Habang may ginagawa akong research, parang nanadya ang relong bigay ng aking kaibigan. Bagama't nakalong sleeves ako, ang relong bigay ng aking kaibigan ay tila nakasilip at naghihintay o maaaring nagbabantay sa aking sususunod na hakbang ngayong araw. Tila ba nagpapaalala na ipagpatuloy ko na ang kuwento ko tungkol sa relong graduation gift ng Papa kop.
Hindi ko nasuot ang relong graduation gift ng Papa ko sa araw ng aking pagtatapos ng high school. Lame excuse pero totoo, nakalimutan ko. Ang aga-aga kasi ng 'call time', tanghaling tapat samantalang alas tres pa naman yung simula ng programa. Kailangan daw ay nandun na kami at nakasuot na ng Barong Tagalog. Ang mga parents at iba pang guests ay dapat nakapasok na sa venue ng 2PM. Dahil dito, nagmamadaling nauna na ako sa aking mga magulang. Pawis na pawis akong dumating sa venue at unang inintindi ay yung ayos ng aking buhok. Noong medyo nahimasmasan ay nakipagkuwentuhan na at harutan sa mga kaibigan. Kulitan. May iyakan at kung ano-ano pang kaeklayan. Wala sa isip ko yung relong graduation gift ng Papa ko.
Noong pinapila na kami para sa simula ng martsa, natanaw ko na ang aking magulang sa assigned seat nila. Kumakaway ang aking Papa. Akala ko naman ay excited lang siya. Ngumiti lang ako dahil bawal pa kaming lapitan at hindi kami puwedeng umalis sa pila. Habang nagmamartsa ako ay natanaw ko pa rin ang Papa ko na parang may sinesenyas. Hindi ko naintindihan.
Natapos ang graduation, yakapan at piktyuran, at nakarating na sa bahay kung saan may salo-salo ang pamilya. Dun ko lang napansin na parang tahimik ang Papa ko bagama't kasama namin siyang kumakain. Inisip ko lang na pagod siya o naiinitan o naiinip. Hindi ko inisip na siya ay naiinis.
May party sa aming bahay noong kinagabihan. Nagpunta ang mga kaklase ko at iba pang kaibigan sa ibang batch. Nag-disco kami sa bahay. Masaya kami at maingay. Sayawan kahit marshmallow at hotdog lang ang pagkain. May punch na nilagyan namin ng gin, ayun, lalo kaming naging maingay at magulo. Ala-una ng madaling araw ay nahinto ang kasiyahan. Binuksan kasi ng Papa ko ang ilaw at pinatay ang tugtog. Tapos na raw ang party. Pinauwi ang aking mga bisita.
Napahiya ako noon at parang gusto kong awayin ang Papa ko. Pero dahil, pagod at lasing na rin ako, natulog na lang akong luha sa aking mga mata.
Tanghali na akong nagising, tinamad bumangon at nakatitig lamang sa kisame. Inisip ko yung magaling kong ama. Thank you for spoiling my night. You did it again, Papa, you made another reason for me to hate you. Yes, I hate you! Para akong si Sharon Cuneta sa Dear Heart na walang tigil sa pag-eemote. I hate you!
Mayamaya ay bumangon na rin ako at inayos ko ang kama. Sa pagpagpag ko ng unan at kumot, may maliit na kahon na bumagsak. Ang relong hindi ko nasuot sa araw ng graduation. Ang relong bigay ng lalaking kinamumuhian ko nuong oras na iyon. Ang relong pinaghirapan ng Papa ko sa Saudi. Ang relong dahilan ng kanyang pananahimik at pagpapahinto ng aming party. Ang relong magpapatibay sana ng aming connection bilang mag-ama.
Pero dahil na rin sa relong hindi ko sinuot nuong graduaton ko, nadagdagan ang lamat ng aming relasyon bilang mag-ama.
No comments:
Post a Comment