Friday, June 25, 2010

mga lalaking minahal ko bilang kaibigan

sa mundong puno ng diskriminasyon, bibihira ang mga lalaking magsasabing may kaibigan silang bading. may takot na mapagkamalang bading din o pumapatol sa bakla. may asiwa o ilang na makasama ang bading sa lakad.

pero masasabi ko na mapalad ako dahil nakakilala ako ng mga tunay na lalaking nagpahalaga sa akin bilang kaibigan at bilang tao. hindi ako tinuring na special o abnormal, tinuring ako na bilang ako.

kilalanin niyo sila at alamin kung paano ako naging mapalad.

Fr. Erik. Ang aming parish priest who's willing to take risks. Pareho kaming galing sa UST at naging girlfriend pa niya ang aking kaklase (pasencia na padre) habang seminarista pa siya. Sa madaling salita, mahaba-haba na rin ang panahon na magkakilala kami. Pero umusbong ang aming pagkakaibigan nung na-assign siya sa aming parokya. At sa Parokya ni (Fr) Erik, walang diskriminasyon. Tanggap ang mga Juana, Salome at mga Magdalena. Tanggap din ang mga Antonio na Antonia sa gabi. Marami-rami na rin kaming pinagsamahan ni Padre, marami nang giyerang sabay na hinarap at ginupo. Gabundok na rin ang mga intrigang sinalag. Tagapagtanggol ko si Fr. Erik maski sa nanay niyang minsan ay pinagdudahan ako. Sa ikakatahimik ng mga makakabasa nito: Una, wala akong gusto kay Fr. Erik. Hindi ko siya type. at pangalawa, hindi siya bakla. Hindi dahil kasalanan ang tingin ng iba sa pagka-bakla, kundi dahil hindi lang talaga siya bakla.

BJ Manalo. Tiwala, yun ang operative word. Mula sa pagiging fan, naging bukas ang Atenistang naging Lasalista na gawin akong kaibigan. Dahil lagi akong tambay sa dug-out ng La Salle, lubos kong nakilala si BJ dahil sa kanyang pagbabasa ng bibliya bago magsimula ang laro. Naging bahagi ako ng kanyang Bible Study Group at naging bahagi din ng ilang mahahalagang desisyon at okasyon sa buhay niya. Mananatiling espesyal sa puso ko si BJ at si Diane (asaw niya). Ewan ko kung naniniwala si BJ sa anghel, pero sa totoo lang, isa siyang anghel na pinadala ni Hesus sa aking buhay.

Jun Cabatu. The giant with a gentle heart. sa aking misyong magbigay ng tuwa sa iba, lalo na sa mga bata, katuwang ko si Jun. Tuwing Pasko, nagpapadala ng mga goodie bags para sa mga batang kapuspalad sa Sampaloc. Ubod ng lambing at bait, at sobrang cool. Malaki ang respeto ko kay Jun maging sa kanyang buong pamilya.

Mike G at JR Aquino. Hindi ko makakalimutan ang gabing halos ikutin namin ang buong Ateneo para lang isigaw nila ang galit nila sa kanilang pagkatalo nung gabing iyon. Kasama nila ako sa tagumpay, pero mas magkakasama kami sa mga kabiguan. Alam mo yung gustong-gusto mong maglaro. Alam mo yung gustong-gusto mong ipakita ang kakayahan mo. Pero ako, alam ko magaling sina Mike at JR, kaya nga proud ako na kaibigan ko sila at proud akong sinusuot ang jersey nila.

JV. Maliit pero matinik. Magaling pero saksakan sa pagiging magalang. walang yabang, walang hangin sa katawan. Rookie pa lang si JV, tinitilan na siya. Pero lahat ng papuri ay hindi pumasok sa isip niya. Puso ang dahilan kubg bakit namayagpag si JV at puso rin ang dahilan kuna bakit mahalaga siya sa akin bilang kaibigan.

Milan. Natsimis kami dati pero wala naman talagang nangyari sa amin. Kung tutuusin, may mga pagkakataong natukso ako pero hanggang doon lang yun. Respeto na lang kasi eh. Kahit minsan ay barubal at matigas ang ulo ni Milan, he will always occupy a special spot in my heart.

Gap. Best Friend ang tawag niya sa akin. Sweet di ba. At talagang malambing si Agapito. Mahilig mangyakap, manghalik at kung ano-ano pa. Hindi rin nahihiyang sabihin sa asawa niya at sa kanino pa niya 'mahal ko tong taong ito' Yun si Gap, tao ang turing niya sa akin. Sira-ulo lang talaga si Gap kapag lasing pero it comes with the package. Kung ako nga tinanggap niya, ako pa kaya ang magrereklamo?

Dre. Mahal na mahal ko si Dre. Hindi rin siyang nahihiyang yakapin ako at halikan sa pisngi. Bahagi na siya ng aking sistema at kahit di kami araw-araw nagkikita, alam namin na laging kaming nasa isip ng isa't isa.

Ian. Baby ko tong isang to. Hindi ko makakalimutan ang pamosong ' part of gowing up'... at talagang bahagi na ako ng kanyang pag-grow up at pagmature. Makulay din ang buhay ni Ian pero sa kabila ng mga heartaches at hardships ay nanatiling matatag at mapagmahal si Ian. Pero alam niyo naman na iniwan na ako ni Ian. Hanggang ngayon, iniiyakan ko pa rin siya. Kapag nagigising ako ng madaling araw, pumupunta ako sa lugar kung saan siya naaksidente. Tumatayo lamang ako dun at umiiyak. Alam ko kapag ganun, kayakap ko si Ian at bumubulong ng Mama Nich....

Macmac. Hindi puwedeng hindi ko isama ang isang to bagama't hindi na ak0 sure kung kilala pa niya ako eh. Hehehe. Siguro naman. Sana naman.

Wednesday, June 23, 2010

mga lalaking minahal ko

Mabibilang lamang sa aking mga daliri sa kamay ang mga lalaking aking tinangi. Sa dinamidami ng nagdaan sa akin, iilan lamang ang tumimo sa aking puso. Ilan sa kanila ay nagpaiyak sa akin ng bonggang-bongga. Mga luha na maaring dulot ng pasakit o ng katotohanang may katapusan ang lahat ng tuwa. Karamihan sa kanila ay aking pinasasalamatan dahil sa kabila ng kung anumang nangyari sa amin ay higit kong nakilala ang aking sarili. Sa kanila ko napatunayan ang kapasidad kong magmahal at katangian kong mahalin. Hindi lahat ay requited o sinuklian o tinapatan. Ilan sa kanila ay hinayaan lang na mahalin ko sila. Ilan nga sa kanila ni hindi alam na minahal ko sila. Pero ang mahalaga, in one way or another, ang pagmamahal ko sa kanila ay sumalamin sa pagmamahal at pagpapahalaga ko sa aking sarili.

Kilalanin niyo sila. (dahil may nag-react, may kailangan lamang po akong idagdag.)

Anthony. Kababata ko to. Kaaway nung umpisa dahil saksakan ng kulit at pagiging mapapel. Wala akong matandaang pagkakataon na naging magkaibigan kami nung bata pa kami dahil nga asar kami sa isa't isa. Ang natatandaan ko lang nagsumbong siya sa nanay niya dahil hinampas ko siya ng raketa ng badminton. Paano kasi, tukso siya sa akin ng tukso. Ayun sa kakatukso, nagkagusto ako sa kanya. Ngayon, ninong na ako ng anak niya.

Vince. Parang teleserye ang buhay ng isang to. At sa lahat ng bagyong nilampasan niya, nandun lang ako na parang suhay na magtatayo muli sa kanya. Nawala siya, namatay at muling nabuhay. Umalis, nagbalik, nawala tapos biglang magpapakita o magpaparamdam. Malikot, malaro, mapagbiro. Sugatang puso pero matapang sa laban ng buhay. Matindi magmahal ng babae, kahit sabay-sabay. Maraming galit at kagalit. Punong-puno ng angst. Lahat susubukan, lahat gagawin sumaya at magpasaya lang. Mahusay ding kaibigan, handang ibenta ang cellphone para lang makapag-enrol ang katropa. Hay, nakakapagod mang mahalin, alam kong sa mundong ito, yun lang ang kailangan at hinahanap niya.

