Tuesday, September 6, 2011

Cold Boy

Pagkatapos ng mahabang panahon ay nagkita kami at nagkainuman uli ni Cold Boy kagabi. Salamat sa hiwaga ng Facebook, nagkayayaan, napadaan, napasama sa umpukan, nagkakulitan. Parang mga gabi lang sa Orange dati.


Si Cold Boy ay isa sa mga iilang lalaking minahal ko nang tunay. Karamihan ng minahal ko ay ako ay nasaktan o iniwan.Yung ilan ay unrequited. Dalawa lang sila na ako ang tumalikod, ako ang umayaw, ako ang natakot sa wtf-commitment-thing. Isa si Cold Boy sa dalawang yun.


Sabi nga ni V kagabi, si Cold Boy lang ang nagpahaba ng buhok ko talaga. Si Cold Boy ang walang keber na nakikipag-holding hands sa akin sa Orange. Habang umiinom, habang nagkukulitan, kahit hindi ako ang kausap niya, hawak pa rin niya kamay ko. Kahit saan kami mapadpad, ok lang sa kanya na mag-HHWW kami [kadalasan, ako pa nga ang naiilang]. Tulad kagabi, halos buong gabing hinahawakan niya ang aking kamay at tanong siya ng tanong 'bakit ang payat-payat mo na...' 


Kay Cold Boy ko lang naranasan na ang supposedly 10-minute walk ay nagiging 45 minutes to one hour. Para kaming naglalakad sa buwan palagi. Siguro dahil sa dami naming napapagkuwentuhan, o siguro mabagal akong maglakad dahil sobrang bigat sa haba ng aking pamosong long hair. 


Kay Cold Boy lang ako nakadama ng lalaking komportable na katabi ako. Di namin kami naging official na 'kami', pero parang higit pa dun ang pinadama niya sa akin. He didn't make me feel like a natural woman, but he accepted and appreciated me for what I am.


Pero katulad ng iba,  natapos din ang lahat. Tanga ako eh. Naniwala ako sa reality. Naniwala ako   na it's all fantasy. Natakot na naman ako, Natakot masaktan, natakot maiwan, natakot umasa sa wala.  Inunahan ko na agad.


Noong huling gabing magkasama kami, ito ang tanong niya ' Bakit ang cold-cold mo na sa akin?' Kaya Cold Boy ang tawag ko sa kanya. Hindi ko nasagot ang tanong niya. Pero yun na yung nagpahiwalay sa amin. Pagkatapos nun, kagabi lang kami nagkausap talaga. Kagabi lang uli kami nagkatabi at nagholding hands. 


Kagabi sa aking pagtulog, iniyakan ko si Cold Boy. Iniyakan ko ang katangahan ko. Iniyakan ko ang paghihinayang. Iniyakan ko ang malamig ng gabi. Dahil sa takot kong magmahal, sa takot kong magpakita ng pagmamahal, ito ako ngayon: Ang cold-cold. 

No comments: