Kasabwa't pa raw ako. Ako raw ang tulay, ako raw natataranta sa pagtatago sa kanilang dalawa. Hay. Ano ba talaga Kuya? Bakla ba o nakabuntis? Ang masakit, ang nagtsitsismis nito ay mga taong malapit mismo kay Padre, mga taong pinakikinabangan si Padre.



Maging si Hesus ay biktima rin ng tsismis at ng mga taong walang magawa kundi magbantay ng bawa't kilos at salita ng kapwa. Sa Ebanghelyo ngayon (Marcos 3:1-6), ang mga Pariseo ay nagmatyag kay Hesus kung pagagalingin nga nito ang paralitiko sa Araw ng Pahinga. Noong nagpagaling nga si Hesus, nagtipon-tipon naman sila sa mga iba pang may galit kay Hesus at dun ay nag-usap ng mga pintas at kuwento laban sa Panginoon.



Kitam, maging si Hesus biktima ng tsismis! Maging mga pari! Walang sinisino ang mga manghuhusga at mapaggawa ng kuwento. Ang mas lalong masakit, ang mga tsismoso't tsismosang ito ay mga taong nagmamagaling, nagpapanggap na mabait o nagmamalasakit, at kunwaring naglilingkod sa Simbahan.



Pero ito lang masasabi ko, ang pari ay pari ng walang hanggan. Walang sinuman o anumang tsismis ang makakasira nito hanggang sila ay naglilingkod dahil at para kay Hesus.

2 comments:

Unknown said...

Saan aking palagay, yan ang krus na pinapasan ng mga pari. Ako ma'y marami ring kaibigang pari. Biktima rin ng mga tsimis na sumisira ng magandang samahan ng komunidad. Naturingang mga nagsisilbi para sa Panginoon ngunit mas malakas ang tukso nila na dapat mas matibay sila dahil mas malapit sa Panginoon. Ngunit ang katotohanan - tayo'y mga tao rin lumalapit sa Panginoon, umaasang magiging matibay tayo o "immune" sa pagkakasala. Sa akin, dapat nating ipaalala sa mga taong malapit sa Panginoon at nagisisilbi sa simbahan na di kaayon-ayon ang aktong pagtsismis at pagiging malisyoso sa pagiging kawangi nila sa simbahan (unbecoming). Dapat silang mahiya dahil naturingan silang nagsisilbi sa Panginoon ngunit ang kanilang salita, pag-iisip at kilos ay di nagpapakita na sila ay tunay. Ipokrito!

tonichi said...

thanks peach!