Mike C. Akala ko ilusyon, akala ko panaginip. Pero nandun ako sa kanilang quarters. Akala ko kabaliwan, akala ko laro lang. Pero nandun ako handang magbitbit ng sapatos at maghintay sa labas ng dugout. Nagising na lang ako minsan nung ipinakilala niya ako sa mapapangasawa niya.

Chris D. Ito ang rollercoaster ride sa lahat. Kapag masaya, talagang nasa taas ako ng walang hanggan. Yung di mapapantayan ang kasiyahan o maabot ninuman. Kapag nasa baba, para naman akong batang inagawan ng kendi. Buong buhay niya ay binulatlat niya sa akin. Buong pagkatao niya ay sa akin pina-angkin. Pero yun ang mali, akala ko akin nga lang siya. Pero hindi pala. May hanap siyang iba na hindi ko kayang ibigay: ang pagmamahal ng tunay na babae.

Fer. Marumi. Madilim. Makipot. Yan ang mundong pinagtagpuan naming dalawa. Tago siya, alam ng lahat na bakla ako. Takot siya na malaman ng iba ang tunay na pagkatao niya kaya nagtatago siya sa dilim kapag may pagkakataon. Sa dilim ay nagagawa niya ang kanyang gusto, natitikman ang hilig ng katawan. At sa gitna ng dilim ng iyon, natagpuan namin ang liwanag ng pag-ibig. Sabi niya sa akin, di ko raw siya puwedeng mahalin dahil hindi siya totoo. Pero sa mundo ng pag-ibig, ano nga ba ang totoo?

Melvin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kanyang linyang 'bakit ang cold-cold mo na sa akin?' Tuwing makikita ko siya ngayon, lahat ng paghihinayang ay aking nararamdaman. Guwapo, may magandang posisyon sa isang food conglemorate, saksakan ng bait. Isa lang ang dahilan kung bakit ako naging cold sa kanya: boring siyang kausap. Eto ako ngayon, hindi niya na kinakausap.


Russel. Sa lahat-lahat, ito yung pinakatangang episode ng buhay ko. Macho Dancer/Masahista siya. Pero hindi ko siya nakilala sa mga lugar na kanyang pinagtratrabahuhan. Nakilala ko siya sa gym. May theme song kami. Apologize ni Justin Timberlake. Kasi sabi niya sa akin, ito raw ang pang big night niya. Dito raw siya pinapalakpakan ng mga tao ng husto. Kapag daw gumigiling siya saliw sa kantang ito, para siyang nasa taas ng mundo. Para raw ang galing-galing niya. Magaling naman talaga. Napanood ko ang sayaw na iyon, pero hindi sa entablado kundi sa isang silid. At maski ako hindi ko napigilang humanga at pumalakpak. At ang paghangang iyon ay nauwi sa pagpapakatanga. Hindi ko alam kung bakit naging sunod-sunuran ako sa taong ito. Hindi ko alam kung anong bertud meron siya at tila nawalan ako ng dahilang magsabi ng hindi. Ang hirap tanggihan ni Russel, lalo na kapag gumigiling na siya sa saliw ng Apologize.

Wesley. Mailap. Galit daw sa bakla, nanghampas ng dos por dos sa baklang nangahas na hipuan siya. Pero ewan ko ba at tila na-challenge ako sa kanya. Special sa akin ang taong ito. Alam niya na mahal ko siya pero alam ko rin na hanggang doon lang iyon. Kaibigan lang ang turing niya sa akin. At talagang mabuting kaibigan yan. Aaminin ko, selos na selos ako kapag may iba. Hanggang ngayon, mailap si Wes subali't manananatili siya sa puso ko.




Wednesday, June 16, 2010

Pusong Mamon sa Daang Bakal


Minsan ang pag-ibig parang nananadya. Darating sa panahong pagod ka nang magmahal at masaktan. Darating sa lugar na hindi mo inaasahan. Kapag di ka naghahanap dun darating, parang taxi. Pero yung sa akin hindi dumating nang naka-taxi kundi dumating sa riles ng tren.

