Ako ang taong hindi mahilig sa borloloy sa katawan. Wala akong alahas at hindi talaga ako magsusuot; galing Saudi o may hepa ang tingin ko sa mga taong maraming suot na alahas. Maski relo ay di ko nakagawiang magsuot. Pero ngayon habang tinitipa ko ito ay eto at 'nakakabigat' sa aking kaliwang braso ang relong regalo ng aking kaibigan noong Pasko.
Halos lahat ng naging relo ko ay galing sa mga taong mahal at minahal ko.
Noong grumadweyt ako ng grade school ay relo ang regalo sa akin ng Mama ko. Natatandaan ko pa ang galak sa mukha ng aking ina noong inabot niya sa akin ang munting kahon. Mas excited pa siya sa akin noong sinisira ko na ang balot at kitang-kita kong namilog ang kanyang mga mata noong tumumbad ang maganda at mukhang mamahaling relo. Suot mo na, suot mo na...kitam bagay sayo...naku anak, tamang-tama sayo... Sabay pupog ng halik sa akin. Tuwang-tuwa siya sa aking bagong relo na siya ang nagbigay. Sa aking isip, alam kong mahalaga sa Mama ko ang regalong iyon kaya sinuot ko ito saan man ako magpunta. Kaya nga noong first year high school ako ay napagkamalan akong anak-mayaman dahil sa relong bigay ng aking Mama. Dahil dito, tinago ko ang relo sa aking bag at sinusuot lamang kapag malapit na ako sa bahay namin. Para lang makita ng Mama ko na suot ko ang relong regalo niya.
Noong nagpunta sa Saudi ang Papa ko ang unang padala niya sa akin ay relo. Medyo mas malaki ito kaysa sa bigay ng Mama ko, dahil binata ka na, sabi niya sa kalakip na sulat. Tinago ko pa rin ang bigay ng Mama ko at sinuot ang galing sa Papa ko. Tukso ng mga kaibigan ko, hindi raw ako pantay maglakad dahil sobrang bigat ng aking bagong relo. Kaya ang ginawa ko, tinago ko na lang ang relong regalo ng Papa ko sa kahon kasama ng relong regalo ng Mama ko.
Malapit na akong magtapos ng high school ay umuwi ang Papa ko para siya raw magsabit ng aking medalya. Natural hinanap niya ang relong pinadala niya dati. Sabi ko, tinago ko. Kinakahiya mo ba ang regalo ko sa'yo? Gaya ng alam ng nakakarami kong kaibigan, hindi ako close sa tatay ko at alam kong pamamaraan niya yung pagbibigay ng relo upang magkaroon kami ng 'connection' kahit wala siya dito sa Pilipinas. Hindi ako nakasagot sa tanong na iyon pero alam kong nasaktan ko siya. Kinagabihan habang kumakain ay may inabot siya sa akin, maliit na kahon na alam ko na kung anong laman: relo. Suot mo iyan sa graduation mo ha.
Alam kong pag sinuot ko ang relo na iyon ay, kahit papaano, mapapasaya ko ang aking mga magulang. At alam ko rin na testamento lamang ang relo sa pagiging proud sa akin ng Papa ko, maski mas maraming taong hindi kami nagkita, mas maraming taong hindi kami nagkausap, mas maraming taong magkalayo ang aming kalooban sa isa't isa. Alam kong mahalaga sa kanya ang relong regalo niya sa akin kaya napagpasyahan kong isusuot ko ito sa araw ng aking graduation.
Pero hindi ko ito nasuot.
(to be continued)
No comments:
Post a Comment