Tawagin nating siyang Ejhay. Jejemon na jejemon ang pangalan, may H ang J. Nakilalala ko siya sa Pasay Road Station ng PNR. Dahil mahilig talaga akong magboywatching maski saan, napansin ko siya dahil matipuno ang kanyang katawan. Maganda ang kutis at mukhang mabait kahit na bruskong-brusko ang dating. Hula ko karpintero siya o construction worker sa Avida o sa Beacon o sa alinmang proyektong nakatiwangwang sa paligid ng Pasong Tamo at Pasay Road.

Lagi ko siyang nakakasabay kapag Martes, Miyerkules at Biyernes, sa byaheng 4:31PM ng PNR patungong Maynila. Sa Sta. Mesa siya bumababa, ako naman sa EspaƱa. Di ko maiwasan pero lagi akong napapatingin. Mula sa hapit na hapit niyang t-shirt na nagpapamalas ng kanyang magandang ‘chest’ at ‘pectorals’ hanggang sa kanyang mayamang likuran. Ewan ko pero para sa akin, puwet ang biggest attraction ng isang lalaki. Parang pag solid ang rear, asahan mong he’s loaded and shoots well (pasencia na, minsan feeling Margie Holmes ako, di ko ma-translate sa Tagalog yung ganitong grapikong deskripsyon).

Pero di rin matatawaran ang kanyang maamong mukha. Bagama’t bakas sa kanya ang hirap ng trabaho, kita mo ring maalaga siya sa sarili o sadyang nabiyayaan ng makinis at mamumulang kutis. Kapansin-pansin din ang kanyang magandang ngiti na lalong nakapagdagdag sa kanyang charm. Pero aaminin ko, sa katawan niya ako unang humanga. Siguro nga dahil nagbubuhat (term sa mga nagpapakahirap mag-gym) din ako, kaya yun ang una kong napansin sa kanya.

Sa katagalan, napansin na yata niya na lagi ko siyang tinitingnan. Nalaman na yata niya ako na sinusukat ko ang buo niyang katawan, mula ulo hanggang paa. Tinitingnan na rin niya ako. Hinuhuli sa aktong panunukat. Ako naman e hindi masyadong maarte, nagpahuli naman. Pinaalam ko sa pamamagitan ng tingin na hinahangaan ko ang kanyang katawan.

Hanggang umabot sa araw na nginitian niya ako. Tingin ko, tinimbang muna niya ako o tiniyak kung bading nga ba ako o kung talagang tinitingnan ko siya. At dahil di nga ako maarte, ngumiti na rin ako ng pagtamis-tamis na tila singkapan ng arnibal at panutsa. Singtamis ng ngiti ni Erich Gonzales noong matikman niya ang unang halik sa Katorse. Shit. This is so high school. Ayokoooooo.

Nagsuplada ako nang sumunod na araw. Umiwas. Lumayo sa kanyang kinauupuan pag naghihintay ng pagdating ng tren. Lumipat sa ibang pintuang papasukan para makasakay ng tren. Sa ibang coach na ako sumakay. Yung hindi ko maamoy ang lalaking-lalaki niyang samyo, hindi makikita, hindi mararamdaman ang kanyang titig o nakakatunaw na ngiti.

Isang Miyerkules, di ko siya nakita at dun ko naramdaman na may something na nga ang letseng paghangang ito. Biyernes, nandun na siya, para na akong trumpo na ikot nang ikot sa taranta. Hindi na ako nagpakimi, umupo ako sa tabi niya. Tyempong-tyempo, wala siyang kasamahang kasabay nang hapon na iyon. Solo ko siya. Nanginginig tuhod ko pero tinitibayan ko dibdib ko. Shit uli. High school na high school si Neneng…

Nagsalita siya.

Di ko naintindihan dahil siguro nakakabingi ang ganitong pakiramdam. May puntong Bisaya siya nguni’t may halong lambing, hula ko Ilonggo ang machong ito.

Ano yun? Tanong ko. Kung tagasaan daw ako…simpleng opening line na nakapagbukas ng mas maraming tanong sa isa’t isa. Mula sa trabaho hanggang sa mga personal na detalye. Hanggang natanong ko siya, sinong kasama mo sa bahay mo?

Pamilya ko….

Nagkapalitan din kami ng cellphone number ng araw na iyon. Pero para di masyadong halata na atat ako sa kanya, di ako nagtext agad sa kanya. Siya ang unang nagtext:

Kamusta ka? (at least hindi jejemon magtext). At sa ilang beses naming pagtetext, ni minsan ay di siya humingi ng pangload. Alam nyo yun, yung ibang lalaki ganun. Yung tetetxt kunwari na huy last text ko na to ha, ubos na kasi yung load ko, etc. Hindi ganun si Ehjay.

Madalas na kaming magtabi sa upuan habang naghihintay ng tren. Kapag nakikita na niya akong dumarating ay lumalayo siya sa mga kasamahan niya at lalapitan ako.

Kamusta ka? Sa mga araw na nagkakasabay at nagkikita kami sa riles, ito lagi ang bungad niya. May ngiti kasabay na malambing niyang Ilonggong punto.

Marami na kaming napag-usapang kung ano-ano. Pinag-usapan naming yung pagbubuhat. Nagbigay siya ng tip kung paano iimpis tyan ko. Sinabi nya rin kung saan siya naggym, dun sa pag-aari ni Inday Garutay. Alam ko yun gym na yun at hindi yun ordinaryong neighborhood fitness gym. Kumbaga, mag paka-upper C to B ang market niya. Parang di afford ng constructrion worker na si Ejhay. Yun pala, raket niya ang pagiging gym instructor sa gabi.

Dun ko naisip maaaring niraraket niya lang ako, na gusto niya akong gawing customer sa pagtuturo. Gaya nga ng sinabi niya, kailangang kumayod ng extra, kailangang kumita ng malaki. Inisip ko na lang, at least hindi pako-callboy ang source ng extra income. Pero sa kabilang banda naisip ko rin, malay ko naman. Ang dami naman niyang sideline…

Nalaman kong mula sa Iloilo ay dito na sila nakipagsapalaran sa Maynila. Nag-aral siya sa TIP pero di niya natapos, kung ano-anong trabaho na rin ang pinasok niya. Matagal na sa bahay nila sa Sta. Mesa, sa likod ng SM Centerpoint. Sabi ko madalas ako dung mamili, lalo na pag Pasko kasi nga malapit sa Balic-Balic kung saan ako nakatira. Sabi niya, sige raw magkita kami dun minsan.

Hanggang sa dumating ang araw ng pagkikitang iyon. Walang nangyari sa amin na gaya ng aasahan ng iba. Nag-usap, kumain at nag-usap lang kami. Wala siyang pinabili, hiningi o pinadamang pangangailangan. Dahil dito, wala rin akong pinadamang pangangailangan ng katawan. Kung anumang pagnanasa na namamagitan sa mga oras na iyon, medyo naglaho dahil sa tiwalang binibigay naming sa isa’t isa. Tiwalang nakapagbukas ng aming mga puso at isipan. Tiwalang nagbigay ng respeto na bihira mo nang makamit sa mga panahong ito.

Aamin ako, noong una, libog lang ang lahat. Pero dahil sa SM Centerpoint na iyon, ang aking pusong mamon ay muling nagmahal at nakaramdam ng respetong matagal ko nang hindi nararanasan.

Isang Martes, wala siya. Natural, hahanapin ko. Kunwari pa kong lilinga-linga nang may lumapit sa akin.

Absent siya.

Sino po?

Si Bos Ejhay, di ba kaibigan ka niya?

Alam nila ha…

Nakuwento po niya kayo sa amin minsan.

Nakupo…pinag-uusapan na ako sa construction site.

Mabait po si Boss Ejhay, palakaibigan po talaga, wala namang masama dun.

Natulala ako sa sinabi ng mama. Tama nga naman, ano naman ang masama kung magkaibigan kami ni Ejhay. E ano kung alam na sa buong construction site. Ako lang naming itong takot. Ako lang naman itong mahilig magduda sa motibo ng iba. Ako lang nman itong hindi basta nakikipagkaibigan, lalo na kung wala namang pakinabang o kapalit. Ako lang naman….

Buong gabi kong inisip si Ejhay. Tanong ako ng tanong sa sarili ko, ako ba mauunang magtext? Inalis ko ang takot o hiya, nagtext ako sa kanya.

Kamusta ka? Bkit wla k knina?

Nakakainip maghintay ng reply. Parang gusto ko namang magalit sa Globe dahil iniisip ko mahina na naman ang kanilang signal. Pinadala ko uli yung text na may dagdag:

Kamusta ka? Bkit wla k knina? Ano gawa mo?

Wala pa rin. Lintek na Globe. Nagtext uli ako. Tinanggal ko na talaga yung natitirang pride sa aking katawan:

Kamusta ka? Bkit wla k knina? Ano gawa mo? Miss you.

Kung pwede lang lagyan ng pusong disenyo, ginawa ko na para maipadama yung pag-aalala ko at pagtatangi ko sa kanya.

May nagtext. Si Ejhay na!

Hu u?

Para akong binagsakan ng crane sa kanilang construction side. Kalimitan pag ganitong text, deadma na, maghanap ka na lang ibang katext. Pero dahil nga nahuhulog na loob ko kay Ejhay, nilunok ko na lahat ng aking kaartehan at diretsong nagtanong:

Ejhay, ano ka ba? Playtime ba ito? Tonichi to…anong nangyari…

Reply:

Ikaw pala si Tonichi….

Ano to? Tinigilan ko na. Inisip ko, katulad din nga siya ng iba. Siguro nga gusto niya lang akong maging customer sa gym.

Lumipas ang dalawang Linggo na hindi ko siya nakikita o nakakatext. Wala. Inisip kong nag-iba siya ng oras o hindi na nagtetren.

Hanggang napadako uli ako sa SM Centerpoint para bumili ng sapatos. May tumawag sa pangalan ko, si Ejhay.

Hay salamat, natiyempuhan din kita…

Bakit, yamot kong tanong.

Anong Bakit? Di mo ba ako namimiss? Halika nga, alis tayo dito.

Bakit, saan tayo pupunta, kunwaring nagpupumiglas kong buwelta.

Ayaw mo ba?

Gusto ko pero parang di ko masabi.

Bibigay ko sayo ang gusto mo.

Di ako makapagsalita. Magkahalong kaba at tuwa, may kasama ring inis at galit. Nawala na ba yung respeto sa isa’t isa? Tulad na nga ba siya ng iba?

May nangyari sa amin ng araw na iyon. Hindi ko na idedetalye ha pero masasabi kong iba siya dahil may kasamang pagmamahal, at least on my part. Dun naramdaman kong mahal ko na nga si Ejhay, nahulog na nga ang loob ko sa kanya. At handa ako kung tulad din siya ng iba na nagbebenta ng sarili, tutal sulit naman. Inisip ko na lang, sige mahal kita kahit dapat bayaran kita mahalin lang.

Tahimik kami pagkatapos, siya ang unang nagsalita, as usual:

Kamusta na?

Ikaw ang kamusta!, mabilis kong sagot.

Mahabang kuwento eh.

Nagtext ako sa’yo. Sabi, Hu U, Sabi, ikaw pala si Tonichi…ano yun Ejhay?

Wala na sa akin yung phone. Nasa kanya na.

Sinong kanya?

Asawa ko.

Ha? Wala kang sinabing ganun.

Meron. Tinanong mo ako dati kung sino kasama ko sa bahay, sabi ko pamilya ko.

Pamilya. Akala ko nun, tatay, nanay, kapatid. Pamilya pala as in asawa’t anak.

Dalawa na anak ko, magtatatlo na nga. Buntis si Tess, kaya lagpas-langit pagkaselosa.

Ahhh.

Yun lang sasabihin mo? Aahhh? Tsk-tsk, ano ka ba pusong bato? Wala nga pala ako sa Makati. Natransfer ako sa isa pang project sa San Juan, isang sakay lang mula sa amin. Ayun mas tipid. Mas madali akong nakakauwi at nakakapasok.

Sa gym?

Hindi na, ayaw na rin ni Tess, maramni raw akong baklang customer.

Hindi ako sumagot.

O bakit natahimik ka? Hindi ka naman kasama dun…Sabi ko kay Tess, ahente ka, nagbebenta ng unit sa condominium na tinatayo namin. Teka, nagtext ka nga bang Miss you?

Tumango lang ako.

Kaya pala, nagduda siya. Hahaha. Sabi ko, hindi ka bakla. Sabi ko, magiging ninong ka ng bunso namin. Namiss mo ba talaga ako?

Gusto kong sumigaw ng OO. Pero mas malakas ang tinig ng aking konsensiya: may pamilya na si Ejhay!

Tumayo ako at kinuha ang wallet ko. Kumuha ako ng pera at inabot kay Ejhay.

Ano yan?

Para sa’yo.

Matagal pa yung binyag, eto naman…patawa pero mapait ang kanyang tinig.

Hindi ito para sa binyag, para dito ito…

Para saan? Para sa katawan ko? Para sa nangyari sa atin? Putang ina, tulad ka rin pala ng iba.

Tulad ka rin pala ng iba! Umaalingawngaw sa buong silid ang huling sinabi ni Ejhay.

Hindi niya kinuha yung pera. Iniwan niya akong nakatanga sa kawalan. Hindi ko matandaan kung paano ako nagbihis at nakalabas mag-isa sa inupahan namang kuwarto. Wala akong sa sariling naglakad nang naglakad sa V. Mapa hanggang makatawid sa Altura. Sumakay sa tricycle. At para namang sinadya, umulan. Kulang na lang background music, kumpleto na sana ang eksenang hinugot sa teleserye.

Pero hindi ito eksena sa teleserye, eksena ito sa buhay ko. Aminin ko, umiyak ako ng balde-balde. Galit na galit ako sa sarili ko.

Balik sa ‘normal’ buhay ko. Nagtetren pa rin ako. Nagboboy-watching sa riles pero sabi ko nga, nag-iisa lang si Ejhay. Tinitingnan pa rin ako ng mga dati niya kasamahan pero di ko alintana, hindi naman nila ako siguro pinag-uusapan.

Nagtangka rin akong magtext kay Ejhay pagkatapos ng gabing iyon pero dahil normal na nga uli buhay ko, kaya umiiral pride ko. Di ko talaga matext si Ejhay kasi baka si Tess na naman ang may hawak ng cellphone. Saka isa kung si Ejhay man, baka murahin niya uli ako at sigawan nang: Tulad ka rin pala ng iba!

Pusong bato talaga ako. Puno ng takot, duda at pagtatakip ng totoong nararamdaman.

Kahapon, Martes, sa Pasay Road Station ng PNR, sa gitna ng daang bakal, sa paligid ng mga manggagawang nag-aaabang ng pagdating ng tren; bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa isang taong malayo pa lang ay nakangiti na sa akin. Si Ejhay.

Kamusta ka na?

Hindi na ako natakot magpakita ng aking pagka-pusong mamon.












Tuesday, June 15, 2010

hating my father

i grew up hating my own father. i believed he hated me, too. i was his namesake, his junior; and his junior is gay. i carry his name, i was burdened with the pain of him not loving me for being gay. ours was far from being ideal. i was born to be despised, abhorred, disowned. i grew up unloved.

i thought doing good in school and in life in general would change all his perspectives. i thought in trying to behave and not to act like gay in front of him would please him. NO. he would always bring up the day he caught me wearing my mother's skirt. i grew up unforgiven.

he didn't shout at me but he never talked to me. he didn't hit or slap me but his verbal assaults and dagger looks hit me down the spine and straight to my already broken heart. i grew up unhealed.

my parents separated after years and years of fighting. i was one of the reasons of their frequent fights. i was the scapegoat. i was the curse. i was the jinx. i was the reason why we're dysfunctional. i grew up believing i was unwanted.

my father died a few years ago. he died in the arms of his brothers and sisters who never felt love or care for me and my siblings. i didn't go to his wake. i didn't see him buried. i never visited his tomb. and i never thought i would feel this guilt.

i never loved him, he died unloved.

i never understood and listened to him, he died unforgiven.

i never took care of him when he got sick, i never let him in in my life again when he tried to be with us, he died unhealed.

i never defended him to people who hated him, my relatives, my brothers, my neighbors, my self, he died unwanted.

i grew up hating my father, and God, I am so sorry for that.